settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tamang paraan ng pananalangin?

Sagot


Ang pinakamaganda bang paraan ng pananalangin ay nakatayo, nakaupo, nakaluhod o nakatungo? Dapat ba akong manalangin na nakabukas ang mga kamay, o nakasara o nakataas sa Diyos? Kailangan ba na pikit ang mata o dilat kung nananalangin? Mas mabuti bang manalangin sa loob ng simbahan o sa labas? Kailangan bang manalangin sa umaga pagkagising o sa gabi bago matulog? Paano natin sisimulan ang panalangin? Ano ang tamang pamamaraan upang tapusin ang panalangin? Ano ang tamang pamamaraan ng pananalangin? Ang mga bagay bang ito ay mahalaga sa pananalangin?

Maraming tao na itinuturing ang panalangin katulad sa isang "pormula o magic". May naniniwala na kung bibigkasin ng eksakto ang mga tamang pananalita o mananalangin sa tamang posisiyon, ay pakikinggan at tutugunin ng Diyos ang panalangin. Ang katuruang ito ay wala sa Bibliya. Hindi sasagutin ng Diyos ang anumang panalangin base sa kung paano tayo nananalangin, saan tayo nananalangin, kung ano ang posisyon ng ating katawan sa pananalangin o kung paano natin binabanggit ang mga salita sa ating pananalangin. Sinabihan tayo sa 1 Juan 5:14-15 na kung may pagtitiwala tayo sa paglapit sa Diyos, na nalalaman na dinidinig Niya tayo ay tutugunin Niya anuman ang ating kahilingan kung iyon ay naaayon sa Kanyang kalooban. Gayundin naman, idineklara sa Juan 14:13-14, "At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko." Ayon sa mga talatang ito at sa marami pang talata ng Kasulatan, dinidinig ng Diyos ang mga kahilingan sa panalangin kung ang mga iyon ay hiniling ng ayon sa Kanyang kalooban at sa pangalan ni Hesus (upang magbigay ng kaluwalhatian kay Hesus).

Kaya ano ang tamang kaparaanan ng pananalangin? Sinasabi sa atin ng Filipos 4:6-7, "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus." Ang tamang paraan ng pananalangin ay pagbubuhos ng ating puso sa Diyos at sa pagiging tapat at bukas sa Diyos dahil alam Niya ang makabubuti sa atin kaysa sa pagkaalam natin kung ano ang makabubuti sa atin. Kailangan nating dalhin ang ating mga kahilingan sa Diyos habang iniisip na alam Niya ang pinakamabuti sa atin at hindi Niya tutugunin ang ating kahilingan na hindi Niya kalooban para sa atin. Dapat nating ipahayag ang ating pag-ibig, pasasalamat at pagsamba sa Diyos sa ating mga panalangin na hindi nag-aalala kung ano ang tamang pananalita na ating gagamitin. Higit na interesado ang Diyos sa laman ng ating puso kaysa sa ganda ng ating sinasabi.

Ang pinakamalapit na modelo ng pananalangin sa Bibliya ay ang panalangin na itinuro ng Panginoon sa Mateo 6:9-13. Dapat unawain na ang panalanging ito na itinuro ni Hesus ay hindi isang panalangin na dapat memoryahin at sambitin ng paulit ulit sa Diyos. Ito ay isa lamang halimbawa ng mga bagay na dapat na kalakip sa isang panalangin gaya ng - pagpupuri, pagtitiwala sa Diyos, kahilingan, pananalangin para sa iba, pagpapahayag ng kasalanan at pagpapasakop. Dapat tayong manalangin para sa mga bagay na binabanggit ng panalangin ng Panginoon na gamit ang ating sariling mga pananalita ayon sa ating sariling paglakad kasama ng Panginoon. Ang tamang paraan ng pananalangin ay ang paghahayag ng ating puso sa Diyos. Ang pag-upo, pagtayo o pagluhod, pananalangin ng nakabukas o nakasara ang mga kamay; o nakadilat o nakapikit ang mata; sa loob ng simbahan o sa labas; kung sa gabi o sa umaga - ang lahat ng ito ay hindi mahalaga sa Diyos at nasa ilalim ng personal na kagustuhan, kumbiksyon at sa kaangkupan. Ang nais ng Diyos ay isang totoo at personal na pakikipagugnayan sa Kanya ng Kanyang anak.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tamang paraan ng pananalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries