Tanong
Paano ang tamang paraan ng pag-aasawa na naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ito'y isang mahirap na katanungan sapagkat walang malinaw na pahayag ang Bibliya kung saang punto itinuturing ng Diyos na ang magkapareha ay ganap ng mag-asawa. Mayroong tatlong karaniwang pananaw ukol sa tamang paraan ng pagaasawa: 1) Itinuturing ng Diyos na mag-asawa kung sila ay kinasal alinsunod sa batas. 2) Nagiging mag-asawa ang dalawang tao sa mata ng Diyos kung dumaan sa isang pormal na seremonya ng pagpapakasal. 3) Itinuturing ng mag-asawa ang magkapareha sa sandaling sila ay nakipagtalik sa isa't isa. Tingnan natin ang tatlong pananaw na ito at suriin ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat isa.
1) Itinuturing lamang na mag-asawa ng Diyos ang magkapareha kung sila ay kinasal alinsunod sa batas. Ang biblikal na batayan ng pananaw na ito ay ang pagpapasakop at pagsunod sa pamahalaan (Mga Taga-Roma 13:1-7; 1 Pedro 2:17). Ang argumento dito ay kung ang pamahalaan ay humihingi ng mga karampatang "papeles" upang ang pag-iisang dibdib ay kilalanin, ang nais mag-asawa ay dapat sumunod sa anumang paraan na alinsunod sa batas ng mga namumuno. Talaga namang nasusulat sa Bibliya na dapat na magpasakop at sumunod sa pamahalaan basta't ang mga hinihingi ay hindi taliwas sa Salita ng Diyos at makatwiran. Ayon sa Mga Taga-Roma 13:1-2 , "Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Diyos; Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Diyos sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili."
May ilang kahinaan at suliranin sa pananaw na ito. Una, noon pa man ay mayroon ng pag-aasawa bago pa nagkaroon ng pamahalaan. Sa loob ng ilang libong taon, ang mga tao ay nag-aasawa ng walang tinatawag na lisensya ng kasal. Ikalawa, maging sa kasalukuyan may ilang bansa na walang kinikilalang pag-aasawa ayon sa kanilang pamahalaan, o walang hinihinging dokumento para sa pagpapakasal. Ikatlo, may ilang mga namumuno na naglalagay ng mga batas na hindi ayon sa Bibliya bago pa man ito kilalanin ng kanilang batas. Bilang halimbawa, may mga bansa na kinakailangang magpakasal sa simbahang Katoliko, ayon sa katuruang Katoliko, na dapat pangasiwaan ng isang paring Katoliko. Walang pag-aalinlangang masasabi natin na para sa mga mariing tumututol sa simbahang Katoliko at sa pang-unawa ng Katoliko sa kasal bilang sakramento, ito'y tahasang pagsalangsang sa Salita ng Diyos na maikasal sa isang simbahang Katoliko.
2) Ang pagiging mag-asawa sa mata ng Diyos kung nagdaan sa isang pormal na seremonya ng pagpapakasal. Sa parehong paraan - para sa kultura ng karamihan - ibinibigay ng ama ang kanilang anak na babae sa kasal, bilang pagkakaintindi sa pagbibigay ng Diyos kay Eba kay Adan (Genesis 2:22) bilang pangangasiwa ng Diyos sa "unang seremonya ng kasal". Sa Juan Kabanata 2, dumalo si Hesus sa isang kasalan. Hindi dadaluhan ni Hesus ang ganoong pagtitipon kung hindi Niya ito sinasang-ayunan. Ang pagdalo ni Hesus sa isang kasalan ay hindi nangangahulugan na iniuutos ito ng Diyos, ngunit malinaw nitong ipinahihiwatig na ito'y katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Halos bawat kultura sa kasaysayan ng sangkatauhan ay mayroong uri ng pormal sa seremonya ng kasal. Sa bawat kultura may pangyayari, gawain, kasunduan at pagpapahayag upang kilalanin ang lalaki at babae bilang mag-asawa.
3) Itinuturing ng mag-asawa ang magkapareha sa sandaling sila ay nakipagtalik sa isa't isa. May mga hindi sumasang-ayon na sa sandaling ang babae at lalaki nagtalik, itinuturing na silang mag-asawa ng Diyos. Ang puntong ito ay hindi naaayon sa Bibliya. Ang argumentong ito ay batay sa katotohanang ang pakikipagtalik ng mag-asawa ay ang pagsasakatuparan ng pagiging "isang laman" (Genesis 2:24; Mateo 19:5; Mga Taga-Efeso 5:31). Sa puntong ito, ang pakikipagtalik ay isang "tatak" sa pagiging mag-asawa. Gayunman, kung ang magkapareha ay legal na ikinasal o nagdaan sa seremonya ng kasal, ngunit dahil sa ilang kadahilanan ay hindi o walang kakayahang makipagtalik, sila pa rin ay maituturing na mag-asawa.
Hindi biblikal na maituturing ang babae at lalaki na nakipagtalik - at hindi sumunod sa anumang seremonya ng kasal - ay ganap na mag-asawa na. Ayon sa Banal na Kasulatan, 1 Mga Taga-Corinto 7:2 ang pakikiapid ay kasalanan. Kung ang pakikipagtalik ay magiging dahilan upang sila ay ikasal, ito ay hindi masasabing imoral, kung pinagdesisyunan ng magkapareha ang pagpapakasal sa sandaling sila'y nakipagtalik. Walang anumang batayan sa Bibliya na ang dalawang tao na hindi magasawa ay makipagtalik sa isa't isa at pagkatapos ay ideklara nila na sila ay magasawa na at sa gayong paraan ang kanilang sekswal na relasyon sa hinaharap ay masasabing moral at may paggalang sa Diyos.
Anu nga ba ang tamang paraan ng pag-aasawa sa mata ng Diyos? Maaari ngang sabihin na ang mga tamang prinsipyo ay ang sumusunod: 1) Hangga't ang mga batas na kinakailangang sundin ay makatwiran at hindi lumalabag sa Bibliya, ang magkapareha ay dapat sumunod sa anumang hinihingi ng maykapangyarihan upang kilalanin ang kanilang pagiging mag-asawa. 2) Ang mag-asawa ay nararapat na sumunod sa mga gawain alinsunod sa tradisyon ng kultura at pamilya upang ganap na maging mag-asawa. 3) Kung maaari, ang mag-asawa ay dapat ganapin ang pisikal na aspeto ng pagiging mag-asawa bilang pagsasakatuparan ng prinsipyo ng pagiging "isang laman".
Paano kung isa o ilan dito ay hindi maisakatuparan? Sila ba ay maituturing pa rin na mag-asawa sa mata ng Diyos? Sa huli, ito pa rin ay sa pagitan ng mag-asawa at ng Diyos. Alam ng Diyos ang laman ng ating puso (1 Juan 3:20). Alam ng Diyos ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na mag-asawa at ng mga nagtatangkang gawing matuwid ang isang kasalanang sekswal.
English
Paano ang tamang paraan ng pag-aasawa na naaayon sa Bibliya?