settings icon
share icon
Tanong

Kailan at papaano tinatanggap ang Banal na Espiritu?

video
Sagot


Malinaw na itinuturo sa atin ni Apostol Pablo na tinanggap ng isang tunay na mananampalataya ang Banal na Espiritu noong siya ay manampalataya kay Hesu Kristo bilang kanyang tagapagligtas. Pinatutunayan ng 1 Corinto 12:13, “Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu, tayo rin ngang lahat ay binautismuhan sa iisang katawan kahit tayo ay Hudyo o Griyego, alipin o malaya. At tayo rin ay pinainom sa iisang Espiritu.” Sinasabi din sa atin ng Roma 8:9 na kung ang isang tao ay walang Banal na Espiritu, siya ay hindi kay Kristo, “Kayo ay wala sa makalamang kalikasan. Kayo ay nasa Espiritu kung ang Espiritu ng Diyos ay tunay na nananahan sa inyo. Ang sinumang walang Espiritu ni Kristo, siya ay hindi sa Kaniya.” Itinuturo din sa atin ng Efeso 1:13-14 na ang Banal na Espiritu ang tatak ng kaligtasan ng lahat ng mga nananampalataya, “Sumampalataya rin kayo kay Kristo, pagkarinig ninyo ng salita ng katotohanan, ang Ebanghelyo ng inyong kaligtasan. Sa Kaniya rin naman, pagkatapos ninyong sumampalataya, ay tinatakan kayo ng Banal na Espiritu na ipinangako. Ang Banal na Espiritu ang katiyakan ng ating mana, hanggang sa pagtubos ng biniling pag-aari para sa kapurihan ng Kaniyang kaluwalhatian.”



Nilinaw ng tatlong Kasulatang ito na ang Banal na Espiritu ay tinatanggap sa panahon ng kaligtasan. Hindi puwedeng sabihin ni Apostol Pablo na ang lahat ay binautismuhan ng iisang Espiritu at ang lahat ay binigyan ng iisang Espiritu at “uminom” nito kung hindi lahat ng mga mananampalataya ng Corinto ay mayroong Banal na Espiritu. Sinasabi rin ng aklat ng Roma 8:9, “Kung ang isang tao ay walang Banal na Espiritu, hindi siya napapabilang kay Kristo. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng Banal na Espiritu ay isang pagkakakilanlan ng pagkakaroon ng kaligtasan. Ang Banal na Espiritu ay hindi masasabing “selyo ng kaligtasan” (Efeso 1:13-14) kung hindi Siya tinanggap ng isang tao sa panahon ng kaligtasan. Nilinaw ng maraming talata sa Bibliya na ang ating kaligtasan ay sigurado na sa panahong tinanggap ng isang tao si Kristo bilang tagapagligtas at tinanggap siya ng Diyos bilang anak.

Ang usaping ito ay kontrobersyal dahil ang mga ministeryo at kaloob ng Banal na Espiritu ay nakalilito para sa iba. Ang pagtanggap o pananahan ng Banal na Espiritu ay nangyayari sa oras ng kaligtasan. Ang pagpuspos naman ng Banal na Espiritu ay nangyayari araw-araw at ito ay isang nagpapatuloy na proseso sa buhay ng isang tunay na Kristiyano. Habang pinanghahawakan natin na ang pagbawtismo ng Espiritu ay nangyayari sa oras ng kaligtasan, hindi naniniwala dito ang ilang mga Kristiyano. Ang ganitong katuruan ng iba ay nagreresulta kadalasan sa kalituhan sa pagitan ng pagbawtismo sa Espiritu at “pagtanggap sa Espiritu” bilang ikalawang gawain ng Espiritu pagkatapos ng kaligtasan. Sa huli, papaano nga ba tinatanggap ng isang tao ang Banal na Espiritu? Tinatanggap ng isang tunay na mananampalataya ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo bilang kanyang Tagapagligtas at kung siya ay bigyan ng Diyos ng Espiritu sa panahong iyon (Juan 3:5-6). Minsan lamang tinatanggap ng tao ang Banal na Espiritu at hindi na Siya aalis sa isang Kristiyano hanggang sa siya ay umuwi sa kanyang tunay na tahanan sa langit.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailan at papaano tinatanggap ang Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries