settings icon
share icon
Tanong

Posible ba na magkaroon ang isang tao ng tatak ng halimaw ngayon?

Sagot


Ang tatak ng halimaw ay isang uri ng tatak na tatanggapin ng mga tagasunod ng Antikristo bilang pagpapakita ng katapatan sa kanya. Sinasabi sa hula sa Pahayag 13:16–17, “sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon.”

Hindi natin alam kung ano ang hitsura ng tatak na ito. Sa nakalipas, may nag-akala na ito ay isang tattoo ng numerong 666. Kamakailan lamang, may nag-akala na ito ay isang bar code. Ngayon ang isang popular na espekulasyon ay isa itong microchip. Wala tayong kahit anong paraan para matiyak kung ano ang magiging hitsura ng tatak ng halimaw.

Natatakot ang ilan na baka mayroon na silang tatak ng halimaw. Maaaring namusong na sila sa Diyos sa isang yugto ng kanilang buhay o nakagawa ng walang ingat na panata sa Antikristo. Maaaring nagaalala sila sa chip sa kanilang cedit card. May ibang sinabihan na ang kanilang pagsamba sa Panginoon tuwing Linggo sa halip na Sabado ay isang paraan ng pagtanggap sa tatak ng halimaw. May isang importanteng dahilan kung bakit imposible na magkaroon ng tatak ng halimaw sa kasalukuyan:

Hindi pa lumalabas ang tatak ng halimaw.

Ang isang literal na pagbabasa sa aklat ng Pahayag at sa iba pang mga hula sa Bibliya tungkol sa mga magaganap sa hinaharap ay nagpapakita na may itinakdang panahon para sa mga kaganapan ng mga hula sa mga huling panahon. Inihula ni Dahiel ang pitumpong linggo (pitumpong hanay ng pitong taon) na nagtatakda sa panahon ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Israel. Animnapu’t siyam sa linggong ito ang lumipas na pagkatapos ng sulat si Daniel. Ang huling linggo ay ang tinatatawag nating kapighatian, kung kailan magiging makapangyarihan ang Antikristo o ang halimaw. Pagkakaisahin ng pinunong ito ang sampung bansa (Daniel 7:24–25; Pahayag 17:7) at mapanlinlang na makikipagkasundo sa Israel (Daniel 9). Hindi lalabas ang tatak ng halimaw hangga’t hindi naghahari ang halimaw sa panahon ng pitong taon ng kapighatian.

Ang isa pang dahilan kung bakit hindi dapat matakot ang mga mananampalataya sa tatak ng halimaw ay ang pagdagit (rapture) sa iglesya. Sa pagdagit, dadalhin ni Jesus ang mga mananampalataya—ang mga namatay at nabubuhay sa lupa—patungo sa langit (1 Tesalonica 4:13–18; 1 Corinto 15:50–54). Bagama’t makakakilala pa rin ang mga tao kay Cristo pagkatapos ng pagdagit, ang lahat ng mga nagtitiwala kay Jesus bago ang pagdagit ay makakasama na ng Panginoon. Ayon sa pananaw na pretribulationism, walang tsansang matatatakan ng tatak ng halimaw mga mananampalataya na nabubuhay sa panahon ng iglesya.

Kaya walang magagawa ang sinuman sa panahon ngayon para magkaroon o makatanggap ng tatak ng halimaw. Ang mga chips na itinatanim sa katawan, mga barcodes, mga tattoo, pamumusong, at pagsasabi na “tagasunod ako ng Antikristo at tinatanggap ko ang tatak ng halimaw”—ay hindi mga tatak ng halimaw. Ang tatak ng halimaw ay hindi iiral hangga’t wala pa ang halimaw, o ang Antikristo na mamumuno sa mundo at magpapalagay sa mga tao ng tatak na ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba na magkaroon ang isang tao ng tatak ng halimaw ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries