settings icon
share icon
Tanong

Ano ang susi sa tagumpay laban sa panghihina ng loob?

Sagot


Sa tuwing tayo'y pinanghihinaan ng loob, nawawalan tayo ng motibasyon para magpatuloy sa buhay. Tila napakatarik ng bundok, napakadilim ng daan, o napakahigpit ng labanan, at nawawalan tayo ng lakas at tapang para magpatuloy.

Sa maraming mga talata sa Kasulatan, inuutusan ng Diyos ang Kanyang mga anak na magpakatapang (Awit 27:14; 31:24; 2 Cronica 32:7; Deuteronomio 31:6). Nang piliin ng Diyos si Josue para palitan si Moises bilang pinuno ng mga Israelita, ang ilan sa mga pangungusap Niya kay Josue ay, "Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta" (Josue 1:9). Ibinase ng Panginoon ang utos na ito sa Kanyang naunang pangako kay Josue sa talata 5, "Walang makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man." Alam ng Diyos na haharap si Josue sa ilang malalaking labanan, at ayaw Niyang panghinaan ng loob ang Kanyang lingkod.

Ang susi sa pagtatagumpay laban sa panghihina ng loob ay ang pagalaala sa mga pangako ng Diyos at pagsasabuhay sa mga iyon. Kung kilala natin ang Panginoon, maaari tayong manindigan sa kanyang mga pangako na Kanyang ibnigay sa Kanyang mga Anak sa Kanyang Salita. Makita man natin o hindi ang katuparan ng kanyang mga pangakong iyon sa buhay na ito, tiyak na magaganap ang mga iyon (Hebreo 11:13–16). Ang kaalamang ito ang nagbigay kay apostol Pablo ng lakas at tapang para magpatuloy sa kanyang gawain, sa pangangaral ng Ebanghelyo hanggang sa masadlak siya sa bilangguan kung saan nagwakas ang kanyang buhay. Mula sa bilangguan, kanyang isinulat, "nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit" (Filipos 3:14). Kaya niyang magpatuloy sa gitna ng mga paguusig, pagtanggi ng iba, pagpapahirap, at panghihina ng loob dahil nakapako ang kanyang paningin sa gantimpala sa langit: sa pagdinig sa mga pananalitang, "Magaling, mabuting alipin!" mula sa kanyang Panginoon at Tagapagligtas (tingnan ang Mateo 25:23; Pahayag 22:12).

Madali tayong nanghihina ang loob sa tuwing naghahangad tayo ng gantimpala at pagsang-ayon ng mga tao sa ating paligid. Kung ang ating paglilingkod at pagsunod ay nakabase sa agarang kasiyahan, maaaring itulak natin ang ating sarili sa panghihina ng loob. Hindi laging dumaan ang Panginoon sa magandang landas, at binalaan Niya ang Kanyang mga rtagasunod na isasip ito bago sila magsimula (Lukas 14:25–33). Kung atin ng naikunsidera ang halaga ng pagsunod, may mas marami tayong lakas para harapin ang mga digmaan sa hinaharap. Hindi tayo madaling panghihinaan ng loob kung hindi sumasang-ayon sa ating kagustuhan ang mga pangyayari dahil nalalaman natin na ang labanan ay sa Panginoon (1 Samuel 17:47).

Maaaring maging babala ang panghihina ng loob na nawawala na ang ating atensyon sa Panginoon at sa kanyang ipinagagawa sa atin. Kung nakadarama tayo ng panghihina ng loob, makatutulong na maggugol tayo ng panahon sa pananalangin sa Panginoon at ipasiyasat natin sa Kanya ang ating mga puso at mga motibo (Awit 139:23). Sa tuwina, ang pagiging mapagmataas, sakim, o mapagimbot ang sanhi ng panghihina ng loob. Minsan, nagmumula ang panghihina ng loob sa pagaangkin ng tagumpay dahil sa sariling lakas na nagbibigay diin sa pagkakaiba sa talagang pagaari natin at sa pinaniniwalaan nating mayroon tayo ngunit wala naman pala. Kung kinikilala natin ang saloobing ito na isang kasalanan, maaari tayong magsisi, magpakumbaba, at hayaan na ang Banal na Espiritu ang magtuwid sa atin. Kung ginagamit natin ang panghihina ng loob bilang paalala na nawawala na tayo sa tamang landas at naitutuon natin ang ating pansin sa mga bagay na talagang nararapat, ang panghihina ng kalooban ay magiging isang kasangkapan para tayo maging mas kawangis ni Jesus (tingnan ang Roma 8:29).

Hindi estranghero ang Mangaawit sa panghihina ng loob at ang kanyang tugon sa saloobing ito ay ang pagalaala sa Diyos at pagtitiwala sa kanyang mga pangako sa Kanyang Salita: "Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan; Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan. Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap, habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras" (Awit 42:5–6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang susi sa tagumpay laban sa panghihina ng loob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries