settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Talaan ng mga Bansa?

Sagot


Ang ikasampung kabanata ng aklat ng Genesis na karaniwang tinatawag na Talaan ng mga Bansa ay isang listahan ng mga tagapagtatag ng pitumpung bansa na nagmula kay Noe sa pamamagitan ng kanyang tatlong anak na sina Sem, Ham at Jafet. Dalawampu’t anim sa pitumpong bansa ang nanggaling kay Sem, tatlumpu’t apat ang nanggaling kay Ham, at labing-apat ang nanggaling kay Jafet. Nilagom ng maiksi sa Genesis 10:32 ang kabanata: "Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanikanilang lahi, sa kanikanilang bansa: at sa mga ito nangabahagi ang mga bansa pagkatapos ng bahang gumunaw." Inalala sa kabanata 22 ang paghihiwalay ng mga tao sa Babel.

Tila ipinapahiwatig ng manunulat na bagama’t hindi maliwanag na sinasabi ng teksto, intensyon niya na ituring ang listahang ito bilang isang kumpletong tala ng pinagmulan ng mga bansa. Tradisyonal na inuunawa ang talaang ito ng gayon. Gayunman, ang ganitong interpretasyon ay maituturing pa ring isang pagpapalagay.

Ang lahat ng mga talaan sa Bibliya ay pinaikli. Isinama sa talaan ang mga pangunahing tauhan, habang hindi itinala ang mga hindi gaanong mahalagang tao o mga pangyayaring hindi napapanahon sa kultura ng Bibliya. Posible na ito ang kaso sa Talaan ng mga Bansa. Maaaring itinuon ng manunulat ang kanyang pagaaral sa mga bansa na pinakamahalaga sa kanyang sariling bansa sa panahon na inipon ang talaan, habang hindi niya pinagukulan ng pansin ang mga tagapagtatag ng bansa sa malalayong lugar, maaaring maging ang mga bansa na matagal ng nalimutan sa kasaysayan. Habang ang bawat bansa ay may kaugnayan sa ibang bansa sa pamamagitan ni Noe, hindi nangangahulugan na pare-pareho ang kultura ng mga lahing nanggaling kay Noe.

Habang madaling makilala ang ilan sa mga bansang nakalista sa talaan, nananatili namang mahirap makilala ang iba. Maraming iskolar ng Bibliya ang nagtangka na kilalanin ang mga hindi kilalang bansang ito ng may iba’t ibang antas ng tagumpay. Dahil sa napakatagal na ng pinanggalingang materyal, may natitira pa ring antas ng kalabuan.

Pinagdudahan ang pagiging eksakto ng Talaan ng mga Bansa dahil sa ang ilang paglalarawan ay hindi tumutugma sa modernong salita. Halimbawa, sinasabi na ang mga Elamita ay nagmula kay Shem, ngunit hindi salitang Semitiko ang kanilang wika. Sinasabi rin na nagmula kay Ham ang mga Cananeo, ngunit semitiko naman ang kanilang ginamit na wika.

Ipinagpapalagay ng mga nagdududa na hindi dumaan sa dramatikong pagbabago ang mga wikang ito. Ang kasaysayan ng rehiyon ay tila nagpapahiwatig na ito ay isang hindi kapani-paniwalang pagpapalagay. Ang mga kultura sa rehiyon ay laging naapektuhan ng pagpapalipat-lipat ng tao dahil sa pananakop ng mga bansa mula sa malayong lugar. Laging itinuturo ng mga mananakop na bansa ang kanilang wika at kultura sa kanilang mga sinasakop na bansa.

Ang pagpapailaim ng Imperyo ng Persia sa kulturang Griyego pagkatapos ng pananakop ni Alexander the Great ang isang klasikong halimbawa. Gayundin naman ang mga Israelita na noong una ay may isa lamang salita na sinaunang Hebreo hanggang sa sakupin sila ng Babilonia at Persia. Mula ng masakop sila ng mga bansang ito, niyakap nila ang wikang Aramaiko, ang opisyal na wika ng Imperyo ng Persia. Isinulat sa wikang Aramaiko ang Talmud ng mga Hudyo, gayundin ang malaking bahagi ng aklat ni Daniel at aklat ni Ezra. Sinasabing ang wikang Aramaiko ang katutubong salita ng Panginoong Hesu Kristo. Nang masakop ni Alexander the Great ang Persia, ginamit ng mga Hudyo ang wikang Griyego bilang kanilang ikalawang wika. Dahil dito, ang lahat ng aklat sa Bagong Tipan ay isinulat sa wikang Griyego. Ang wika sa rehiyon ay hindi nanatili.

Sinalakay at sinakop ng mga Hebreo ang Canaan bago dumating ang mga Griyego, Persians at Babilonians. Nakakapagtaka ba na ginamit ng mga Cananeo ng rehiyon ang salitang Semitiko na halos kapareho ng sinaunang Hebreo? Gaya ng mga Elamita, kung tatalakayin ang kanilang wika, dapat tayong magumpisa sa salita ng mga Elamita bago nila ginamit ang salitang Hebreo o Semitiko. Subalit hindi pa rin nauunawaan hanggang ngayon ang sinaunang salita ng mga Elamita kaya’t hindi ito ang maaaring maging basehan ng pagtutol laban sa Talaan ng mga Bansa sa Genesis 10. Walang ebidensya na ang dating salita ng mga Elamita ay hindi semitiko at ito ang dahilan ng pagkakaroon nila ng salitang ginamit nila kalaunan at hindi natin alam kung ano ang mga impluwensya na bumago sa kanilang wika sa pagdaan ng panahon.

Ang isa pang pagtutol sa Talaan ng mga Bansa ay hindi umano lumabas sa talaan ng kasaysayan ng tao (na mayroon tayo ngayon) ang ilan sa mga bansa na nakalista sa Talaan hanggang sa huling bahagi ng unang isanlibong taon bago dumating si Kristo. Ito ang nagtulak sa ilang iskolar na tayahin ang edad ng Talaan ng mahigit sa ikapitong siglo BC.

Ito ang isa sa paulit ulit na ginagamit na kritisismo laban sa Bibliya. Sa halip na bigyan ng benipisyo ng pagdududa ang Bibliya sa tuwing binabanggit ang isang siyudad o lugar na hindi makikita saan man sa kasaysayan, o kung binabanggit dito ang isang kultura sa isang panahon na mas maaga sa ibang tala na mayroon tayo mula sa ating limitadong tala ng kasaysayan. Sa pangkalahatan, ipinagpapalagay ng mga kritiko na kung hindi man mandaraya ay ignorante naman mga manunulat ng Bibliya. Ito ang kaso para sa sinaunang siyudad ng Nineve at ang sinaunang sibilisasyon ng mga Heteo ng Levant na parehong muling natuklasan sa makabagong panahon, ang Nineve noong ika-19 siglo at ang sibilisasyong Heteo noong ika- 20 siglo sa isang kahanga-hangang pagtatanggol sa katotohanan ng talaan ng kasaysayan ng Bibliya. Ang katotohanan ay napakagulo ng ating kaalaman tungkol sa mga sinaunang kultura at lagi tayong nakadepende sa mga pangunahing pagpapalagay. Kaya nga hindi nararapat na sabihin agad na napakatagal na ng Talaan ng mga Bansa base lamang sa katotohanan na hindi lumabas ang ilan sa mga bansa sa kasaysayan ng tao na kailan lamang nabuo.

Ang huling pagsalungat sa katotohanan ng Talaan ng mga Bansa ay may kinalaman sa sinasabi ng Bibliya na si Nimrod ay anak ni Cus (Genesis 10:8), na pinaniniwalaang siyang nagtatag ng Nubia sa Timog ng Ehipto. Gayunman, nagtatag din si Nimrod ng ilang mga siyudad sa Mesopotamia na hindi nagpapakita ng anumang tanda sa pinagmulan ng Nubia (Genesis 10:8-12). Nangangahulugan ba ito, gaya ng inaangkin ng mga kritiko na mali ang Talaan ng mga Bansa, o kung hindi, mali ba ang talaan ba ng angkan ni Nimrod at ang kanyang papel sa pagtatatag ng mga siyudad sa Mesopotamia?

Isinasantabi ng argumento ng mga kritiko na anak din ni Cus ang tagapagtatag ng hindi kukulangin sa anim na bansa sa Arabia (Genesis 10:7), at wala isa man sa kanila ang nagpapakita ng tanda na naggaling sila sa Nubia. Ito ay dahil natatag at lumago ang Nubia sa sarili nitong kultura sa loob ng maraming henerasyon. Direktang anak ni Cus si Nimrod. Walang dahilan upang asahan na ang mga itinayo niyang siyudad ay magpapakita ng anumang tanda ng pinanggalingan ng Nubia.

Sa paglalagom, ipinapakita ng Talaan ng mga Bansa ng pananaw ng Bibliya tungkol sa mga lahing pinanggalingan ng lahat ng mga bansa na nanggaling kay Noe mula sa kanyang tatlong anak na sina Sem, Ham, at Jafet. Ang hindi natitiyak ay kung ang listahan bang ito ng 70 bansa ay intensyon ng manunulat upang ilista ang isang kumpletong listahan ng mga Bansa o kung may mga bansa siya na aksidente o intensyonal na hindi binanggit. Ang katumpakan ng ating nalalaman tungkol sa Talaan ay pinagdududahan ng mga kritiko, na ang pangunahing sandata sa pagtutol ay depektibo at hindi mapagkakatiwalaan. Dahilan sa katandaan ng mga pinanggalingang ebidensya, nananatiling hindi kayang patunayan ng modernong kasaysayan ang katotohanan nito. Sa huli, ang mga naniniwala sa katotohanan ng Talaan ng mga Bansa ay tinatanggap ito sa pamamagitan ng pananampalataya at pinaniniwalaan na ang Talaang ito ay bahagi ng isang mas malaki at katanggap tanggap na perspektibo. Ang mga hindi naniniwala sa katotohanan ng Talaang ito ay hindi naniniwala sa parehong kadahilanan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Talaan ng mga Bansa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries