settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tatlong pighati sa aklat ng Pahayag?

Sagot


Ang ibig sabihin ng pighati ay “kalungkutan, paghihirap, sakit”; ang tatlong pighati ng Pahayag ay ang huling hatol ng Diyos sa masamang sangkatauhan para sila ibunsod sa pagsisisi (Pahayag 9:20). Tunay na ang tatlong pighati ay isang panahon ng malaking kalungkutan at paghihirap para sa mga nagpahayag ng pagsunod sa Antikristo sa mga huling panahon.

Ang bilang na pito ay mahalaga sa aklat ng Pahayag at ang tatlong pighati ay magaganap sa pagtatapos ng pitong taon ng kapighatian bago ang ikalawang pagparito ni Cristo. Ang mga hatol ng Diyos sa panahon ng kapighatian ay inilarawan bilang pitong tatak na isa-isang binuksan. Ang ikapitong tatak ang magpapakita sa pitong trumpeta ng hatol. Ang ika-lima, ika-anim, at ika-pitong trumpeta ay tinatawag na tatlong pighati (Pahayag 8:13).

Ang unang pighati ay inihayag pagkatapos ng ika-limang trumpeta ng hatol. Ang pighating ito ay kinapapalooban ng tila mga balang na may kakayahang manusok gaya ng alakdan (Pahayag 9:3). Sa pangkalahatan, ang mga ito ay hindi tinatanggap bilang mga literal na balang dahil sa paglalarawan sa kanila at dahil lumabas sila mula sa kalaliman at may sinusunod na isang pinunong demonyo (Pahayag 9:3, 7-8, 11). Ang mga nilalang na ito ay pinahintulutang saktan ang mga tao lamang na “walang tatak ng Diyos sa kanilang noo” (Pahayag 9:4). Ang mga nagtataglay ng tatak ng Diyos ay ang 144,000 (Pahayag 7:3-4) o, posibleng lahat ng mananampalataya sa panahong iyon (Efeso 4:30). Pinahintulutan ang mga malademonyong balang na ito na pahirapan ang mga hindi mananampalataya sa loob ng limang buwan (Pahayag 9:5) sa pamamagitan ng makirot na kagat. Bagama’t nanaisin ng mga biktima na mamatay (Pahayag 9:6), hindi sila pahihintulutang mamatay.

Ang ikalawang pighati ay inihayag pagkatapos ng ika-anim na trumpeta ng hatol. Ang pighating ito ay nagsimula sa utos ng isang tinig, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates” (Pahayag 9:14). Ang apat na anghel na ito ay mga demonyo na itinapon mula sa langit kasama ni Satanas. Ang Diyos ngayon ang magpapakawala sa kanila mula sa kanilang bilangguan pagdating ng takdang panahon (Pahayag 9:15; tingnan din ang Judas 1:6; 2 Pedro 2:4). Ang mga anghel na ito at ang kanilang hukbo na may bilang na dalawang-daang milyon ay pinakawalan para patayin ang ikatlong bahagi ng bilang ng sangkatauhan (Pahayag 9:15-16).

Pagkatapos ng ikalawang pighati (Pahayag 11:14), sumunod naman ang isang malinaw na paghahati sa aklat sa pamamagitan ng isang pahayag mula sa langit, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!” (Pahayag 11:15). Sa ibang salita, ang huling bahaging ito ng hatol ang magiging pangwakas, at ang katuwiran ay muling ibabalik sa mundo.

Ang ikatlong pighati ay inihayag pagkatapos ng ika-pitong trumpeta ng hatol. Ang pighating ito ay katulad ng trumpeta na pinatunog sa ikalawang kabanata ng aklat ni Joel at nagbabadya ng katuparan ng plano ng Diyos para sa buong mundo. Ang ikatlong pighating ito ang tanda ng pagtatapos ng hatol ng Diyos sa kasalanan; at ito ang laman ng aklat ng Pahayag hanggang sa ika-labing siyam na kabanata kung kailan itatatag ang Kaharian ni Cristo sa mundo. Kasama sa ikatlo at huling pighati ang pitong “mangkok” ng poot ng Diyos na inilarawan sa Pahayag 16:1-21. Ang serye ng mga hatol na ito ang pinaka-nakakatakot sa lahat ng nasaksihan at naranasan ng mundo. Sinabi ni Jesus, “At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon” (Mateo 24:22).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tatlong pighati sa aklat ng Pahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries