Tanong
Kailan ang tamang panahon ng pagaasawa?
Sagot
Ang tamang panahon sa pagaasawa ay magkakaiba para sa bawat tao at sa bawat sitwasyon. Ang antas ng kahustuhan ng pagiisip at karanasan sa buhay ang dalawa sa mga dahilan ng pagkakaiba-iba. May mga tao na handa na sa pagaasawa sa edad na 18, habang ang iba naman ay hindi pa handa kahit sumapit na sa ganitong edad. Dahil ang diborsyo sa Amerika ay lampas sa singkwenta porsiyento (50%), makikita na maraming tao ang hindi itinuturing na pang hambambuhay na relasyon ang pagaasawa. Gayunman, ito ay pananaw ng mundo, na laging sumasalungat sa Diyos (1 Corinto 3:18).
Ang isang matibay na pundasyon ay kinakailangan para sa isang matagumpay na pagsasama at dapat na unahin bago magpasya na manligaw o magpaligaw ang isang lalaki o babae sa isang potensyal na makakasama sa buhay. Ang ating paglakad bilang mga Kristiyano ay hindi lamang dapat sa aspeto ng pagdalo sa pananambahan kung araw ng Linggo o sa pakikilahok sa pagaaral ng bibliya. Dapat tayong magkaroon ng personal na relasyon sa Diyos na makakamit lamang sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsunod kay Kristo. Dapat nating turuan ang ating sarili sa mga bagay tungkol sa pagaasawa at hanapin ang kalooban ng Diyos para sa atin bago magplano para sa bagay na ito. Dapat na maunawaan ng isang tao ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pag-ibig, pagtatalaga ng sarili, relasyong sekswal, papel ng asawang lalaki o babae at ang inaasahan sa atin bago magplano ng pagaasawa. Ang pagkakaroon ng mag-asawang Kristiyano ng isang magandang modelo ay mahalaga rin. Ang isang matagal ng magasawa ay maaaring masagot ang mga katanungan tungkol sa pagkakaroon ng matagumpay na pagsasama at kung paano mapapanatili ang malapit na relasyon sa isa't isa bukod sa pisikal na ugnayan, kung gaano kahalaga ang pananampalataya sa pagsasama at sa iba pang mga bagay.
Ang nagpaplanong magasawa ay kailangan ding tiyakin na kilala na nila ang isa't isa. Dapat nilang malaman ang pananaw ng isa'y isa tungkol sa pagaasawa, sa pinansyal, sa mga partido ng magiging asawa, sa pagpapalaki ng anak, sa gawain ng asawang lalaki at babae, kung isa lamang sa kanila o pareho silang magtatrabaho, at ang antas ng espirtiwalidad ng magiging kabiyak. Maraming tao ang nagasawa sa pagaakala na ang kanyang kasintahan ay Kristiyano dahil sa mga sinasabi nito ngunit huli na ng malaman na hindi pala iyon totoo. Ang bawat nagpaplanong magasawa ay dapat na sumailalim sa pagpapayo ng isang pastor o isang nagaral na tagapayo para sa magasawa. Sa katotohanan, maraming pastor ang hindi nagkakasal hanggat hindi nakakausap at napapayuhan ang kanilang ikakasal.
Agn pagaasawa ay hindi lamang pagtatalaga ng sarili sa isang tao, kundi higit sa lahat ay isang tipan sa Diyos. Ito ay isang pangako na mananatili sa piling ng iyong kabiyak hanggang sa katapusan ng iyong buhay kahit na ang asawa ay mayaman o mahirap, malusog o maysakit, mataba o payat o hindi masayang kasama. Ang Kristiyanong pagaasawa ay dapat na manatili sa kabila ng lahat ng pangyayari katulad ng pagaaway, galit, sakuna, depresyon, kapaitan, adiksyon at kalungkutan. Hindi dapat na pumasok sa isipan ng magasawa na maaari namang magdiborsyo kung sakaling hindi maging maayos ang lahat. Hindi dapat na isang opsyon ang diborsyo sa pagaasawa. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang lahat ay posible sa Diyos (Lukas 18:27), at kasama sa lahat ng bagay na ito ay ang pagaasawa. Kung ang magasawa ay gumawa ng desisyon sa umpisa pa lamang na mananatili silang tapat sa isa't isa at uunahin ang Diyos sa lahat ng bagay, hindi magiging solusyon ang diborsyo upang takasan ang anumang miserableng sitwasyon.
Mahalagang tandaan na nais ng Diyos na ibigay ang nasa ng ating mga puso ngunit posible lamang ito kung ang ating naisin ay gaya ng sa Kanya. May mga taong nagaasawa dahil lang sa "maganda ito sa pakiramdam." Sa mga unang bahagi ng page-date at hanggang sa unang mga taon ng pagsasama, para kang lumulutang sa alapaap kung nakikita mo ang iyong kabiyak. Ang romansa ay nasa pinakamataas na lebel at alam mong iyon ang "pag-ibig." Marami ang umaasa na ang ganitong pakiramdam ay hindi matatapos. Ngunit hindi ito ang katotohanan. Ang resulta ay kawalan ng gana habang nawawala ang magandang pakiramdam at maaaring planuhin ang pakikipag diborsyo. Ngunit para sa may matagumpay na pagsasama, kanilang nalalaman na ang pagsasama ay hindi natatapos sa pagkawala ng magandang pakiramdam . Sa halip ang pagibig ay lumalalim, nagkakaroon ng matibay na pagtatalaga at mas matibay na pundasyon at seguridad sa pagmamahal ng bawat isa habang dumaraan ang panahon.
Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na ang pag"ibig ay hindi nakasalalay sa pakiramdam. Sinabi ni Hesus na dapat nating ibigin ang ating mga kaaway (Lukas 6:35). Ang tunay na pag-ibig ay posible lamang kung hahayaan natin ang Banal na Espiritu na kumilos sa ating buhay at kung pinagyayaman natin ang mga bunga ng kaligtasan (Galatia 5:22-23). Ito ay isang desisyon na ating ginagawa araw araw na mamatay sa ating sarili pati na ang ating pagiging makasarili at hinahayaan na ang Diyos ang magningning sa atin. Sinabi ni Pablo kung paano tayo dapat umibig sa iba sa 1 Corinto 13:4-7: "Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas." Kung handa na tayong ibigin ang isang tao gaya ng inilalarawan sa 1 Corinto 13:4-7, ito na nga ang tamang panahon ng pagaasawa.
English
Kailan ang tamang panahon ng pagaasawa?