Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tadhana/kapalaran?
Sagot
Ito ay isang kumplikadong isyu at magsisimula tayo sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Ang tadhana o kapalaran ay laging pinapakahuluganan na "isang nakatakdang pangyayari na hindi kayang kontrolin ng tao." Ang isang tipikal na tugon sa paniniwalang ito ay pagpapaubaya—kung hindi natin kayang baguhin ang ating kapalaran, bakit pa tayo susubok? Anuman ang nangyayari, yon ang mangyayari at wala na tayong magagawa para baguhin iyon." Ang kaisipang ito ay tinatawag na "fatalismo," (fatalism) at hindi ito naaayon sa Bibliya.
Ang Fatalismo ay isang pangunahing saligan ng katuruan ng Islam, na hinihingi ang ganap na pagpapasakop sa kapamahalaan ni Allah. Ang konseptong ito ay pinaniniwalaan din sa Hinduismo; sa katotohanan, ang pananaw na ito sa buhay ang dahilan ng pananatili ng caste system sa India. Itinuturo sa mitolohiyang Griego ang tungkol kay Moirai, o ang mga tadhana, ang tatlong diyosa na inilalarawan bilang manghahabi ng buhay ng tao. Hindi maaaring baguhin o pawalang-bisa ang kanilang desisyon, kahit ng ibang mga diyos. Muli ang fatalismo ay isang konsepto na hindi naaayon sa Bibliya.
Tadhana at Kapalaran – Ang ating malayang pagpapasya
Itinuturo ng Bibliya na nilikha ang tao ng may kakayahan na gumawa malayang moral na pagpapasya (moral free will) at responsable siya para sa mga pagpapasyang iyon. Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan ay hindi isang pangyayari kung saan sina Adan at Eba ay mga sawing-palad na biktima ng isang Diyos na "puppet master." Sa kabaliktaran, may kakayahan sina Adan at Eba na pumili kung susunod sila sa Diyos (kalakip ang patuloy na pagpapala) o susuway (kalakip ang sumpa ng pagsuway). Alam nila ang resulta ng kanilang desisyon at ang pananagutan nila sa Diyos (Genesis 3).
Ang temang ito ng pananagutan para sa ating mga desisyon ay itinuturo sa buong Kasulatan. "Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan" (Kawikaan 22:8a). "Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan" (Kawikaan 14:23). "…At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng papuri mula sa kanya" (Roma 13:3).
Kadalasan, kung tinatalakay sa Bibliya ang kapalaran o tadhana, ito ay tumutukoy sa sasapiting kapalaran ng tao dahil sa kanyang sariling kagagawan: "…marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan.…" (Filipos 3:18-19). "Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili …" (Awit 49:13). "Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang, sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan" (Kawikaan 6:32). "… Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa" (Pahayag 20:13).
Nagkakasala tayo dahil ginusto nating magkasala. Hindi natin pwedeng sisihin ang "tadhana," "kismet," predestinasyon, o ang Diyos. Sinasabi ni Santiago, "Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa" (Santiago 1:13-14).
Kapansin-pansin na maraming tao na piniling magkasala ang naiinis sa negatibong resulta ng kanilang kaslanan. "Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili, pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi" (Kawikaan 19:3). Ito ay isang kapaki-pakinabang na talata. Sinisira ng mga tao ang kanilang sariling buhay, pagkatapos ay isisisi nila ang resulta sa Diyos, o maaaring sa "tadhana." Sa ganitong paraan, nagpapatuloy sila sa kanilang kahangalan.
Itinuturo din ng Kasulatan na pinipili nating magkaroon ng pananampalataya. Ang inulit-ulit na utos sa Kasulatan para maniwala ay nagpapahiwatig na may desisyon tayo sa bagay na ito. "Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.…" (Juan 20:27; tingnan din ang Gawa 16:31; 19:4).
Tadhana at Kapalaran – Ang kapamahalaan ng Diyos
Baka magkaroon tayo ng maling pananaw. Hindi namin sinasabi na tayo ang nagtatakda ng ating sariling tadhana/kapalaran. Tanging ang Diyos lamang ang makapangyarihan. Ang Kanyang walang hanggang kapamahalaan ay tinatawag na probidensya (providence). Pinili Niya na bigyan tayo ng malayang pagpapasya at kalooban, at nilikha Niya ang isang moral na sangnilikha kung saan ang batas ng sanhi at epekto (cause and effect) ay isang realidad. Ngunit ang Diyos ay Diyos, at walang aksidente sa kanyang sangnilikha.
Ang isang Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay, at makapangyarihan sa lahat ay tiyak na may plano, kaya hindi isang sorpresa na itinuturo ng Bibliya ang plano ng Diyos. Ang plano ng Diyos, dahil ito ay sa Kanya ay banal, maalam at hindi nagtatangi. Ang probidensya ng Diyos ay gumagawa upang isakatuparan ang Kanyang orihinal na plano sa sangnilikha.
Sinabi ng Diyos sa Isaias 48:3, "Noong una pa'y alam ko na kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay bigla ko itong isinakatuparan." Kung ano ang sinabi ng Diyos, iyon ay Kanyang isinasakatuparan (at maaaring sinabi na Niya iyon libo-libung taon bago pa maganap!).
Ang paglaban sa plano ng Diyos ay walang kabuluhan. "Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban" (Kawikaan 21:30). Ito ang dahilan kung bakit hindi natapos ang tore ng Babel (Genesis 11:1-9), kung bakit ang mga kalaban ni Daniel ang itinapon sa kulungan ng mga leon (Daniel 6:24), kung bakit nilulon si Jonas ng isda (Jonas 1:17), at kung bakit nasasadlak ka sa kaguluhan sa tuwing nagkakasala.
Kahit ang ating karaniwang tinatawag na "swerte" o "malas" ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. "Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan" (Kawikaan 16:33). Sa ibang salita, ang Diyos ang nagpapatakbo ng mundong ito.
Ang lahat ng nangyayari sa mundo ay ginawa upang maganap ang layunin ng Diyos. May kasamaan, ngunit hindi nito mahahadlangan ang probidensya o pagkilos ng Diyos. Ginagamit ng Diyos maging ang masasamang tao para sa Kanyang layunin. "Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari at naibabaling niya ito kung saan igawi" (Kawikaan 21:1). Kumilos ang Diyos sa puso ng mga Ehipsyo (Exodo 12:36) at sa puso ni haring Artaxerxes (Ezra 7:27) para isakatuparan ang Kanyang layunin. Kahit na lubos na masama ang intensyon ng isang tao, kaya ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang layunin sa pamamagitan noon, gaya ng nangyari noong ipako si Jesus sa krus (Gawa 2:23; 4:27-28).
Kasama sa plano ng Diyos ang gantimpala sa mga nagtitiwala sa Kanya, at Kanyang ipinangako na luluwalhatiin Niya sila. "Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit tulad ng nasusulat, "Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya" (1 Corinto 2:7-9). Pansinin ang paggamit ng salitang "itinalaga" sa mga talatang ito—at ito ang tadhana na ayon sa ating pag-ibig para sa Panginoon.
Tadhana at Kapalaran – Isang plano para sa indibidwal
Sa kapangyarihan at kapamahalaan ng Diyos, may plano Siya sa ating indibidwal na buhay. Inilarawan ito ng Diyos sa Kanyang pagtawag kay propeta Jeremias — bago pa man siya isinilang. "Sinabi sa akin ni Yahweh, "Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa" (Jeremias 1:4-5).
Kinilala din ni David na may plano para sa kanya ang Panginoon. "Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam" (Awit 139:16). Dahil sa kaalamang ito, hinanap ni David ang partikular na plano ng Diyos sa maraming sitwasyon, gaya ng sa 1 Samuel 23:9-12.
Tadhana at Kapalaran – Paano ipagkakasundo sa plano ng Diyos
Sa Gawa 9, nagpakita si Jesus kay Pablo at kapansin-pansin ang sinabi sa kanya ng Panginoon: "Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay" (talata 5; Gawa 26:14). Malinaw na may plano si Jesus para kay Pablo, at nilalabanan iyon ni Pablo sa gitna na sakit na kanyang nararanasan. Ang pagsasanay ng ating kalayaan ay maaaring maging napakasakit para sa atin.
Kalaunan, sinabi ni Jesus kay Pablo na may isang taong nagngangalang Ananias ang dadalaw sa kanya—at pagkatapos sinabihan ni Jesus si Ananias (talatas 11-12)! Hindi maikakaila ma may matagal na ring plano Si Jesus para kay Ananias. Ngayon, paano kung tumutol si Ananias na dalawin si Pablo? (talata 13-14). Maaaring gawin niya ang ginawa ni Jonas at pumunta sa ibang lugar. Kung iyon ang kanyang piniling desisyon, maghahanda din ang Diyos ng isang "isda" upang ibalik siya. Ang maganda, sumunod si Ananias (talata 17). Ang paggamit ng ating kalayaan para sumunod sa plano ng Diyos ay nagdadala ng pagpapala.
Sa pagbubuod, itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at pangyayari. Gayundin naman, binigyan Niya tayo ng kalayaan na sumunod o sumuway sa Kanya, at ang mga ibang mga bagay na ginagawa ang Diyos ay bilang kasagutan lamang sa panalangin (Santiago 4:2).
Pinagpapala ng Diyos ang masunurin, at matiyaga Siya sa mga sumusuway, kahit na sa punto ng kanilang tila pagwawalang-bahala. May plano Siya sa ating mga buhay kasama ang ating kagalakan at ang Kanyang kaluwalhatian sa mundong ito at sa darating. Ang mga nagtitiwala kay Cristo bilang kanilang Tagapagligtas ay tinatanggap ang plano ng Diyos (Juan 14:6). Mula noon, ito ay paisa-isang hakbang ng pagsunod sa pinakagamandang plano ng Diyos para sa atin, pananalangin para masunod ang Kanyang kalooban (Mateo 6:10), at pagiwas sa pandaraya ng kasalanan (Awit 32:1-11; 119:59; Hebreo 12:1-2).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tadhana/kapalaran?