Tanong
Ano ang teolohiya ng Lumang Tipan?
Sagot
Ang teolohiya ng Lumang Tipan ay ang pagaaral ng mga kapahayagan ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili sa Lumang Tipan. Tinitipon ng teolohiya ng Lumang Tipan ang iba’t ibang katotohanan na itinuro ng mga manunulat ng mga aklat sa Lumang Tipan tungkol sa Diyos at itinuturo ang mga iyon sa isang organisadong pamamaraan. Nagsimula ang pagpapahayag ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili sa Genesis 1:1: “Sa Pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at lupa.” Ang katuruan tungkol sa pagiral ng Diyos at sa Kanyang paglikha sa lahat ng mga bagay ay tinatanggap ng lahat ng mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya at binibigyang diin sa buong Kasulatan mula sa Aklat ng Genesis hanggang sa Aklat ng Pahayag.
Ang teolohiya ng Lumang Tipan ay isang mayaman at kapaki-pakinabang na pagaaral tungkol sa ipinahayag ng Diyos sa Kanyang sarili, sa Kanyang karakter, mga Katangian at iba pa sa Lumang Tipan. Pangunahing nakatuon ang Lumang Tipan sa relasyon ng Diyos sa mga Hudyo na nagsimula sa pagtawag kay Abraham sa Genesis 12. Pinili Niya ang Israel at nakipagkasundo sa kanila sa layunin na ipaabot ang Kanyang mensahe sa buong mundo at sa huli ay ipadala ang Mesiyas o Tagapagligtas upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang relasyon sa mga Hudyo, pinagpala ng Diyos ang buong mundo (Genesis 12:3). Itinala sa Lumang Tipan ang progresibong kapahayagan ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili, partikular sa Kanyang bayang hinirang ngunit gayundin naman sa mga taong nagmula sa mga Hentil o hindi kabilang sa bayang Israel upang matutunan natin kung sino Siya at kung ano ang Kanyang plano sa sangkatauhan. Sa mismong puso ng Lumang Tipan ay ang pinagtagni-tagning ideya ng mga kasunduan sa pagitan ng Diyos at tao: ang una ay ginawa kay Adan at ang iba ay ginawa kay Noe, Abraham, sa bansang Israel at kay David.
Ang teolohiya ng Lumang Tipan ay pundasyon sa ating pangunawa sa Diyos at sa Kanyang layunin sa mundo. Ang binhi ng doktrina ng pagtubos ni Kristo bilang kahalili ng makasalanan, kaligtasan, pagpili ng Diyos, kabanalan, kahabagan, paghatol, at kapatawaran ay makikita sa Lumang Tipan. Kasama sa pagaaral sa teolohiya ng Lumang Tipan ang pagaaral tungkol sa Diyos Ama, (paterology), tao (anthropology), ang mga mangyayari sa huling araw (eschatology), at iba pang mahahalagang paksa. English
Ano ang teolohiya ng Lumang Tipan?