Tanong
Ano ang tatak ng inilagay ng Diyos kay Cain (Genesis 4:15)?
Sagot
Pagkatapos na patayin ni Cain si Abel, sinabi ng Diyos kay Cain, “Susumpain ka't palalayasin sa lupaing ito, lupang natigmak sa dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. Bungkalin mo man ang lupang ito upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matatahanan at magiging lagalag ka sa daigdig" (Genesis 4:11-12). Bilang tugon, sinabi ni Cain, "Napakabigat namang parusa ito!" sabi ni Cain kay Yahweh, "Ngayong pinalalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakikita sa akin" (Genesis 4:13-14). “Sumagot sa kanya ang Diyos, ‘Hindi, parurusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay kay Cain.’" At nilagyan niya ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden" (Genesis 4:15-16).
Ang kalikasan ng tatak na inilagay ng Diyos kay Cain ay naging paksa ng maraming debate at pala-palagay. Ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang tagalog na ‘tatak’ ay ‘owth’ at nangangahulugang ‘marka,’ ‘tanda,’ o ‘tatak.’ Sa buong Lumang Tipan, ang salitang ‘owth’ ay ginamit ng 79 beses at madalas na isinalin sa salitang ‘tatak.’ Hindi ipinaliwanag sa salitang Hebreo ang eksaktong kalikasan ng tatak na inilagay ng Diyos kay Cain. Anuman ang tatak na ito, ito ay tanda na hindi siya dapat patayin. May ilang nagpapalagay na ang tatak na ito ay isang peklat, o isang uri ng tattoo. Anuman ito, hindi ang eksaktong kalikasan ng tatak na ito ang pinagtutuunan ng pansin sa talata. Ang sentrong kaisipan ay hindi pinahihintulutan ng Diyos ang mga tao na paghigantihan si Cain. Anuman ang tatak na ito ni Cain, ginaganap nito ang layuning ito.
Sa nakalipas, maraming naniniwala na ang tatak na ito ni Cain ay ang kanyang maitim na balat –pinaitim diumano ng Diyos ang kanyang kulay upang makilala siya ng mga tao. Dahil tinanggap din ni Cain ang sumpa, ang pagkakaroon ng maitim na balat ang nagbunsod sa tao na maniwala na isang sumpa ang pagkakaroon ng maitim na balat. Maraming tao ang ginagamit ang ‘tatak ni Cain’ sa pangangatwiran na tama lamang ang pangaalipin sa mga Aprikano at ang pagmamaltrato sa mga taong may maitim na balat. Ang pangunawang ito tungkol sa tatak ni Cain ay hindi naaayon sa Bibliya. Hindi makikita saanman sa Bibliya na ginamit ang salitang ‘owth’ para sa maitim na balat. Ang sumpa kay Cain sa ikaapat na kabanata ng Genesis ay ang mismong magiging uri ng kanyang buhay. Walang sinabi na ang sumpa ng Diyos kay Cain ay kanyang naipasa sa kanyang lahi. Walang kahit anong basehan sa Bibliya ang katuruan na ang mga lahing nanggaling kay Cain ay maitim ang balat. Dagdag pa rito, malibang ang isa sa mga asawa ng anak ni Noe ay nagmula sa lahi ni Cain (posible ngunit hindi maaaring matiyak), ang lahi ni Cain ay napuksa ng pandaigdigang baha.
Ano ang tatak na inilagay ng Diyos kay Cain? Hindi sinabi sa Bibliya kung ano ito. Ang kahulugan ng tatak na hindi dapat patayin si Cain ay higit na mahalaga sa kalikasan ng mismong tatak. Anuman ang tatak na ito, wala itong kinalaman sa kulay ng balat o sa sumpa ng Diyos sa lahi ni Cain. Ang paggamit sa tatak ni Cain upang gamiting dahilan sa rasismo o diskriminasyon ay hindi naaayon sa Bibliya.
English
Ano ang tatak ng inilagay ng Diyos kay Cain (Genesis 4:15)?