Tanong
Ano ang Banal na Espiritu bilang tatak?
Sagot
Ang Banal na Espiritu ay tinutukoy bilang “deposito,” “tatak,” at “paunang bayad” sa puso ng mga Kristiyano (2 Corinto 1:22; 5:5; Efeso 1:13-14; 4:30). Ang Banal na Espiritu ang tatak ng Diyos sa Kanyang bayan, ang katibayan ng Kanyang pagaangkin na tayo ay sa Kanya. Ang salitang Griyego sa mga talatang ito ay ‘arrhabōn’ na isinalin sa Tagalog na “paunang bayad” na nangangahulugang “pangako.” Ito ay tulad sa isang bahagi ng halaga para sa kabayaran ng isang pagaari na ibinigay na pauna bilang katiyakan na babayaran ang kabuuang halaga. Ang kaloob na Banal na Espiritu ay ang paunang bayad o hulog ng Diyos para sa ating mana sa kalangitan, na ipinangako sa atin ni Kristo at Kanyang tiniyak para sa atin doon sa krus. Ito ay sa dahilang tinatakan na tayo ng Banal na Espiritu bilang katiyakan ng ating kaligtasan. Walang anumang makapagaalis ng tatak na ito ng Diyos sa atin.
Ang Banal na Espiritu ay ibinigay sa atin upang magkaroon tayo ng katiyakan na tayo ay kabilang sa mga anak ng Diyos at ipinagkaloob Niya sa atin ng Banal na Espiritu bilang isang regalo, gaya ng regalo din naman sa atin ang kaligtasan at pananampalataya (Efeso 2:8-9). Sa pamamagitan ng kaloob na Banal na Espiritu, ginawa tayong mga bagong nilalang at patuloy na pinapaging banal Niya tayo. Nilikha Niya sa ating mga puso ang mga damdaming ito, ang pag-asa at mga pagnanasa bilang katunayan na tayo ay tinanggap ng Diyos, at tayo ay itinuring Niya bilang mga anak, at ang ating pag-asa ay totoo at ang ating katubusan at kaligtasan ay tiyak sa parehong paraan na ang tatak ay nagbibigay garantiya sa isang huling habilin o kasunduan. Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Banal na Espiritu bilang paunang bayad upang ipaunawa sa atin na sa Kanya na tayo magpakailanman at tayo ay tiyak na maliligtas sa huling araw. Ang katibayan ng presensya ng Espiritu ay ang Kanyang pagkilos sa ating mga puso na siyang naguudyok sa atin sa pagsisisi na isang bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5:22-23), ng pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos, sa pagkakaroon ng pagnanasa na manalangin at magpuri at umibig sa ating mga kapwa hinirang. Ang mga ito ang ebidensya na binago ng Diyos ang ating mga puso at tayo ay tinatakan para sa araw ng ating Katubusan.
Kaya nga sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng Kanyang pagtuturo at paggabay, tayo ay tinatakan at binigyang katiyakan na Kanya tayong ililigtas sa Araw ng Katubusan, na perpekto at malaya mula sa kasalanan at kamatayan. Dahil mayroon na tayong tatak ng Espiritu sa ating mga puso, makapamumuhay tayo na puno ng kagalakan, na nagtitiwala sa isang tiyak na lugar sa hinaharap para sa atin doon sa langit, sa hindi malirip na kaligayahan sa kaluwalhatian ng Diyos.
English
Ano ang Banal na Espiritu bilang tatak?