settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanismo ni Pablo?

Sagot


Ang Kristiyanismo ni Pablo (o Pauline Christianity) ay isang termino na ginamit sa pagkaunawa ng ilan tungkol sa pangrelihiyong katuruan na inaakalang bukod tanging kay Pablo, na hindi katulad ng ebanghelyo ni Jesus. Nangangahulugan ito na nagturo si Jesus ng isang bagay, at si Pablo naman ay nagturo ng lubos na naiibang bagay. Sa madaling salita, ang kabuuang sistema ng turo ni Pablo sa Kristiyanismo ay iba sa sistema ng turo ni Jesus patungkol dito. Silang mga naniniwala sa hiwalay na Kristiyanismo ni Pablo ay naniniwala rin na ang Kristiyanismo ngayon ay mayroon lang maliit na ralasyon sa mga katuruan ni Jesus; samakatuwid, naniniwala silang ang Kristiyanismo ngayon ay produkto ng paglihis ni Pablo sa mga katuruan ni Jesus noon.

Naniniwala kami na ang Bagong Tipan ay nagkakaisa sa kabuuan: ang mga Ebanghelyong sinulat ay naghahayag ng buhay at gawain ni Jesus na siyang Mesiyas; ang mga Epistles naman (o mga sulat) ay nagpapaliwanag ng kahulugan at sakop ng gawain ni Jesus at iniaangkop ito sa pang-araw-araw na buhay. Bilang halimbawa, isinasalaysay ng Ebanghelyo ni Mateo (kabanatang 28) ang katotohanang si Jesus ay muling nabuhay, at ang sulat naman ni Pablo sa mga taga-Corinto ang nagpapaliwanag ng kahalagahan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli (sa kabanatang labinlima). Doon naman sa Ebanghelyo ni Marcos (kabanatang 15: talatang 38), sinasabi doon na ang tabing sa templo ay napunit sa gitna, at nahati sa dalawa, nang mamatay si Jesus; at saka inihayag sa Sulat sa mga Hebreo (kabanatang 10: talatang 11 hanggang 23) ang salaysay ng pangyayaring iyon. Ang parehong Espiritu Santo na "kumasi" ng mga sinulat na Ebanghelyo (Gospels) ay Siya ring "kumasi" sa mga 'Sulat'/Epistles (literal: 'hiningahan' ng Diyos ang Banal na Kasulatan, ayon sa 2 Timoteo 3:16); at ito ay may layon na ihayag sa atin ang buong unawa sa plano ng pagliligtas ng Diyos.

Sa kabila nito, ang mga nag-iisip na hiwalay ang Kristiyanismo ni Pablo ay malinaw na iba ang kanilang kwento: "Si Jesus na isang dakilang tagapagturo, ay itinuturing ang kanyang sarili bilang ang 'matagal-ng-hinihintay-na-Mesiyas' para sa mga Hudyo. Naniwala siyang patataubin ng Diyos ang Roma at dadalhin ang Kanyang kaharian sa lupa. Bilang paghahanda para dito, si Jesus ay nagturo ng mensahe ng isang walang kundisyong pag-ibig, ng pagpayag sa anumang pinaniniwalaan ng tao, at ng walang kundsiyong pagtanggap sa bawat tao. Kaya lang, tingnan!, ang misyon ni Jesus sa paguumpisa ng isang bagong panahon sa sanlibutan ay nabigo ng ipako siya ng mga Romano sa krus!"

At sinasabi pa nila na, "Ang mga tagasunod ni Jesus, dahil naniniwala silang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay ang kanilang guro o rabbi (na si Jesus), ay patuloy na nagtitipon sa lungsod ng Jerusalem sa ilalim ng pangunguna ni Santiago, ang kapatid ni Jesus. Ang kanilang intensyon ay hintayin pa rin ang paparating na kaharian at patuloy na bantayan at tuparin ang isang uri ng naliwanagang Judaismo (enlightened Judaism). Ngunit hindi nagtagal ay dumating si Saulo na taga-Tarso, na kanyang pineke ang kanyang pagkahikayat sa pananampalataya para mapasok ang iglesya. Sina Pedro, Santiago, at ang iba pa na personal talagang nakakakilala kay Jesus ay naging mapaghinala kay Saulo, sapagkat inaakala nilang hindi naman talaga niya nakilala, ni nakatagpo man si Jesus.

"Pagkatapos raw, itong si Saulo, na sinimulang tawaging "Pablo" ang kanyang sarili, ay mayroong angking pagka-henyo. Buong husay na kanyang pinagsama ang tradisyonal na mga ideya ng Hebreo, kaalinsabay ang paganong pilosopiya ng mga Griego, at mula roon ay lumikha siya ng isang bagong relihiyon na pwedeng umapela (dahil kaakit-akit) para sa mga Judio at mga Hentil (o mga hindi Hudyo). Nagsimula siyang mangaral na si Jesus ay tunay na Diyos; ipinahayag din niyang ang kamatayan ni Jesus ay tunay na nakaugnay sa sistema ng paghahandog ng mga Hudyo, at sinabi rin niyang 'ang isang tao'y maliligtas sa pamamagitan ng simpleng pananalig,' at ang kautusan raw ni Moises ay hindi na napapanahon.

Sinasabi rin ng mga tagapagtaguyod ng teoryang ito na, "Ang pagiging masigasig ni Pablo sa gawain ng pangangaral at pagmimisyon at maging ang kanyang mapanghikayat na panulat ang nagpakalat o nagpalaganap ng kanyang bagong "Ebanghelyo" sa palibot ng Imperyong Romano." Hindi raw kinilala si Pablo ng iglesya sa Jerusalem, kasama sina Pedro at Santiago, sapagkat isa raw siyang heretiko (bulaang guro) at lider ng isang kulto.

Pagkatapos diumano ng pagkawasak ng Jerusalem noong AD 70, nawalan ng awtoridad ang iglesyang Hudyo, ngunit ang iglesyang Hentil na itinatag ni Pablo ay nadagdagan ang impluwensiya, anupa't lalo itong lumakas. Isa sa mga masigasig na tagasunod ni Pablo ang sumulat ng Aklat ng Mga Gawa, na siyang nagbigay kay Pablo ng "legendary status" bilang masugid na misyonero ng iglesya. Hindi nagtagal, may apat na hindi kilalang manunulat ang nagtipon ng mga piraso ng impormasyon patungkol kay Jesus at sumulat ng mga aklat na tinawag nilang "Mateo," "Markos," "Lukas," at "Juan"—subalit ang teolohiya diumano ni Pablo ay sadyang kalat na at pinangingibabawan ang paniniwala sa iglesya, at ito nga ang nangingibabaw sa perspektibo o pananaw ng mga manunulat ng mga Ebanghelyo. Sa madaling salita, ang relihiyon umano ni Pablo ay nanaig at napangibabawan ang relihiyon ni Jesus.

Samakatuwid, ipinahihiwatig ng nagsusulong ng teoryang ito na, Si Pablo ay isang 'charlatan' (huwad na mensahero ng Diyos), isang ebanghelikong manloloko na nagtagumpay na pilipitin ang mensahe ng pag-ibig ni Jesus, at ang kinalabasan ay isang katuruan na hindi diumano tatanggapin ni Jesus mismo. Si Pablo nga, at hindi si Jesus, ang pinagmulan ng "Kristiyanismo" na mayroon tayo sa ngayon.

Ang mga nanghahawak sa teoryang nabanggit sa itaas ay pangkaraniwang naniniwala rin sa mga sumusunod:

1) Si Jesus ay hindi Diyos (wala siyang pagka-Diyos). Hindi niya inangkin kailanman ang pagiging Diyos, at hindi niya intensyon na magsimula ng isang bagong relihiyon.

2) Ang Bibliya ay hindi isang aklat na kinasihan ng Diyos at tadtad ng mga nagkakasalungatang simbolismo o palaisipan. Maliban kay Santiago, walang anumang nasa Bibliya ang isinulat ng sinumang malapit at nakakakilala kay Jesus. May ilang mga pira-pirasong katuruan ni Jesus sa mga Ebanghelyo, subalit lubhang mahirap na tukuyin kung ano ba talaga ang Kanyang sinabi.

3) Hindi kailanman naging Pariseo si Pablo at hindi mataas ang kanyang pinag-aralan. Ang kanyang "conversion" o pagkahikayat sa Kristiyanismo ay maaaring isang hallucinogenic na karanasan, o di kaya'y isang direktang panloloko. Ang kanyang mga pag-aangkin ng pagiging isang apostol ay pawang pagtatangka na paigtingin ang kanyang awtoridad at palawakin ang kanyang impluwensiya sa iglesya.

4) Ang mga teolohiya na inimbento ni Pablo ay kinabibilangan ng (a) pagka-Diyos ni Jesus; (b) kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya; (k) kaligtasan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus; (d) ang walang-kasalanang-kalikasan ni Jesus; (e) ang konsepto ng orihinal na kasalanan (nina Adan at Eva); at (g) ang tungkol sa Banal na Espiritu. Wala alinman sa mga "bagong doktrinang ito" ang tinanggap ng mga totoong tagasunod ni Jesus.

5) Ang mga Gnostic na Ebanghelyo ay mas malapit sa mga katotohanan patungkol kay Jesus kaysa sa mga tradisyonal na apat na mga Ebanghelyo ng Bibliya.

Ang konsepto ng "Kristiyanismo ni Pablo" ay nagri-representa ng isang lantarang pag-atake sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. Ang mga kumakampi o nanghahawak sa teoryang ito na nagsasabing ang 'Kristiyanismo ni Pablo' ay salungat sa 'itinuturo ni Jesus' at dahil diya'y nag-imbento ng mga paninirang binanggit sa itaas ay tunay ngang minamali nila ang katuruan ni Jesus. Pinili nilang maniwala sa Kanyang mga salita ng pag-ibig subalit itinatanggi ang mga pagtuturo Niya tungkol sa paghatol ng Diyos (gaya ng sa Mateo 24). Ipinipilit din nila ang pagiging tao ni Jesus na walang pagka-Diyos, bagaman malinaw at hayagan ang pagtuturo ni Jesus ng kanyang pagiging kapantay ng Diyos sa ilang mga sitas ng Ebanghelyo (tulad ng Juan 10:30). Ang nais nila'y isang "mapagmahal" na Jesus, at ayaw nilang tanggapin ang pagka-Panginoon at Tagapagligtas niya. Anumang oras na malaman ng isang nagdududa na may mga paniniwala siya na "hindi kasang-ayon sa doktrina ng Bibliya, maaari niyang sabihin, "Ang talatang iyan ay nadungisan— o binago na, hindi na 'yan ang orihinal, kundi naiba na," o kaya naman ay sasabihin niya, "Si Pablo kaya ang sumulat niyan, at alam nating sinungaling si Pablo." Saanma't ang Ebanghelyo ay nagtuturo ng isang doktrina ni Pablo, gaya ng pagtubos ni Jesus para sa kasalanan sa Juan 1:29, agad itong idi-dismiss ng isang taong skeptic bilang isang "pilit na idinagdag o isiningit na katuruan ng mga debotong tagasunod ni Jesus." Sa katunayan, ang tanging basehan ng mga nagdududa para sa ganitong 'selective' na approach sa Kasulatan ay isang personal na pagkiling laban sa ideya ng pambayad-sala ni Jesus.

Magandang pansinin, na matagal ng pinagdudahan ang mga credentials ni Pablo bilang isang apostol kahit sa kanyang sariling panahon ng mga taong nagnais na akayin ang iglesya patungo sa legalismo at iba pang maling ideolohiya. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili mula sa mga pagatake ng mga huwad na tagapagturo sa 1 Corinto 9; gayundin sa 2 Corinto 12; at Galacia 1.

Ang pagiging apostol ni Pablo ay kinukumpirma ng mga himalang ginawa sa pamamagitan niya (Roma 15:19), maging ng pagsasanay na kanyang tinanggap (Galacia 5:15-20), at gayundin ng mga patotoo ng ibang mga apostol. Si Pedro, na malayo sa pagiging kaaway ni Pablo, ay sumulat ng ganito patungkol sa kanya: "Ang ating minamahal na kapatid na Pablo ay sumulat rin sa inyo taglay ang ipinagkaloob na karunungan ng Diyos. Sumulat siya sa gayong paraan sa lahat ng kanyang mga sulat na naisama sa Kasulatan, na nagsasalita tungkol sa mga bagay na ito. Ang kanyang ibang mga sulat ay naglalaman ng ilang mga bagay na mahirap maunawaan, at binibigyan ng maling pakahulugan ng mga mangmang at mga di-maaasahang tao, na gaya ng ginagawa nila sa ibang mga kasulatan, anupa't ipinapahamak nila ang kanilang mga sarili."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanismo ni Pablo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries