Tanong
Ano ang kahalagahan ng pagkahati sa dalawa ng tabing sa templo ng mamatay si Hesus?
Sagot
Sa panahon ng buhay ni Hesus sa lupa, ang banal na templo sa Jerusalem ang sentro ng buhay relihiyon ng mga Hudyo. Ang templo ang lugar kung saan sumasamba ang mga Hudyo at ginaganap ng buong katapatan ang paghahandog ng mga hayop ayon sa kautusan ni Moises. Sinasabi sa atin ng Hebreo 9:1-9 na sa loob ng templo ay may tabing na naghihiwalay sa Dakong kabanal banalan - ang lugar ng tinatahanan ng presensya Diyos dito sa lupa - at sa iba pang bahagi ng templo kung saan maaaring sumamba ang mga tao. Ito ay sumisimbolo na inihiwalay ng kasalanan ang tao sa Diyos (Isaias 59:1-2). Tanging ang punong saserdote lamang ang pinapayagan na pumasok sa tabing na ito minsan isang taon (Exodo 30:10; Hebreo 9:7) upang pumasok sa presensya ng Diyos para sa Bayang Israel sa ikatutubos ng kanilang mga kasalanan (Levitico 16).
Ang templo ni Solomon ay may taas na 30 kubiko (1 Hari 6:2), ngunit pinataas pa ito ni Herodes hanggang sa taas na 40 kubiko, ayon sa sinulat ni Josephus, isang tagasulat ng kasaysayan noong unang siglo. Hindi tiyak kung ano ang eksaktong sukat ng isang kubiko, ngunit ligtas na ipagpalagay na ang tabing sa templo ay may taas na 60 talampakan. Sinabi rin ni Josephus na ang tabing ay may kapal na apat na pulgada at hindi ito kayang punitin kahit na hilahin ng dalawang kabayo ang tigkabilang dulo. Makikita sa aklat ng Exodo na ang makapal na tabing na ito ay may kulay na asul, lila at pula at ang ginamit na materyales ay pinong lino.
Ang taas at kapal ng tabing na ito ang dahilan upang maging napakahalaga ng pagkapunit nito kasabay ng pagkamatay sa krus ng Panginoong Hesu Kristo. "Muling sumigaw si Jesus at nalagutan ng hininga. Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba" (Mateo 27:50-51a).
Ano ang kahalagahan ng pangyayaring ito para sa atin ngayon? Una sa lahat, ang pagkapunit ng tabing na ito sa oras ng mismong kamatayan ni Hesus ang simbolo na ang kanyang handog, ang pagbububo ng Kanyang sariling dugo, ay sapat na pantubos sa ating mga kasalanan. Tanda ito na bukas na ang daan patungo sa dakong kabanalbanalan para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon maging para sa Hudyo at para sa mga Hentil.
Nang mamatay si Hesus, napunit ang tabing, at umalis ang Diyos sa lugar na iyon upang hindi na tumira pa sa templo na ginawa ng tao magpakailanman (Gawa 17:24). Tapos na ang Diyos sa templo at sa sistemang panrelihiyon at iniwan Niya ang templo na winasak ng mga Romano noong 70 A.D gaya ng inihula ni Hesus sa Lukas 13:35. Habang nakatayo ang templo, tanda iyon ng pagpapatuloy ng Lumang Tipan. Tinukoy sa Hebreo 9:8-9 na lumipas na ang panahon ng Luma at itinatag naman ang Bago (Hebreo 8:13).
Sa esensya, ang tabing ay simbolo mismo ni Kristo bilang tanging daan patungo sa Ama (Juan 14:6). Ito ay ipinahiwatig sa katotohanan na ang dakilang saserdote ay kinakailangang pumasok sa dakong kabanalbanalan sa pamamagitan ng tabing. Ngayon, si Hesus ang pinakadakilang Saserdote, at bilang mananampalataya sa Kanyang natapos na gawain, nakikibahagi tayo sa isang mas mataas na pagkasaserdote. Maaari na tayong pumasok sa dakong kabanalbanalan sa pamamagitan Niya. Sinasabi sa Hebreo 10:19-20 na ang mga nananampalataya ay papasok sa santuaryo sa pamamagitan ng "dugo ni Jesus, sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman." Makikita natin dito ang imahe ng laman ni Hesus na "napunit" para sa atin gaya ng pagkapunit ng tabing ng templo.
Ang tabing na nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ay isang katotohanan sa kasaysayan. Ang malalim na kahalagahan ng pangyayaring ito ay ipinaliwanag ng buong detalye sa aklat ng Hebreo. Ang mga bagay sa templo ay anino lamang ng mga bagay na darating at itinuturo tayo kay Hesu Kristo. Siya ang tabing sa dakong kabanalbanalan at sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, ang mga mananampalataya ay mayroon ng kalayaan na lumapit sa Diyos.
Ang tabing sa templo ang nagpapaalala sa atin sa tuwina na ginawa tayong hindi karapatdapat ng kasalanan sa presensya ng Diyos. Ang katotohanan na ang mga handog sa kasalanan na inihahandog taon-taon at ang hindi mabilang na paghahandog na inuulit araw-araw ang naglalarawan na ang kasalanan ay hindi maaaring matubos o mapawi ng mga handog na hayop. Si Hesu Kristo, sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ang nagalis ng hadlang sa pagitan ng Diyos at tao, at ngayon ay maaari na tayong lumapit sa Diyos ng may pagtitiwala at katapangan (Hebreo 4:14-16).
English
Ano ang kahalagahan ng pagkahati sa dalawa ng tabing sa templo ng mamatay si Hesus?