Tanong
Ano ang teolohiya ng krus?
Sagot
Ang teolohiya ng krus, o theologia crusis, ay terminong nilikha ng teologong Aleman na si Martin Luther upang tukuyin ang paniniwala na tanging ang krus ang pinagmumulan ng kaalaman kung sino ang Diyos at kung paano Siya nagliligtas. Itinuturo nito na ang isang taong makasalanan ay sa krus lamang makakasumpong ng pangunawang bunga ng pananahan ng Espiritu Santo dahil sa pagbabagong loob (1 Corinto 12:13; Roma 8:9; Efeso 1:13-14). Ang teolohiya ng krus ay kabaliktaran naman ng teolohiya ng kaluwalhatian, o theologia gloriae, na nakatuon sa kakayahan at katuwiran ng tao. Unang ginamit ni Martin Luther ang terminong theologia crusis sa diskusyon sa Heidelberg noong 1518, kung saan ipinagtanggol niya ang doktrina ng Repormasyon tungkol sa kasamaan ng tao at ang pagkaalipin ng isip nito sa kasalanan.
Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng teolohiya ng krus at teolohiya ng kaluwalhatian ay ang kakayahan at kawalang-kakayahan ng tao upang siya ay maging matuwid sa harap ng Diyos. Nakikita ng mga teologo ng krus na hindi maaaring pamalian ang katotohanan sa Bibliya tungkol sa kawalan ng kakayahan ng tao upang maging matuwid, ang kawalang kakayahan ng tao na dagdagan ang pagiging matuwid na ginanap ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo doon sa krus ng kalbaryo, at ang tanging maaaring panggalingan ng ating pagiging matuwid na hindi mula sa ating sarili. Buong pusong sumasang-ayon ang mga teologo ng krus sa pagsusuri ni Apostol Pablo sa kalagayan ng tao: Ayon sa kanya, ”Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman” (Roma 7:18). Hindi tinatanggap ng mga teologo ng krus ang ideya na maaaring maging matuwid ang isang tao sa pagsunod sa kautusan, dahil ang kaligtasan at kabanalan ay sa pamamagitan lamang ng biyaya matatamo (Roma 3:20; Efeso 2:8-9).
Sa kabilang banda, nakikita ng mga teologo ng kaluwalhatian na mayroong kabutihan sa tao at nasa kanila ang kakayahang gumawa ng mabuti. Naniniwala sila na kahit nagkasala ang tao ay mayroon pa rin siyang natitirang kakayahan upang piliin ang mabuti kaysa masama. At ang higit na mahalaga, pinaninindigan ng mga teologo ng kaluwalhatian na hindi maliligtas ang tao kung hindi siya makiki bahagi at tutulong sa gawain ng pagiging matuwid na ibinigay ng Diyos. Ito ang matagal nang pinagtatalunang isyu tungkol sa gawa laban sa pananampalataya na ang ugat ay ang maling pagkakaunawa sa mga talata sa sulat ni Santiago. Ayon sa kanila, ang Santiago 2:17-18 ay nangangahulugang ang tao ay mapapawalang-sala sa pamamagitan ng gawa, samantalang ang ibig sabihin ni Santiago sa mga talatang iyan ay iyong mga pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa ginawa ni Cristo sa krus ay kailangang magbunga ng mabubuting gawa bilang katibayan ng tunay na pagbabagong-loob, kaya't hindi ito nangangahulugang nagkakaroon ng pagbabagong-loob sa pamamagitan ng gawa.
Dapat din nating tandaan na ang teolohiya ng krus ay hindi isang sentimental na kaisipan na si Jesus ay lalong nagiging kaakit-akit sa atin dahil nauunawaan niya ang ating mga pagsubok at kapighatian. Bagaman tiyak ngang nauunawaan at naranasan ni Jesus ang ating mga pagdurusa, hindi ito nangangahulugan na mas nagiging marangal tayo, sapagkat ang ating mga pagdurusa ay bunga ng pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan, samantalang ang pagdurusa ni Jesus ay katulad sa isang inosenteng kordero na pinatay para sa kasalanan ng iba, at hindi sa kanyang sarili. Hindi rin pwedeng sabihin na ang teolohiya ng krus ay pagkakahalintulad ng ating pagdurusa at pagdurusa ni Cristo. sapagkat hindi maaaring ihambing sa pagdurusang pinagdaanan ni Jesus ang mga nararanasan nating pagsubok o pagdurusa. Sa huli, si Jesus ay nagdusa at namatay sapagkat walang sinuman ang nakaunawa sa kanya. Sumisigaw ang mga tao na, “Ipako Siya sa krus!” ipinagkanulo siya ng isa sa kanyang mga alagad, tatlong ulit siyang itinatuwa ng isa pa, tumakas ang iba at iniwan siya ng lahat. Siya ay namatay mag isa, pinabayaan kahit ng Diyos. Kaya naman, ang ating pagtatangka na itulad ang ating mga nararanasan sa kanyang mga naging pagdurusa ay nangangahulugang binabalewala o minamaliit natin ang kanyang naging sakripisyo at itinataas naman natin at pinararangalan ang ating mga pagdurusa sa antas na hindi kailanman naging intensyon ng teolohiya ng krus na nilikha ni Luther.
English
Ano ang teolohiya ng krus?