Tanong
Ano ang tatak ng Diyos?
Sagot
May limang talata sa Bibliya na tumutukoy sa "tatak ng Diyos" o sa isang bagay o tao na tinatakan ng Diyos (Juan 6:27; 2 Timoteo 2:19; Pahayag 6:9; 7:2; at 9:4). Ang salitang "tatakan" sa Bagong Tipan ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang "selyuhan ng pribadong marka" dahil sa interes na maangkin ang isang bagay ng lihim o maprotektahan o maingatan ang bagay na tinatakan. Ang tatak ay ginagamit para sa opisyal na negosyo: Halimbawa, tinatatakan ang isang dokumento ng isang senturyong Romano para lamang sa nakatataas sa kanya. Kung masira ang tatak, malalaman ng tumanggap ng dokumento na ang sulat ay pinakialaman o binasa ng ibang tao maliban sa nagpadala.
Ang Pahayag 7:3–4 at 9:4 ay tumutukoy sa isang grupo ng tao na nagtataglay ng tatak ng Diyos at nagpapahiwatig ng Kanyang pagiingat sa kanila sa panahon ng kapighatian. Pagka-ihip sa ikapitong trumpeta ng paghatol, aatakehin ang mga tao sa lupa ng mga balang na nagmula sa kalaliman na may "kapangyarihan na gaya ng sa alakdan" (Pahayag 9:3). Gayunman, limitado lamang ang taong sasaktan ng mga mala-demonyong balang na ito: "Ipinagbilin sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan" (Pahayag 9:4). Ang mga indibidwal na may tatak ng Diyos ay iningatan. Ang tatak ng Diyos sa panahon ng kapighatian ay direktang kasalungat ng tatak ng Halimaw, na nagpapakilala sa mga tao bilang mga tagasunod ni Satanas (Pahayag 13:16–18).
Binanggit ni Pablo ang tatak ng Diyos sa konteksto ng pundasyon ng katotohanan. Sinabi niya kay Timoteo na kumakalat ang mga maling doktrina at may ilang tao na nagtatangkang sirain ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Pagkatapos, nag-alok siya ng pagpapalakas ng loob: "Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: "Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya," at, "Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan" (2 Timoteo 2:19). Ang larawan ay pundasyon ng isang gusali na tinatakan ng dalawang pangungusap na nagbibigay ng layunin sa gusali. Naitayo na ang pundasyon ng iglesya (Efeso 2:20), at ang walang hanggang tatak ay ang dalawang aspeto ng pananampalataya—pagtitiwala sa Diyos at pagtalikod sa kasalanan (tingnan ang Markos 1:15). Nagpatuloy ang talata sa paglalarawan sa mga laman ng dakilang tahanan na tinatakan: mga kasangkapan na karapat-dapat gamitin at hindi karapatdapat gamitin. "Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain" (2 Timoteo 2:21).
Nagtataglay si Jesus ng tatak ng Diyos: "Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak" (Juan 6:27). Ang mga nagtitiwala kay Cristo Jesus ay nagtataglay din ng tatak ng Diyos, walang iba kundi ang Espiritu Santo: "Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo. Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian" (Efeso 1:13–14). Napakagandang malaman na tinatakan ng Diyos ang Kanyang mga anak, iniingatan at inaalalayan sa gitna ng kasamaan sa panandaliang mundong ito.
English
Ano ang tatak ng Diyos?