Tanong
Tatlong sangkap (trichotomy) laban sa dalawang sangkap (dichotomy) ng tao — aling pananaw ang tama?
Sagot
Itinuturo ng Bibliya na ang tao ay nagtataglay ng pisikal na katawan, isang kaluluwa at isang espiritu. May apat na teorya patungkol sa kung ano ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga sangkap na ito ng tao. Ang dalawa sa mga teoryang ito, ang anthropological monism at anthropological hylomorphism, ay pangunahing tumatalakay sa kung paanong ang tatlong sangkap ng tao ay nagsasama-sama upang bumuo ng kalikasan ng tao. Ang dalawang iba pang modelo, ang dichotomy o dalawang sangkap (anthropological dualism) at trichotomy o tatlong sangkap ay tumatalakay sa pagkakaiba sa pagitan ng kaluluwa ng tao at ng espiritu ng tao. Madaling maintindihan ang pagkakaiba sa pagitan ng materyal (pisikal) at imateryal (espiritwal) na aspeto ng kalikasan ng tao. Ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang imateryal na aspeto ng kalikasan ng tao ang mas mahirap maintindihan.
Habang may mga talata sa Bibliya na halinhinang ginagamit ang mga salitang kaluluwa at espiritu (Mateo 10:28; Lukas 1:46–47; 1 Corinto 5:3; 7:34), hindi naman ipinapahiwatig ng ibang mga talata sa Bibliya na magkapareho ang kaluluwa at espiritu. May ilang talata din sa Bibliya na nagpapakita ng dibisyon sa pagitan ng kaluluwa at espiritu (Roma 8:16; 1 Tesalonica 5:23; Hebreo 4:12). Sinasabi sa Hebreo 4:12, “Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” Sinasabi sa atin ng talatang ito ang dalawang bagay: (1) may dibisyon sa pagitan ng kaluluwa at espiritu, at (2) tanging ang Diyos ang nakakaalam sa dibisyon ng kaluluwa at espiritu. Sa mga talatang nasa itaas, hindi kayang malinaw na mapatunayan ang alinman sa pananaw na dichotomous o trichotomous. Ang imateryal ba na sangkap ng tao ay binubuo ng isang kaluluwa at isang espiritu? Oo. Maliwanag na ang espiritu at kaluluwa ng tao ay tiyak na nagkakaisa at magkasama (dichotomy) ngunit ang hindi malinaw ay kung may dibisyon sa pagitan nila.
Tipikal na pinaniniwalaan ang mga sumusunod ng mga naniniwala na may tatlong sangkap ang tao: Ang pisikal na katawan ng tao ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na makipagugnayan sa ating kapaligiran sa mundo. Ang kaluluwa naman ang esensya ng ating pagkatao at ang espiritu naman natin ang nagbibigay sa atin ng kakayahang makipagugnayan sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi sa Bibliya na patay sa espiritwal ang mga hindi ligtas (Efeso 2:1; Colosas 2:13), kahit na sila ay buhay sa pisikal at buhay ang kaluluwa. Ang mga naniniwala naman na may dalawang sangkap ang tao (dichotomy) ay may kaparehong pangunawa tungkol sa katawan ngunit tinitingnan nila na ang espiritu ang bahagi ng imateryal na nakikipagugnayan sa Diyos. Kaya nga ang usapin tungkol sa dichotomy laban sa trichotomy sa esensya, ay kung ang kaluluwa at espiritu ba ay magkaibang sangkap ng imateryal na kalikasan ng tao, o kung ang espiritu ba ng tao ay simpleng bahagi ng imateryal o ang kaluluwa ang buong imateryal na sangkap ng kalikasan ng tao.
Tatlong sangkap ng tao (trichotomy) laban sa dalawang sangkap (dichotomy) ng tao — aling pananaw ang tama? Tila hindi matalino na maging dogmatiko patungkol sa bagay na ito. Parehong kapani-paniwala ang dalawang pananaw. Wala sa alinman sa dalawang interpretasyon ang masasabing heretikal. Maaaring ito ay isang isyu na hindi natin ganap na mauunawaan sa pamamagitan ng ating pahat na isipan. Ang ating natitiyak ay binubuo ang buong kalikasan ng tao ng tatlong sangkap: ang katawan, kauluwa, at espiritu. Kung iisa ba ang kaluluwa at espiritu, o magkaiba ay isang isyu na hindi piniling ipahayag ng Diyos ng malinaw sa Kanyang salita. Kung naniniwala ka man sa dichotomy o trichotomy, ihandog mo ang iyong sarili bilang handog na buhay para sa Diyos (Roma 12:1), pasalamatan Siya sa pagliligtas sa iyong kaluluwa (1 Pedro 1:9), at sambahin Siya sa espiritu at katotohanan (Juan 4:23–24). English
Tatlong sangkap (trichotomy) laban sa dalawang sangkap (dichotomy) ng tao — aling pananaw ang tama?