settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahalagahan ng templo ni Ezekiel?

Sagot


Si Ezekiel ay nagmula sa lahi ng mga saserdote (Ezekiel 1:3) ngunit naglingkod siya bilang isang propeta. Sa Ezekiel 40–48, nakakita siya ng isang detalyadong pangitain ng isang napakalaki at maluwalhating templo. Ang mahabang pangitaing ito ay naging paksa ng maraming espekulasyon at iba’t ibang interpretasyon sa pagdaan ng panahon.

Inumpisahan ni Ezekiel ang kanyang ministeryo ng panghuhula bago wasakin ng Babilonia ang templo sa Jerusalem noong 586 BC. Bago ang pagwasak na ito, tiniyak ng maraming propeta sa mga tao na kasama nila ang Diyos at walang mangyayari sa kanila (Ezekiel 13:8–16). Binalaan ng mga tunay na propeta gaya nina Jeremias at Ezekiel ang mga tao na darating ang hatol ng Diyos (Ezekiel 2:3–8). Sa Ezekiel 8–11, nakita ng propeta ang kaluwalhatian ng Diyos na umaalis sa templo.

Habang nasa pagkakatapon sa ibang bansa, pinalakas niya ang loob ng Israel na hindi mananatili magpakailanman ang hatol ng Diyos at papapanumbalikin Niya ang Israel at muling mananahang kasama nila. Sa Ezekiel 37, isinalaysay niya ang isang pangitain tungkol sa “Lambak ng mga Tuyong Buto” kung saan inilarawan niya ang muling pakikipagisa ng Diyos at muling pagbuhay sa Israel. Sa kabanatang 38–39, hinulaan ni Ezekiel ang isang digmaan ng Gog at Magog kung saan tinalo ng Israel ang mga kaaway. Pagkatapos sa kabanatang 40–48, sa ikadalawampu’t limang taon ng Israel sa pagkakabihag sa ibang bansa, inilarawan ni Ezekiel ang isang napakalaking templo (kabanata 40–42). Nagbalik ang kaluwalhatian ng Diyos (kabanata 43), ibinalik ang mga paghahandog (kabanatas 44–46), at ibinalik ang lupain sa mga Israelita (47–48). Binago ang puso ng mga tao (Ezekiel 36:26–27) at maging ang mga hentil ay may lugar sa pinanumbalik na kaharian (Ezekiel 47:22). Ang lupain ay pamumunuan ng isang haring nagmula sa lahi ni David (Ezekiel 44:3; tingnan din ang 37:24–25; 34:23–24).

Sa kanyang pangitain ng templo, dinala si Ezekiel sa Israel kung saan nakakita siya ng isang bundok at isang siyudad. Nakita niya ang isang “lalaking tila tanso na nakatayo sa pasukan at may hawak na pising lino, at panukat” (Ezekiel 40:3). Sinabi sa kanya ng lalaki na pakinggang mabuti ang lahat ng kanyang maririnig at tandaan ang lahat ng kanyang makikita at sabihin ang lahat ng mga detalye sa bayan ng Diyos (talata 4). Ang pagsukat sa lawak ng templo ang laman ng mga sumunod na tatlong kabanata ng Ezekiel.

Ang tanong ay kailan at paano magaganap ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo? Dapat ba tayong maghintay sa isang literal na kaganapan? O ang pangitaing ito ay simbolo ng kasakdalan ng presensya ng Diyos sa Kanyang bayan sa hinaharap? Naganap na ba ito? O ang kaganapan nito ay sa hinaharap pa? Ang mga sagot sa mga katanungang ito ay nakadepende sa pananaw ng nagpapaliwanag kung siya ba ay naniniwala sa literal o simbolikong kalikasan at kaganapan ng hula.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahalagahan ng templo ni Ezekiel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries