settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang pagiging tunay na tao ni Hesus?

Sagot


Ang pagiging tunay na tao ni Hesus ay kasinghalaga ng Kanyang pagiging tunay na Diyos. Ipinanganal si Hesus bilang isang tao habang Siya rin naman ay tunay na Diyos. Ang konsepto ng pagiging tao ni Hesus habang nananatili ang Kanyang pagiging tunay na Diyos ay napakahirap na maunawaan ng mga taong may hangganan ang isipan. Gayunman, ang kalikasan ni Hesus bilang tunay na Diyos at tunay na Tao ay isang Biblikal na katotohanan. May mga tumatanggi sa katotohanang ito at nagtuturo na si Hesus ay tao lamang at hindi Diyos (Ebionism). Ang Docetism naman ay ang katuruan na si Hesus ay Diyos ngunit hindi tunay na tao. Parehong mali ang dalawang pananaw na ito.

Kailangan ni Hesus na ipanganak bilang tao dahil sa ilang mga kadahilanan. Ang una ay tinukoy sa Galacia 4:4–5: “Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan, Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak.” Tanging ang isang tao lamang ang maaaring ipanganak sa “ilalim ng Katutusan.” Walang hayop o anghel ang nasa “ilalim ng kautusan.” Tanging ang mga tao lamang ang maaaring mapailalim sa Kautusan at tanging isang tao rin lamang ang makatutubos sa ibang tao na isinilang sa ilalim ng Kautusan. Ang pagsilang sa ilalim ng Katutusan ng Diyos ay nangangahulugan na ang lahat ng tao ay sumalangsang sa Kautusan. Tanging ang isang perpektong tao lamang sa katauhan ng Panginoong Hesu Kristo ang perpektong makasusunod at makagaganap sa Kautusan upang tubusin ang mga tao sa sumpa ng Kautusan. Isinakatuparan ni Hesus ang ating katubusan doon sa krus, at pinalitan ang ating mga kasalanan ng Kanyang perpektong katwiran (2 Corinto 5:21).

Ang isa pang dahilan kung bakit kinailangang maging tunay na tao si Hesus ay dahil sa itinatag ng Diyos ang pangangailangan ng pagbububo ng dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (Levitico 17:11; Hebreo 9:22). Bagama’t tinatanggap ng Diyos ang dugo ng hayop bilang pansamantalang solusyon, hindi ito ay hindi sapat upang permanenteng mapatawad ang mga kasalanan ng tao, “Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan” (Hebreo 10:4). Si Hesu Kristo ang perpektong Kordero ng Diyos na nagalay ng Kanyang sariling buhay at nagtigis ng Kanyang dugo bilang tunay na tao upang tubusin ang kasalanan ng lahat na sasampalataya sa Kanya. Kung hindi Siya tunay na naging tao, imposible itong mangyari.

Bilang karagdagan, ang pagiging tunay na tao ni Hesus ang nagbigay daan upang makipagugnayan Siya sa atin sa isang paraan na hindi kayang gawin ng sinumang anghel o hayop. “Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan” (Hebreo 4:15). Tanging isang tao lamang ang makakaunawa sa ating mga kahinaan at mga tuksong pinagdaraanan. Sa Kanyang pagiging tunay na tao, napailalim si Hesus sa lahat ng uri ng pagsubok na ating naranasan at dahil dito, nauunawaan Niya tayo at makatutulong Siya sa atin. Siya ay tinukso, inusig, naging aba, nilait, nagdanas ng pisikal na sakit, at tiniis ang sakit ng isang mahaba at pinakamalupit na kamatayan sa lahat. Tanging isang tunay na tao lamang ang maaaring makaranas ng lahat ng ito at tanging isang tunay na tao lamang ang maaaring makaunawa ng lubos sa lahat na ating pinagdaraanan.

Panghuli, kinakailangan na maging tao si Hesus dahil ang paniniwala sa katotohanang ito ang isa sa mga kinakailangan upang ang isang tao ay makaranas ng kaligtasan. Ang pagtanggap na si Hesus ay naging isang tunay na tao ay isa mga tanda ng nagtataglay ng Espiritu ng Diyos habang tinatanggihan naman ang katotohanang ito ng Antikristo at ng kanyang mga tagasunod (1 Juan 4:2–3). Nagtungo si Hesus sa lupa bilang isang tunay na tao; kaya’t kaya Niyang makisimpatya sa ating mga kahinaan bilang tao; tumigis ang Kanyang dugo para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan; at Siya ay tunay na Diyos at tunay na Tao. Ito ang Biblikal na katotohanan na hindi mapapabulaanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang pagiging tunay na tao ni Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries