settings icon
share icon
Tanong

Bakit tinatanggihan ng mga tao si Hesus bilang kanilang Tagapagligtas?

Sagot


Ang desisyon na tanggapin o tanggihan si Hesus bilang Tagapagligtas ang pinakamahalagang desisyon na maaaring gawin ng isang tao sa kanyang buhay. Bakit maraming tao ang pinipili na tanggihan si Kristo bilang Tagapagligtas? Kung gaano karami ang dahilan ng pagtanggi ng mga tao kay Hesus ay maaaring ganoon din karami ang kanilang dahilan sa pagtanggap kay Hesus, ngunit ang apat na kadahilanan sa ibaba ang nagsisilbing pangkalahatang dahilan sa pagtanggi ng mga tao kay Hesus:

1) Inaakala ng iba na hindi nila kailangan ang Tagapagligtas. Itinuturing ng mga taong ito ang kanilang sarili na mabubuti silang tao at hindi tinatanggap na gaya ng ibang tao, sila rin ay makasalanan at hindi tatanggapin ng Diyos sa kanilang likas na kalagayan. Ngunit sinabi ni Hesus, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Ang mga taong tinatanggihan si Hesus ay hindi makatatayo sa harapan ng Diyos at hindi magtatagumpay sa pagtatanggol sa kanilang sariling mga gawa.

2) Ang takot na tanggihan ng sosyedad o paguusig ng mga tao ang humahadlang sa iba upang tanggapin si Hesus bilang Tagapagligtas. Ayaw tanggapin si Hesus ng mga hindi mananampalataya sa Juan 12:42-43 dahil mas pinahahalagahan nila ang kanilang kalagayan sa lipunan kaysa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang mga Pariseo na binulag ng pagmamahal sa kanilang posisyon at paghanga ng mga tao. "Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios."

3) Para sa maraming tao, ang mga bagay na iniaalok ng kasalukuyang mundo ay mas kanais-nais kaysa sa mga bagay na walang hanggan. Mababasa natin ang kuwento ng ganitong klase ng tao sa Mateo 19:16-23. Pinili niya ang kanyang mga pagaari sa lupa kapalit ng isang eternal na relasyon kay Hesus (tingnan din ang 2 Corinto 4:16-18).

4) Maraming tao ang tinatanggihan ang Banal na Espiritu sa paglalapit sa kanila sa pananampalataya kay Kristo. Sinabi ni Esteban na isang lider ng iglesya sa mga taong papatay sa kanya, "Napakatigas ng ulo ninyo! Di pa nababago ang inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanan!" (Gawa 7:51). Sinabi din ni Apostol Pablo ang mga pananalitang ito sa isang grupo na tumatanggi sa ebanghelyo ni Kristo sa aklat ng mga Gawa 28:23-27.

Anuman ang kadahilanan sa pagtanggi ng tao kay Hesu Kristo, ang kanilang aksyong ito ay may mapanganib na konsekwensya sa walang hanggan. "Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao" (Gawa 4:12), ang mga tatanggi sa Kanya sa anumang kadahilanan, ay gugugulin ang walang hanggan sa "kadiliman" ng impiyerno kung saan "tatangis" sila at "magngangalit ang mga ngipin" (Mateo 25:30).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tinatanggihan ng mga tao si Hesus bilang kanilang Tagapagligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries