Tanong
Ano ang teolohiya ng bagong kasunduan?
Sagot
Ang teolohiya ng bagong kasunduan ay maaaring ilarawan bilang isang prinsipyong hermeneutikal, o batayang interpretasyon kung paano ipinapaliwanag ng isang tao ang Banal na Kasulatan. Bilang prinsipyong hermeneutikal, ito ay tumatayo bilang tulay sa pagitan ng teolohiyang dispensasyonal at kasunduan. Hindi naman nangangahulugan na sinasadya nitong ilagay ang kanyang sarili sa gitna ng teolohiyang dispensasyonal at teolohiya ng kasunduan sapagkat mayroon talaga itong pagkakatulad sa dalawang teolohiya. Dahil sa bagay na iyan, hindi natin maaaring ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng teolohiya ng bagong kasunduan nang hindi sumasangguni sa teolohiyang dispensasyonal at teolohiya ng kasunduan.
Para sa teolohiyang dispensasyonal, inilalahad ng Banal na Kasulatan ang serye ng pitong “dispensasyon.” Sa mababaw na paliwanag, ito ay nangangahulugang paraan ng Diyos kung paano niya pinangungunahan ang tao at ang nilikha sa pamamagitan ng kanyang pagkilos. Samakatuwid, ang pamamahala ng Diyos kay Adan ay iba kaysa pamamahala niya kay Abraham, atbp. Pinaniniwalaan ng teolohiyang dispensasyonal na ang kapahayagan ng Diyos ay progresibo o nagpapatuloy. Halimbawa, ang plano ng pagtubos ng Diyos ay unti-unting nahahayag sa bawat dispensasyon. Gayunman, samantalang ang Banal na Kasulatan ay isang progresibong pahayag, ang bawat dispensasyon ay kumakatawan sa bagong paraan kung paano nakikipag ugnayan ang Diyos sa kanyang nilikha. Sa madaling salita, ayon sa teolohiyang dispensasyonal ay mayroong matibay na antas ng paghinto o pagtigil sa pagitan ng mga dispensasyon; kapag natapos na ang lumang dispensasyon ay magsisimula naman ang bago, ang lumang paraan ng pag gawa ng mga bagay bagay sa ilalim ng lumang dispensasyon ay mapapalitan na ng bago at ang bawat bagong dispensasyon ay ipinapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng bagong pahayag.
Ang isang bagay na dapat maalala sa teolohiyang dispensasyonal ay ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng Iglesya. Ayon sa kanila, ang mga ito ay binubuo ng dalawang magkaibang bayan na mayroong magkaibang destinasyon sa plano ng Diyos. Ang iglesya ay isang “panaklong” sa pagitan ng pakikipagugnayan ng Diyos sa bansang Israel. At ang ibinalik na kahariang ipinangako sa Israel ay matutupad sa isanlibong taon. Pero bago iyon, ay ang panahon muna ng Iglesya o panahon ng mga Hentil.
Ang teolohiya ng kasunduan naman ay kabaliktaran ng teolohiyang dispensasyonal. Habang ang dalawa ay magkasundo na ang Banal na Kasulatan ay progresibo, ang kabuuang prinsipyo ng teolohiyang kasunduan ay ang kasunduan. Tinitingnan nito ang dalawang teolohikal na kasunduan sa Bibliya - ang kasunduan ng gawa at kasunduan ng biyaya. Ang kasunduan ng gawa ay ipinakita sa Hardin sa pagitan ng Diyos at ng tao kung saan ipinangako ng Diyos sa tao ang buhay kalakip ng pagsunod at hatol o parusa naman kapag pagsuway. Ang kasunduan sa gawa ay muling ipinakilala sa bundok ng Sinai ng ipangako ng Diyos sa mga Israelita ang mahabang buhay at pagpapala o kasaganaan sa kanilang lupain sa isang kundisyon na susundin nila ang mga kautusan ni Moises, ngunit pagkatiwalag naman at at parusa kapag sila ay sumuway. Ang kasunduan ng biyaya ay pinatupad matapos magkasala ang tao at kinakatawan nito ang walang kundisyong tipan ng Diyos upang tubusin ang mga tao at iligtas ang mga pinili. Ang lahat ng mga biblikal na kasunduan (kay Noe, Abraham, Moises, David, at ang bago) ay bunga ng kasunduan ng biyaya habang sinasakatuparan ng Diyos ang kanyang planong pagtubos sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kaya't kung paghinto sa pagitan ng bawat dispensasyon ang nakikita ng teolohiyang dispensasyonal (partikular sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan), para sa teolohiyang kasunduan naman ay nagpapatuloy ang mga ito.
Ito ay maliwanag dahil sa katotohanan na ang teolohiyang kasunduan ay walang nakikitang pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng Iglesya. Ang dalawang entidad na ito ay pareho nilang nakikita bilang tuluy-tuloy na bayan ng Diyos na may iisang destinasyon.
Ang lahat ng iyan ay nagsisilbing tanawin upang makita ang teolohiya ng bagong kasunduan. Kagaya ng una ng nabanggit, ang teolohiya ng bagong kasunduan ay nasa gitna ng dalawa. May mga pagkakatulad ito sa sinaunang teolohiya ng kasunduan, partikular, sa pagpapatuloy sa pagitan ng Israel at ng Iglesya bilang isang bayan ng Diyos. Gayunman, ito ay naiiba sa teolohiya ng kasunduan sa kadahilanang hindi nito tinitingnan ang Banal na Kasulatan bilang kapahayagan ng pagtubos batay sa balangkas ng kasunduan ng gawa at kasunduan ng biyaya. Sa halip, nakikita nito ang Banal na Kasulatan bilang disenyo ng pangako at katuparan nito.
Gayunman, makikita natin na ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng teolohiya ng kasunduan at teolohiya ng bagong kasunduan ay ang kanilang pananaw sa kautusan ni Moises. Tinitingnan ng teolohiya ng kasunduan ang kautusan ni Moises ayon sa tatlong paraan: ang sibil, seremonyal, at moral. Ang aspetong sibil ng kautusan ay ang kautusan sa kasunduan sa Sinai na siyang gumagabay sa teokratikong bayan ng Israel. Ang aspetong seremonyal naman ng kautusan ang gabay nila sa pagsamba sa Diyos. Ang aspetong moral ng kautusan ang pamantayan ng asal at pag uugali ng bayan ng Diyos. Dahil dito, kailangang maunawaan na ang kautusan ay isang magkakaugnay na kabuuan at hindi minamarkahan ng mga Judio ang pagitan ng sibil, seremonyal, at moral; Ang mga ito ay kataga lamang upang makita ang tatlong aspeto ng buhay ng mga Israelita na ginagabayan ng kautusan ni Moises.
Ayon sa sinaunang teolohiya ng kasunduan, dumating si Jesus upang tuparin ang kautusan (Mateo 5:17). Ginawa nga niya ito sa pamamagitan ng ganap na pagtugon sa lahat ng seremonyal, sibil, at moral na aspeto ng kautusan. Si Jesu-Cristo ang katotohanan sa likod ng anino ng Lumang Tipan. Siya rin ang nagbata ng parusa na karapat-dapat para sa ating mga kasalanan, at dahil diyan ay natupad niya ang aspetong sibil ng kautusan. Panghuli, si Cristo ay namuhay ng ganap ayon sa aspetong moral ng kautusan at tinupad niya ang hinihingi ng kautusan para sa pagiging matuwid.
Ang aspetong moral ng kautusan ngayon ay kumakatawan sa diwa ng kasunduan ng gawa. Kaya naman, ito ay nakahihigit sa magagawa ng kautusan ni Moises. Sa madaling salita, palaging hinihingi ng Diyos ang kabanalan sa sangkatauhan kaya't hindi pinawalang bisa ang kasunduan ng gawa dahil sa pagbagsak ng tao sa kasalanan, hindi rin ito napawalang bisa kahit ito ay natupad na ni Cristo. Ang aspetong moral ng kautusan ay nananatiling pamantayang moral ng sangkatauhan sapagkat ito ang larawan ng katangian ng Diyos at iyan ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang kautusan ni Moises (lalo na ang sampung utos) ay tinitingnan pa rin ng teolohiya ng kasunduan bilang utos para sa iglesya, kahit ang mga aspetong seremonyal at sibil ay napawalang bisa na sa pamamagitan ni Cristo.
Sa kabilang banda, ang pagtingin ng teolohiya ng bagong kasunduan sa kautusan ni Moises ay isang buong kautusan na ginanap na ni Cristo (may pagkakatulad sa teolohiya ng kasunduan). Gayunman, dahil ang pagtingin ng teolohiya ng bagong kasunduan sa kautusan ni Moises ay isang kabuuan, ang resulta nito ay ang parehong pagtingin nila na ang aspetong moral ng kautusan ni Moises ay ginanap na rin ni Cristo at hindi na ito maaaring ilapat sa mga Kristiyano. Ayon sa kanila, tayo ay saklaw na ng kautusan o batas ni Cristo sa halip na nasa ilalim pa rin ng aspetong moral ng kautusan ni Moises na binubuod ng Sampung Utos (1 Corinto 9:21). Ang kautusan ni Cristo ay ang mga preskripsyon na binabanggit niya sa mga Ebanghelyo (hal. ang Sermon sa Bundok). Sa madaling sabi, naisantabi na ang buong kautusan ni Moises ayon sa teolohiya ng bagong kasunduan; hindi na na ito kailanman maaaring ilapat sa mga Kristiyano. Samakatuwid, habang nakikita ng teolohiya ng kasunduan na may pagpapatuloy sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan tungkol sa bayan ng Diyos at sa paraan ng kaligtasan, ang teolohiya naman ng bagong kasunduan ay naglalagay ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan kapag ang ang pinag usapan ay tungkol sa pagitan ng sinaunang kasunduan kay Moises at ng kasunduang pinamagitan ni Cristo. Ang lumang kasunduan ay wala ng bisa (kabilang na ang aspetong moral ng kautusan ni Moises) at ito'y napalitan na ng bagong kasunduan sa pamamagitan ng kautusan ni Cristo na siyang gabay sa moralidad nito.
English
Ano ang teolohiya ng bagong kasunduan?