Tanong
Katanggap tanggap ba na humingi ng tanda sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin?
Sagot
Ang konsepto ng paghingi ng tanda sa Diyos ay nanggaling sa kuwento ni Gideon, isang hukom sa Israel sa Aklat ng Hukom kabanata 6. Nang utusan siya ng Diyos na ipunin ang mga kawal Israelita upang pangunahan sila laban sa mga mananakop na Madianita, nais ni Gideon na makatiyak kung ang Kanyang naririnig na tinig ay talagang mula sa Diyos at kung malinaw niyang naunawaan niya ang instruksyon ng Diyos. Humingi siya sa Diyos ng tanda kung talagang kalooban ng Diyos na manguna siya sa mga Israelita, kaya kumuha siya ng isang tela at hiniling sa Diyos na basain iyon ngunit panatilihing tuyo ang lupa sa paligid niyon. Ipinagkaloob ng Diyos kay Gideon ang kanyang hinihinging tanda at ng kinaumagahan, nabasa nga ang tela at ng kanyang pigain nakakuha si Gideon ng isang mangkok ng tubig mula roon.
Ngunit napakahina ng pananampalataya ni Gideon kaya muli siyang humingi ng isa pang tanda sa Diyos – sa pagkakataong ito, hiniling naman niya panatilihing tuyo ng Diyos ang tela habang basa ang lupa sa paligid niyon. At sa wakas ay nakumbinsi si Gideon na totoong ang Diyos ang nakipag-usap sa kanya at naniwala siya na bibigyan ng Diyos ng tagumpay ang mga Israelita katulad ng ipinangako sa kanya ng Anghel ng Panginoon sa Hukom 6:14-16.
Makakakuha tayo ng ilang aral sa kuwentong ito ni Gideon. Una, napakatiyaga at napaka-mabiyaya ang Diyos sa atin lalo na sa panahon na nanghihina ang ating pananampalataya. Alam ni Gideon na nanganganib siya sa paghingi ng tanda sa Diyos dahil sinusubok niya ang pasensya ng Diyos sa paghingi ng maraming tanda. Gaya ng kanyang sinabi pagkatapos na ibigay ng Diyos ang unang tanda, “huwag kayong magagalit sa akin. Pagbigyan ninyong muli ang aking susunod na kahilingan” (Hukom 6:39). Ngunit ang ating Diyos ay mahabagin, puno ng pag-ibig at matiyaga na nalalaman ang ating mga kahinaan. Gayunman, ang kuwento ni Gideon ay dapat na para sa ating ikatututo at dapat na magsilbing modelo para sa ating saloobin sa harap ng Diyos. Sinabi ni Hesus sa dalawang pagkakataon na “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas” (Mateo12:39; 16:1-4). Sinasabi Niya na ang mga tanda na Kanya ng ipinagkaloob sa kanila – ang Kanyang pagganap sa mga hula sa Lumang Tipan, pagpapagaling ng maysakit at mga himala ay sapat na upang tumugon sila sa katotohanan, kung totoong ang katotohanan nga ang kanilang hinahanap. Ngunit malinaw na hindi gayon.
Ang isa pang aral sa paghingi ng tanda ni Gideon ay nagpapakita ng isang mahina at mabuway na pananampalataya ang paghingi ng tanda sa Diyos at ang mga tanda ay hindi rin makakakumbinsi sa may mahinang pananampalataya. Nakatanggap si Gideon ng sapat na impormasyon kahit na hindi siya humingi ng tanda. Sinabi ng Diyos na bibigyan Niya sila ng tagumpay (talata 14), at tumugon ang Diyos sa naunang kahilingan ni Gideon para sa isang tanda sa pamamagitan ng apoy (talata 16). Gayunman, humingi pa rin si Gideon ng dalawa pang tanda dahil sa Kanyang kawalan ng pananampalataya. Sa parehong paraan, kahit na magbigay pa ang Diyos ng tanda ayon sa ating kahilingan, hindi pa rin tayo masisiyahan dahil sa ating pagdududa at mahinang panananampalataya. Lagi itong nagtutulak sa atin na humingi sa Diyos ng marami pang tanda, na kahit ipagkaloob ng Diyos ay hindi pa rin makapagbibigay sa atin ng katiyakan dahil sa ating kakulangan ng pananampalataya. Ang problema ay hindi ang kawalan ng kapangyarihan ng Diyos kundi ang kawalan natin ng pangunawa sa Kanyang kalooban.
Ang problema sa paghingi ng tanda gaya ng ginawa ni Gideon ay hindi pareho ang ating sitwasyon sa sitwasyon ni Gideon. Bilang mga Kristiyano, mayroon na tayo ng dalawang makapangyarihang kasangkapan na wala noon si Gideon. Una, mayroon na tayo ng kumpletong Salita ng Diyos at nalalaman natin na “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16-17). Tiniyak ng Diyos na ang Kanyang Salita ang ating tanging kailangan upang maging “handa sa lahat ng mabubuting gawain.” Hindi natin kailangan ang mga nararanasang tanda (himala o isang tinig mula sa langit) upang patunayan ang Kanyang sinabi sa atin sa Kanyang salita. Ang ikalawa nating kahigitan kay Gideon ay mayroon na tayong Banal na Espiritu, ang ikatlong persona ng Diyos na nananahan sa ating mga puso, upang gumabay, magturo at umaliw sa atin. Bago ang Pentecostes, mayroon lamang ang mga mananampalataya ng Lumang Tipan at mga panlabas na tanda mula sa Diyos. Ngayon, mayroon na tayong kumpletong Bibliya at nananahan pa sa ating mga puso ang Banal na Espiritu.
Sa halip na humingi ng tanda, dapat tayong makuntento sa pag-alam ng kalooban ng Diyos sa ating buhay sa bawat sitwasyon sa araw araw: “Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso” (Colosas 3:16); “Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (1 Tesalonica 5:16-18); “At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama” (Colosas 3:17). Kung nakikita ang mga ito sa ating buhay, ang mga desisyon na ating gagawin ay magiging ayon sa kalooban ng Diyos, at pagpapalain Niya tayo ng hindi nasusukat na kapayapaan at katiyakan at hindi na natin kailangan pang humingi ng mga tanda gaya ng ginawa ni Gideon.
English
Katanggap tanggap ba na humingi ng tanda sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin?