settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapagtatagumpayan ang takot sa kamatayan?

Sagot


Kahit na ang isang tapat na mananampalataya na nakatitiyak na sa kaligtasan ay nakakaranas pa rin ng mga sandali na kinatatakutan ang kamatayan. Normal para sa atin na umiwas kahit sa paksa ng kamatayan. Ang kamatayan ay hindi orihinal na bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang sangnilikha. Nilikha ng Diyos ang tao na banal, walang kamatayan, tumatahan sa paraiso at may malapit na kaugnayan sa Kanya. Ang kamatayan ay resulta ng pagsuway ng tao sa Diyos. Isang biyaya ng Diyos na tayo ay namamatay. Kung hindi, kailangan nating patuloy na mabuhay sa makasalanang mundong ito magpasawalang hangan.

Hindi mapaglalabanan ng kaalaman ng pagputa sa langit ang natural na reaksyon ng tao pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang kahinaan ng ating katawang lupa at ang mga halimbawa ng biglaang pagkamatay ay paalala sa atin na wala tayong kontrol sa ating buhay sa mapanganib na mundong ito na ating ginagalawan. Ngunit, mayroon tayong malaking pag-asa dahil Siya na nasa atin ay higit na makapangyarihan sa kanya na nasa sanlibutan (1 Juan 4:4). Umakyat sa langit si Hesus upang ipaghanda tayo ng lugar na matitirhan at upang makasama Niya tayo magpakailanman (Juan 14:2). Ngunit makatutulong na ikunsidera natin ang mga praktikal na bagay sa pagharap natin sa kamatayan.

May ilang aspeto ng kamatayan na nagdudulot ng pagkatakot. Sa kabutihang palad, may sagot ang Diyos para sa bawat isa sa mga takot na ito.

Takot sa hindi nalalaman
Ano ang nararamdaman ng isang naghihingalo? Ano ang makikita habang ang kaluluwa ay umaalis sa lupang katawan? Paano ito magaganap? Gaya ba ito ng inulat ng ilang tao na nakakita sila ng isang maningning na liwanag? O kaya naman ay ang sinasabi ng iba na nakikita nila ang mga namatay nilang kamag-anak?

Walang makakapagsabi ng tiyakan kung ano ang nararamdaman ng isang naghihingalo ngunit inilarawan sa Bibliya kung ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan. Sinasabi sa 2 Corinto 5:6-8 at Filipos 1:23 na sa oras na umalis ang ating kaluluwa sa ating katawan, uuwi tayo sa Panginoon. Anong dakilang katiyakan! Mananatili tayo sa ganitong kalagayan hanggang dumating ang Panginoong Hesu Kristo at buhayin tayong muli (1 Corinto 15:20-22, 6:14) at bibigyan ng isang bago at maluwalhating katawan.

Takot sa kawalan ng control
Sa oras na ang isang tao ay dumating sa hustong gulang, nagkakaroon siya ng kaalaman kung paano makikipagugnayan sa mundo . Nalalaman niya kung paano makakamit ang kaniyang mga kailangan, makarating sa gusto niyang puntahan at makisalamuha sa iba sa isang paraan na kasiya-siya para sa kanya at naaayon sa kaniyang layunin.

Maraming tao, kahit na yaong mga nagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos ang natatakot na baka hindi nila makamit ang kanilang kinakailangan kaya’t iniisip nila na kailangan nilang manipulahin ang sitwasyon at ang mga tao sa kanilang paligid para sa kanilang kasiyahan. Nakakilala na tayo ng mga lalaki at babae na nangabuso ng iba dahilan sa kanilang pagkatakot. Hindi sila naniniwala na kakatagpuin ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan kaya’t sinisikap nilang makamtan ang lahat sa pamamagitan ng kanilang sariling lakas. Hindi rin sila nagtitiwala na bibigyan sila ng kunsiderasyon ng ibang tao kaya’t ipinagpipilitan nila sa kanila ang kanilang kailangan.

Gaano kaya ang pagkatakot ng tao sa pagkawala ng kontrol sa kanilang buhay sa oras ng kanilang kamatayan! Gaya ng sinabi ni Hesus kay Pedro noong ilarawan Niya kung paano ito mamamatay, “Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto” (Juan 21:18). Bago marinig ni Pedro ang babalang ito, itinatwa niya si Hesus dahil sa takot sa kamatayan. Ngunit pagkatapos na mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit ni Hesus, ganap na naging isang bagong nilalang si Pedro – naging isa siyang tao na ang sigasig sa pangangaral ng ng Ebanghelyo ni Kristo ay higit sa kanyang pangangailangan na kontrolin ang kanyang kapaligiran (Gawa 5:17-42). Gaya ni Pedro, ang Banal na Espiritu lamang ang makapagbibigay sa atin ng lakas upang harapin ang mga hamon na ating kinakaharap.

Takot para sa mga maiiwan
Ang pananaw ng Kristiyano sa kamatayan ay pagkahiwalay. Ang kamatayang espiritwal ay pagkahiwalay sa Diyos. Sa kamatayang pisikal, mahihiwalay tayo sa ating mga mahal sa buhay sa lupa. Kung mananampalataya din sila, alam natin na ang paghihiwalay na ito ay napakadali lamang kumpara sa walang hanggan. Kung hindi sila mananampalataya, mahihiwalay sila sa atin ng walang hanggan. Ang ating gawain kung gayon ay gamitin ang ating natitirang panahon at lakas dito sa lupa upang ibahagi sa kanila ang Ebanghelyo at ipaalam sa kanila kung saan sila pupunta kung mamamatay sila ng walang pananampalataya kay Kristo. Sa huli, nasa kanila na ang desisyon.

Takot sa pagharap sa kamatayan
Kakaunti sa atin ang nakakaalam kung pano tayo mamamatay. May namatay ng mabilis at walang sakit na naramdaman, may namatay habang natutulog at may namatay sa paghihirap dahil sa isang karamdaman. Ang misteryo ng kamatayan at ang kawalan natin ng kakayahan na makapaghanda para dito ay totoong nakakatakot. Kahit na may taning na ang ating buhay at alam pa natin kung paano tayo mamamatay, totoong nakakatakot pa rin ang pagharap sa kamatayan.

Ngunit ang takot na ito ay panandalian lamang. Ito’y isang sandali na pinagdaanan at pagdaraanan ng lahat ng tao. Maaaring angkinin ng mga Kristiyano ang Filipos 3:20-21: “Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin niya upang maging maluwalhating tulad ng kanyang katawan.”

Upang maibsan ang ating takot, maaari nating gawin ang mga sumusunod na hakbang upang ihanda ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay sa pagdating ng kamatayan.

Pagtatagumpay laban sa takot sa kamatayan – mga praktikal na hakbang
Maraming tao ang naniniwala na hindi pa sila dapat mamatay dahil napakarami pa nilang dapat gawin sa lupa. Kadalasan, nangangahulugan ito na may mga responsibilidad pa sila sa pamilya na hindi pa nila nagagampanan o kaya naman ay may mga bagay na inaakala nilang hindi kayang gawin ng kanilang mahal sa buhay kung sila’y mamamatay. Ngunit ang pagkakaroon ng mga responsibilidad ay hindi makakapigil sa iyong kamatayan kung talagang panahon mo na. Maiibsan ang ating pagkatakot sa kamatayan kung magpaplano tayo bago dumating ang sandaling iyon.

Kung mayroon kang negosyo o mga anak o mga taong umaasa sa iyo, ihanda mo ang kanilang mga pangangailangan kung sakaling bawian ka ng buhay. Magdesisyon ka na ngayon pa lang kung sino ang taong gaganap sa iyong tungkuling maiiwan at gumawa ka na ng plano kasama ng taong iyon. Gumawa ka na rin ng “last will” o huling testamento. Tiyakin mo na lahat ng mga kinakailangang papeles ay naisaayos na at madaling mahanap. Makipagkasundo ka na sa iyong mga kagalit at sa mga taong nakasamaan mo ng loob hanggang kaya mo pang gawin. Ngunit huwag kang mabubuhay para mamatay. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagsasaalang-alang ng mga kinakailangang hakbang bago ang kamatayan at obsesyon sa kamatayan.

Pagtatagumpay laban sa takot sa kamatayan – Mga hakbang sa pisikal
Kung mayroon kang nais ipahayag kung ano ang gusto mong mangyari sa iyo kung sakaling hindi ka man mamatay ay mawalan ka ng kakayahan na kumilos o maging gulay gaya ng nangyari sa iba, sabihin mo na ito ngayon. Posible na sa iyong pagkakasakit o dahilan sa isang aksidente ay mawalan ka ng kontrol sa sitwasyon sa isang iglap at huli na upang sabihin ang iyong mga kahilingan. Gumawa ka na ng isang testament at ipaalam mo sa mga taong malalapit sa iyo ang nais mong mangyari – o kaya nama’y sabihin mo sa kanila ang nilalalaman ng iyong huling habilin. Pumili ka ng isang taong mapagkakatiwalaan at bigyan mo siya ng awtorisasyon na gumawa ng desisyon para iyo kung sakaling dumating ang sandali na hindi mo na kayang magdesisyon para sa iyong sarili.

Pagtatagumpay laban sa takot sa kamatayan – Espiritwal na hakbang
Ang pinakamahalagang bagay na dapat tandaan patungkol sa kamatayan ay ang katotohanan tungkol sa buhay. Mahal mo ang iyong pamilya at nagmamalasakit ka para sa kanilang kapakananan, ngunit higit ang pag-ibig sa kanila ng Diyos. Maaaring nagaalala ka para sa mangyayari sa kanila dito sa lupa, ngunit higit na pinagmamalasakitan ng Diyos ang kanilang walang hanggang hinaharap. Hindi makapagbibigay ng kapanatagan ng isip ang lahat ng mga papeles sa mundo na gaya ng ibinibigay ng isang simpleng aksyon: ang pananatili sa Diyos.

Sa gitna ng pamumuhay natin sa mundo, mahirap panatilihin sa ating isip na ito ay panandalian lamang. Sinasabi sa 1 Juan 2:15-17, “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.” Mapapanatili natin ang katotohanang ito tungkol sa buhay sa mundo sa pamamagitan ng pananatili sa Diyos (1 Juan 2:24). Ang pananatili sa katotohanan ng Kanyang Salita at paniniwala sa sinasabi ng Diyos tungkol sa atin at sa mundong ating ginagalawan ang nagbibigay sa atin ng tamang pananaw tungkol sa buhay na ito at sa buhay na naghihintay sa atin sa langit.

Kung mapapanatili natin ang ating pananaw sa walang hanggan, magagampanan natin ang sinasabi sa 1 Juan 3:1-3: “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.” Sa pamamagitan ng ating pamumuhay, makikita ng mga taong walang pananampalataya na hindi tayo taga sanlibutan. Angkinin natin ang ating posisyon bilang mga anak ng Diyos at nasain natin ang araw na yaon na tayo ay magiging kagaya ni Kristo at makikita Siya ng mukhaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapagtatagumpayan ang takot sa kamatayan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries