Tanong
Bakit napakahalaga ng tamang doktrina?
Sagot
Inutusan ni Pablo si Tito, “ituro mo naman ay ang mga bagay na naaayon sa wastong aral” (Tito 2:1). Ginawang malinaw ng utos na ito ang kahalagahan ng tamang doktrina. Ngunit bakit napakahalaga nito? May epekto ba sa atin at sa iba kung tama o mali ang ating paniniwala?
Mahalaga ang tamang doktrina dahil ayon sa isang partikular na mensahe ang ating pananampalataya. Kinapapalooban ng maraming elemento ang pangkalahatang katuruan ng iglesya, ngunit maliwanag ang pangunahing mensahe: “Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan” (1 Corinto 15:3-4). Ito ang napakalinaw na Mabuting Balita, at ito ay napakahalaga. Baguhin mo ang mensaheng ito at ang basehan ng pananampalataya ay malilipat mula kay Kristo papunta sa iba. Ang ating walang hanggang hantungan ay nakasalalay sa pagdinig sa “salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan” (Efeso 1:13; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:13-14).
Mahalaga ang tamang doktrina dahil ang Ebanghelyo ay isang banal na pagkakatiwala ng Diyos, at hindi natin dapat na dagdagan o bawasan sa anumang paraan ang kapahayagang ito ng Diyos sa mundo. Tungkulin natin na dalhin ang mensahe, hindi ang baguhin ito. Ipinahiwatig ni Judas ang pangangailangan sa pagbabantay sa tamang doktrina ng kanyang sabihin: “Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong panindigan ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman a sa mga banal” (Judas 1:3; tingnan din ang Filipos 1:27). Ang salitang “panindigan” ay nagdadala ng ideya ng nakakapagod na pakikipaglaban para sa isang bagay, at ng pagbibigay ng lahat ng makakaya. May babala ang Bibliya na huwag magdadagdag o magbabawas ng anuman sa Salita ng Diyos (Pahayag 22:18-19). Sa halip na baguhin ang mga doktrina ng mga apostol, tinanggap natin ang ipinasa ng mga nauna sa atin at iniingatan natin gaya ng sinabi ni Pablo kay Timoteo, bilang “batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap mo sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (2 Timoteo 1:13).
Mahalaga ang tamang doktrina dahil naniniwala tayo na nakakaapekto ito sa ating mga ginagawa. Ang paguugali ay ekstensyon ng teolohiya, at may direktang kaugnayan sa ating mga iniisip at ginagawa. Halimbawa, may dalawang taong nakatayo sa ibabaw ng isang tulay; naniniwala ang isa na kaya niyang lumipad, ang isa naman ay naniniwala na hindi niya kayang lumipad. Tiyak na magkaiba ang kanilang susunod na aksyon. Sa parehong paraan, ang isang tao na naniniwala na walang tama at mali ay natural na kikilos ng kakaiba sa isang tao na naniniwala sa isang malinaw na pamantayan ng moralidad. Sa isa sa mga listahan ng kasalanan sa Bibliya, binanggit ang rebelyon, pagpatay, pagsisinungaling, at pangingidnap. Nagtapos ang listahan sa mga pananalitang, “Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral” (1 Timoteo 1:9-10). Sa ibang salita, isinusulong ng tamang doktrina ang katuwiran; at lumalaganap ang kasalanan kung saan nilalabanan ang tamang doktrina.”
Mahalaga ang tamang doktrina dahil dapat nating matiyak kung ano ang katotohanan sa isang mundong puno ng kasinungalingan. “Sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan” (1 Juan 4:1). May mga dawag sa triguhan at lobo sa kawan ng tupa (Mateo 13:25; Gawa 20:29). Ang pinakamabuting paraan upang malaman kung ano ang kasinungalingan ay ang alamin kung ano ang katotohanan.
Mahalaga ang tamang doktrina dahil ang dulot ng tamang doktrina ay buhay. “Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo” (1 Timoteo 4:16). Sa kabaliktaran, ang hantungan ng maling doktrina ay kapahamakan, “Sapagka't may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo” (Judas 1:4). Ang pagbabago sa mensahe ng Diyos tungkol sa biyaya ay isang bagay na karumal-dumal sa Diyos at malaki ang hatol sa ganitong gawain. Ang pangangaral ng ibang Ebanghelyo (na hindi talaga ebanghelyo) ay nagbubunga sa sumpa ng Diyos: “Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil” (tingnan ang Galacia 1:6-9).
Mahalaga ang tamang doktrina dahil nagpapalakas ito ng loob ng mga mananampalataya. Nagdudulot ang pag-ibig sa Salita ng Diyos ng “dakilang kapayapaan” (Awit 119:165), at “Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita” (Isaias 52:7). Dapat na nananangan ang isang pastor “sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang” (Tito 1:9).
Ito ang salita ng karunungan: “Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kapahamakan at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan” (Kawikaan 22:28). Kung isasapamuhay natin ang tamang doktrina, mapapanatili natin ang katotohanan nito. Nawa’y huwag tayong lumayo mula sa “tapat at dalisay na pananampalataya kay Cristo” (2 Corinto 11:3). English
Bakit napakahalaga ng tamang doktrina?