settings icon
share icon
Tanong

Ano ang biblikal na teolohiya ng gawa?

Sagot


Ang tao ay nilalang ng Diyos upang gumawa. Ang unang turo na ibinigay niya kay Adan ay gumawa at pamahalaan ang Hardin ng Eden (Genesis 2:15). Ngunit sa kasamaang palad, habang lumilipas ang maraming siglo ay nagkaroon ng negatibong pakahulugan ang katagang gawa. Kadalasan, ang nagiging kaisipan natin sa gawa ay hindi magandang trabaho na sapilitang pinapagawa sa atin. Subalit, ang totoo,kapag sinabing gawa, ito ay simpleng gawain na magkasangkot ang parehong mental at pisikal na aspeto upang makamit ang ninanais na resulta. Ang pagsubo ng kutsara sa bibig ng isang tao ay isang uri ng gawa. Ang paglikha ng kanta o tula upang ihayag ang nasa puso ay isang gawa sapagkat iyan ay isang aktibidad na isinasagawa upang makamit ang resulta. Sa kulturang kanluranin, ang salitang gawa ay karaniwan nang may kaugnayan sa propesyon o pinagkukunan ng kabuhayan ng isang tao. Kagaya halimbawa ng sinasabi na “siya ay umalis upang gumawa,” na nangangahulugang “siya ay magtatrabaho sa buong araw upang gawin lahat ng nakaatang na gawain sa kanya.”

Ibinigay na sa tao ang gawa bago pa man pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, ibig sabihin, ito ay bahagi ng perpektong paglikha ng Diyos. Ngunit dapat nating maunawaan na ang gawa ay hindi bunga ng pagbagsak ng tao sa kasalanan; bagkus ang kasalanan ang naging sanhi upang maging mahirap ang gawa o pagtatrabaho (Genesis 3:17-19). Ang pangangalaga sa Eden ay isa sanang masaya at makabuluhang gawain para kay Adan. Marahil ay higit sanang inibig ni Adan ang pangangalaga sa Hardin ng Eden at nakita niya na ito'y makabuluhan. Sapagkat nilalang ng Diyos ang tao upang masiyahan sa paggawa at masiyahan din naman ang Diyos habang siya ay pinagmamasdan, katulad ng isang magulang na natutuwang manood sa kanyang anak na nakakatuklas ng bagong kakayahan o nakakalikha ng sining.

Ang gawa ay tumutulong sa tao para sa isang layunin. Hindi katulad ng hayop, na kumikilos lamang ayon sa kanilang likas na pakiramdam, ang tao ay kumikilos at gumagawa batay sa kanilang mataas na kaisipan o kapasyahan. Bilang karagdagan sa pangangailangan ng ating katawan upang mabuhay, tayo bilang tao ay naghahanap ng kahulugan sa ating buhay. Kailangan natin ng dahilan upang bumangon sa umaga. Nais nating malaman kung bakit tayo naririto at kung ang buhay ba ay may layunin. kaya't ang gawa ay dinisenyo bilang bahagyang katugunan sa mga pangangailangang iyon.

Ang gawa ang paraan kung paano natin matutugunan ang ating mga pangangailangan at paraan din ito upang matulungan ang ibang walang kakayahang gumawa o (Efeso 4:28). Ngunit ang katamaran at ang kinagawiang pag iwas sa gawa, ay parurusahan ayon sa Banal na Kasulatan (Kawikaan 13:4; 21:25). Kaya't kinakailangan nating tanggapin ang gawang ibinigay sa atin ng Diyos at magpasalamat tayo dahil binigyan niya tayo ng kakayahan upang matustusan ang ating sarili at ating pamilya. Sinasabi sa Colosas 3:23 na, “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ng buong-puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao.” Iniutos ng Diyos ang pagbibigay ng ikapu sa Lumang Tipan bilang paalala sa mga tao na Siya ang nagbibigay ng pagpapala sa kanilang mga gawa (Levitico 27:30; Mga Bilang 18:28-29).

Makikita rin natin sa Bagong Tipan na hinahatulan ng sinaunang iglesya ang mga taong hindi kumakalinga at hindi tumutugon sa pangangailangan ng kanyang pamilya (1 Timoteo 5:8). Inutusan din sila ni Pablo na huwag pakainin ang ayaw maghanapbuhay (2 Tesalonica 3:10). Ipinaalala niya sa iglesya na kahit may karapatan siyang tumanggap ng upa mula sa kanyang ministeryo ay nagtrabaho pa rin siya bilang taga gawa ng tolda upang may pangtustos sa kanyang sariling pangangailangan (Gawa 18:3; 20:34; 1 Tesalonica 2:9). Si Jesus man ay gumawa at nagtrabaho rin kahit na katanggap-tanggap na bilang Anak ng Diyos ay manatili na lamang Siya sa templo at gugulin ang buong buhay niya sa pagtalakay at pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Sa unang tatlumpung taon ng kanyang buhay ay tumulong siya kay Jose na kanyang ama sa laman bilang isang karpintero (Marcos 6:3; Lucas 2:51-52).

Ang biblikal na teolohiya ng gawa ay nangangahulugang dinisenyo ng Diyos ang trabaho bilang hanapbuhay ng tao dito sa sanlibutan. Ito ay kanyang paraan upang tayo ay mabuhay at tuklasin ang tungkol sa daigdig na ito na nilikha ng Diyos. Tayo ay nilikha ng Diyos ayon sa kanyang wangis (Genesis 1:27), at sa kanyang mga gawa (Awit 19:1; Juan 5:19). Malikhain ang kanyang pagkakagawa, ito'y may layunin at ito'y ganap; kasiya-siya para sa Kanya at kapaki-pakinabang naman para sa atin (Awit 94:4). Pagdating ng araw, doon sa bagong langit at bagong daigdig, ang gawa ay manunumbalik sa dati nitong kalagayan bago magkasala ang tao-Ito ay isa kaganapan para sa atin at pagpapala sa lahat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang biblikal na teolohiya ng gawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries