- Ang Lukas 16:19-31 ba ay isang talinghaga o salaysay ng isang tunay na pangyayari?
settings icon
share icon
Tanong

Ang Lukas 16:19-31 ba ay isang talinghaga o salaysay ng isang tunay na pangyayari?

Sagot


Ang Lukas 16:19-31 ay malaon ng paksa ng maraming kontrobersya. May mga naniniwala na ang kuwento tungkol sa mayaman at kay Lazaro ay totoo at isang makasaysayang tala ng tunay na pangyayari; may mga naniniwala naman na ito ay isang talinghaga lamang o isang alegorya.

May ilang dahilan kung bakit naniniwala ang iba na ang kuwentong ito ay isang tunay na pangyayari. Una, hindi tinawag na talinghaga ang kuwentong ito. Maraming kuwento ang Panginoong Hesus na tinawag na talinghaga gaya ng talinghaga ng manghahasik (Lukas 8:4); talinghaga ng mayamang magsasaka (Lukas 12:16); talinghaga ng igos na hindi namumunga (Lukas 13:6); at talinghaga ng malaking piging (Lukas 14:7). Ikalawa, sa kuwento tungkol sa lalaking mayaman at Lazaro, gumamit si Hesus ng aktwal na mga pangalan ng tao. Ang ganitong paglalarawan ay malaki ang ipinagkaiba sa mga karaniwang talinghaga kung saan hindi binabanggit ang pangalan ng mga tauhan sa kuwento.

Ikatlo, ang kuwentong ito ay tila hindi angkop tawagin na isang talinghaga na isang presentasyon ng espirtwal na katotohanan sa pamamagitan ng isang panlupang ilustrasyon. Ang kuwento tungkol sa lalaking mayaman at kay Lazaro ay nagpapakita ng espiritwal na katotohanan sa isang direktang pamamaraan ng walang paglalarawang panlupa. Ang pinangyarihan ng kuwento ay sa kabilang buhay, hindi gaya ng ibang mga talinghaga na ang pinangyarihan ng kuwento ay dito sa lupa.

Sa kabilang dako, may mga naniniwala na ang kuwentong ito ay isa lamang talinghaga at hindi isang tunay na pangyayari. Ikinakatwiran nila na pangkaraniwan sa Panginoong Hesus na gumamit ng mga talinghaga sa kanyang mga pagtuturo. Hindi nila tinatanggap ang mga argumento sa itaas na sapat na dahilan upang ituring ang kuwento na isang tunay na pangyayari. Gayundin, may mga aspeto ng kuwento na hindi sumasang-ayon sa ibang mga katuruan ng Kasulatan. Halimbawa, maaari bang magkakitaan ang mga tao sa paraiso at impiyerno at makipagusap sa isa’t isa?

Ang mahalagang bagay sa kuwentong ito, ito man ay isang tunay na pangyayari o isang talinghaga ay ang itinuturo ng Panginoong Hesus. Kahit na hindi ito isang tunay na pangyayari, ito ay makatotohanan. Talinghaga man o hindi, malinaw na itinuturo ng kuwentong ito ng Panginoong Hesus na ang mga makasalanan ay mahihiwalay sa Diyos pagkatapos ng kamatayan, magdurusa at maaalala nila ang kanilang pagtanggi sa Ebanghelyo noong sila ay nabubuhay pa sa lupa at wala ng lunas pa sa kanilang kalagayan. Sa Lukas 16:19-31, isa man itong tunay na pangyayari o isang talinghaga, malinaw na itinuturo ni Hesus ang pagkakaroon ng langit at impiyerno gayundin ang ginagawang pandaraya ng kayamanan sa mga taong nagtitiwala sa kanilang mga pagaaring materyal.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang Lukas 16:19-31 ba ay isang talinghaga o salaysay ng isang tunay na pangyayari?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries