settings icon
share icon
Tanong

Anong taon isinilang si Hesus?

Sagot


Hindi ibinigay sa Bibliya ang eksaktong araw o maging ang eksaktong taon kung kailan ipinanganak si Hesus sa Bethlehem. Ngunit ang isang masusing pagsusuri sa pagkakasunod sunod ng mga detalye sa kasaysayan ang magbibigay sa atin ng makatwirang pagtataya sa taon ng Kanyang kapanganakan.

Idinetalye sa Bibliya ang mga kaganapan sa kasaysayan noong ipinanganak si Hesus at matatagpuan ang mga detalyeng ito sa mga Ebanghelyo. Sinasabi sa Mateo 2:1 na ipinanganak si Hesus noong panahong si Herodes ang hari sa Judea. Dahil namatay si Herodes noong 4 B.C., mayroon tayong magiging batayan sa pagtataya sa petsa ng Kanyang kapanganakan. Gayundin, pagkatapos na tumakas sina Jose at Maria mula sa Bethlehem kasama ang batang si Hesus, iniutos ni Herodes ang pagpatay sa lahat ng batang lalaki sa buong Bethlehem na may edad na dalawang taon pababa. Nangangahulugan ito na hindi maaaring higit sa dalawang taon ang edad ni Hesus bago ang kamatayan ni Herodes. Ang mga pangyayaring ito ang maglalagay sa petsa ng pagsilang ni Hesus sa pagitan ng 6 at 4 B.C.

Itinala sa Lukas 2:1-2 ang ilang katotohanan na maaaring isaalang-alang: “Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan. Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.” Alam natin na naghari si Augustus Cesar mula 27 B.C. hanggang A.D. 14.

Si Quirino ang gobernador ng Siria ng parehong panahon at may tala sa kasaysayan ng isang sensus kasama ang Judea noong humigit kumulang 6 B.C. May mga iskolar na nagtatalo kung ang sensus na ito ang binabanggit ni Lukas ngunit tila ito nga ang parehong pangyayari. Base sa mga detalye sa kasaysayan, ang pinakamalapit na petsa sa kapanganakan ni Hesus sa Betlehem ay 6 o 5 B.C.

Binabanggit ni Lukas ang isa pang detalye tungkol sa buhay ni Hesus: “At si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo ay may gulang na tatlongpung taon, na anak (ayon sa sinasapantaha) ni Jose, ni Eli” (Lukas 3:23). Inumpisahan ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa publiko halos kasabay ng pagmiministeryo ni Juan Bautista sa ilang at ng paguumpisa nito ng ministeryo sa publiko, “Nang ikalabinglimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo'y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at tetrarka sa Galilea si Herodes, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilinia, nang kasalukuyang mga pangulong saserdote si Anas at si Caifas, ay dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang” (Lukas 3:1-2).

Ang tanging yugto ng panahon na tumutugma sa lahat ng talang ito ay sa pagitan ng A.D. 27-29. Kung si Hesus ay “nasa tatlumpung taon ang edad” noong A.D. 27, tumutugma sa pagkakasunod sunod ng mga pangyayari ang 6 at 4 B.C., bilang petsa ng Kanyang kapanganakan. Maaaring si Hesus ay humigit kumulang sa 32 taong gulang noong Kanyang simulan ang Kanyang ministeryo (halos kapareho din sa humigit kumulang sa 30 taong gulang).

Anong buwan ipinanganak si Hesus? Ang tradisyonal na petsa na Diyembre 25 ay nakaugalian mahabang panahon pa pagkatapos ng Bagong Tipan. Ito ang petsa na napagkasunduan ng mga Kristiyano upang ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus, ngunit hindi talaga tiyak ang eksaktong araw ng Kanyang kapanganakan.

Ang maaari nating malaman ay ang pinakamalapit na taon kung kailan ipinanganak si Hesus. Ipinanganak si Hesus sa Bethlehem ng Judea noong humigt kumulang 6-5 B.C. ng Kanyang inang si Maria. Binago ng kapanganakan ni Hesus ang kasaysayan maging ang buhay ng hindi mabilang na tao sa buong sanlibutan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anong taon isinilang si Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries