settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Taoismo / Daoismo?

Sagot


Ang Taoismo (o Daoismo) ay isang relihiyon na ang karamihan ng tagasunod ay matatagpuan sa mga bansa sa malayong Silangan tulad ng China, Malaysia, Korea, Japan, Vietnam at Singapore. Sa kasalukuyan, tinatayang may ilang daang milyong katao ang nagsasanay ng ilang anyo ng Taoismo, at ang 20 hanggang 30 milyon ng mga ito ay nasa mainland China. Ito ay kahanga hanga dahil ang mainland China ay isang komunistang bansa at ipinagbabawal doon ang anumang uri ng relihiyon. Nagsimula ang Taoismo noong ikatlo at ikaapat na siglo. Gaya ng ibang relihiyon, may sariling Kasulatan ang Taoismo at ang pinakapangunahin ay simpleng kilala sa tawag na “Tao.” Ang ibang mga teksto kasama ang buong Kasulatan ng Canon ng Taoismo ay kilala sa tawag na Daozang. Ang salitang “Tao” ay nagmula sa isang karakter sa alpabetong Tsino sa parehong pangalan. Ang salita ay nangangahulugan na “daan” o “lagusan.”

Hindi kailanman nagkaisa ang Taoismo bilang isang relihiyon. May ilang iskolar na inilalagay ito sa tatlong kategorya: pilosopiya, gawaing pangrelihiyon at relihiyon ng karaniwang Tsino. Ang malawak nitong saligan ng paniniwala ang nagpapahirap upang maipaliwanag kung ano ang Taoismo. Sa pangkalahatan, ang Taoismo ay tumutukoy sa daloy ng kalikasan sa sansinukob na nagbabalanse at nagsasaayos ng lahat ng bagay. Ang Tao ay itinuturing na siyang dahilan ng “pag-iral at hindi pag-iral ng mga bagay.” May ilang relihiyon sa Silangan na tinutukoy ito bilang “yin at yang” ng sansinukob na ipinapahayag ang sarili bilang timbang na pwersa ng “masama” at “mabuti.”

May ilang tagasunod ng Taoismo ang naniniwala sa politeismo (paniniwala sa maraming diyos); ang iba naman ay sumasamba sa namatay nilang mga ninuno. May inklinasyon ang mga Taoist na sumamba karaniwan tuwing pista opisyal kung kailan naghahanda sila ng mga pagkain upang ialay sa kanilang mga diyos o sa mga espiritu ng kanilang mga namatay na ninuno. Kasama sa iba pang uri ng pagaalay ang pagsusunog ng perang papel – dahil naniniwala ang mga Taoists na ang nasunog na pera ay magagamit ng mga namatay sa mundo ng mga espiritu. May ilang disiplina sa Martial Arts gaya ng T'ai Chi Ch'uan at Bagua Zang ang nanggaling sa Taoismo. May ilan sa Kanluran na nagsasanay din ng Taoismo, at ang iba ay inaakala na ang Tao ay Zen, gaya ng isinulat ni Fritjof Capra sa kanyang aklat na The Tao of Physics at ni Benjamin Hoff sa kanyang aklat na The Tao of Pooh.

Bagamat ang salitang Tao ay nangangahulugang ang “daan,” hindi ito ang tunay na Daan. Maraming relihiyon ang nagaangkin na sila ay isa sa mga daan patungo sa Diyos. Ngunit sinabi ni Hesu Kristo na Siya lamang ang tanging daan patungo sa Diyos (Juan 14:6). Dahil tinatanggihan ito ng Taoismo, nabigo ito na bigyang lunas ang makasalanang kalikasan ng sangkatauhan na kanilang minana kay Adan at ang kasalanang ito ang naging dahilan sa paghihiwalay ng tao at ng Diyos. Hindi matatanggap ng isang banal at makatarungang Diyos ang sinumang makasalanan sa kanyang paningin. Ngunit sa Kanyang kahabagan, ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesus (na Diyos sa anyong laman) sa mundo upang mamatay sa krus at upang palitan ng Kanyang katuwiran ang ating mga kasamaan (2 Corinto 5:21). Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa kamatayan ni Hesus at pananampalataya sa Kanya tayo makatatakas sa hatol ng Diyos at makakatanggap ng buhay na walang hanggan (Efeso 2:8-9). Si Kristo, hindi ang Tao, ang daan sa buhay na walang hanggan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Taoismo / Daoismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries