Tanong
Ano ba ang tamang paraan sa pag-aaral ng Bibliya?
Sagot
Ang pangunawa sa kahulugan ng Kasulatan ay isa sa pinakamahalagang gawain ng isang mananampalataya sa buhay na ito. Hindi sinasabi sa atin ng Diyos na sapat nang basahin lang natin ang Bibliya. Dapat din nating pag-aralan ito, pangalagaan at unawain ito ng tama. Isang kapuri-puring gawain ang pag-aaral ng Bibliya. Ang madaliang pagbabasa sa Bibliya ay kadalasang dahilan ng maling pagkaunawa sa ibig sabihin ng Diyos. Samakatwid, mahalagang maunawaan ang ilang mga prinsipyo kung papaano mauunawaan ang tamang kahulugan ng Bibliya.
1. Hilingin sa Banal na Espiritu na bigyan ka ng pang-unawa sa pamamagitan ng panalangin. Sinasabi sa Juan 16: 13, “Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anumang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.” Sinabi ni Hesus sa Juan 16, ang tungkol sa pagdating at gawain ng Banal na Espiritu (ang Banal na Espiritu ay dumating noong Pentecostes, Mga Gawa 2), na gagabayan Niya sila sa lahat ng katotohanan. Kagaya ng pag-gabay ng Banal na Espiritu sa mga Apostol sa pagsulat sa Bagong Tipan, gagabayan rin Niya tayo para maunawaan natin ang Kasulatan. Alalahanin natin na ang Bibliya ay ang Salita ng Diyos, at kinakailangan natin Siyang tanungin kung ano ang ibig sabihin nito. Kung ikaw ay isang Kristiyano, ang Banal na Espiritu na Siyang sumulat sa Kasulatan ay nananahan sa iyo at nais Niyang maunawaan mo kung ano ang Kanyang isinulat.
2. Huwag kumuha ng Kasulatan mula sa mga talata na kasama ng isang kabanata at ipalagay na ang kahulugan ng nasabing talata ay walang kaugnayan sa mga katabi nitong mga talata. Nararapat na palagi mong basahin ang kasamang mga talata at kabanata, at unawain ang layunin ng naturang aklat ng Bibliya. Sa kabila na ang lahat ng Kasulatan ay nanggaling sa Diyos (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21), ginamit ng Diyos ang tao upang isulat ito. Ang mga taong ito ay may mga paksa na nasa isip, may layunin sa pagsulat, isang partikular na isyu o mga isyu na kanilang tinutugunan na siyang dahilan kung bakit nila isinulat ang isang aklat sa Bibliya. Basahin ang pinagmulan ng aklat sa Bibliya na iyong pinag-aaralan upang malaman mo kung sino ang sumulat ng aklat, para kanino ito isinulat, kailan ito isinulat, at kung bakit ito isinulat. Pagkatapos basahin ang mga kabanata na nakasulat bago ang mga talatang iyong pinag-aaralan upang maunawaan mo kung ano nga ba ang paksa ng taong may-akda nito. Dapat ding mag-ingat at hayaang ang mga nakasulat ang siyang magpaliwanag sa kanyang sarili. Minsan ang ibang tao ang siyang nagbibigay ng kanilang sariling kahulugan sa mga salita upang makuha nila ang interpretasyon na gusto nilang ipakahulugan ng mga talata.
3. Huwag tangkaing magsarili sa iyong pag-aaral sa Bibliya. Napaka-aroganteng isipin na wala kang makukuhang kaalaman sa mga taong ginugol ang kanilang buong buhay sa pagaaral ng Bibliya. May mga tao na binabasa ang Bibliya taglay ang pangangatuwiran na sapat ng magtiwala lamang sila sa Banal na Espiritu at mauunawaan na nila ang nakatagong katotohanan sa Kasulatan. Ng ipagkaloob ni Kristo ang Banal na Espiritu sa mga mananampalataya, ibinigay din Niya ang mga Espiritwal na kaloob sa Kanyang Iglesia. Ang isa sa mga Espiritwal na kaloob na ito ay ang pagtuturo (Efeso 4:11-12; 1 Corinto 12:28). Ang mga gurong ito ay ibinigay ng Diyos sa Kanyang Iglesia upang matulungan tayong maunawaan at masunod ang Kasulatan. Lagi ng isang matalinong desisyon ang pag-aaral ng Bibliya kasama ang ibang mga mananampalataya, na nagtutulungan sa bawat isa sa pag-unawa at pagsasapamuhay ng katotohanan ng Salita ng Diyos.
English
Ano ba ang tamang paraan sa pag-aaral ng Bibliya?