settings icon
share icon
Tanong

Ano ang teolohiya ng pagpalit (replacement theology)?

Sagot


Itinuturo ng teolohiya ng pagpalit (replacement theology) na pinalitan ng iglesya ang Israel sa Kanyang plano. Ang mga nanghahawak sa katuruang ito ay naniniwala na ang mga Hudyo ay hindi na ang lahing hinirang ngayon at wala ng partikular na plano ang Diyos para sa kanila sa hinaharap. Ang magkakaibang pananaw sa relasyon sa pagitan ng iglesya at Israel ay maaaring hatiin sa dalawang pangkat: Ang iglesya ang pagpapatuloy ng Israel (replacement covenant theology) o ang iglesya ay naiiba at hindi katulad ng Israel (dispensational/premillenialism).

Itinuturo ng teolohiya ng paghalili o replacement theology na ang iglesya na ang kapalit ng Israel at ang mga pangako ng Diyos para sa Israel ay natupad sa iglesyang Kristiyano hindi sa Israel. Kaya ang mga propesiya o hula tungkol sa pagpapala at pagpapanumbalik sa Israel sa lupang pangako ay ginagawang espiritwal ang kahulugan at itinuturing na isang alegorya bilang mga pangako ng Diyos ng pagpapala sa iglesya. Malaking problema ang nagagawa ng ganitong pananaw gaya ng patuloy na pagpapanatili ng lahi ng mga Hudyo sa loob ng maraming siglo lalo’t higit ang pagiging bansa muli ng modernong estado ng Israel. Kung ang Israel ay isinumpa ng Diyos at wala ng plano ang Diyos para sa kanila sa hinaharap, paano natin ipaliliwanag ang mahimalang pagliligtas ng Diyos sa mga Hudyo sa loob ng nakaraang 2,000 taon sa kabila ng maraming pagtatangka na puksain sila? Paano natin ipaliliwanag kung bakit at kung paano muling lumitaw ang Israel bilang isang bansa sa ika-20 siglo pagkatapos na maglaho ito sa loob ng 1,900 taon.

Ang pananaw na magkaiba ang Israel at iglesya ay malinaw na itinuturo sa Bagong Tipan. Kung Bibliya ang pagbabatayan, ang iglesya ay kakaiba at bukod sa Israel at ang pagkakaiba ng dalawa ay hindi dapat ikalito at hindi dapat gamitin ang isa laban sa isa. Tinuturuan tayo ng Kasulatan na ang iglesya ay isang bagong grupo na nabuo noong araw ng Pentecostes at magpapatuloy hanggang dalhin ito sa langit sa pagdagit o rapture (Efeso 1:9-11; 1 Tesalonica 4:13-17). Walang relasyon ang iglesya sa mga sumpa at pagpapala sa Israel. Ang mga tipan, pangako at babala sa Israel ay may bisa lamang para sa Israel. Pansamantalang isinantabi ng Diyos ang Israel sa Kanyang programa sa loob ng 2,000 taon ng kanilang pangangalat.

Pagkatapos ng pagdagit (1 Tesalonica 4:13-18), ibabaling ng Diyos sa Israel ang kanyang atensyon. Ang unang kaganapan ay ang pitong taon ng paghihirap (Pahayag 6-19). Huhukuman ang mundo dahil sa kanilang pagtanggi kay Kristo, habang ang Israel ay ihahanda sa pamamagitan ng pagsubok at dakilang kapighatian para sa ikalawang pagparito ng Mesiyas. Pagkatapos, paparitong muli si Kristo sa mundo sa katapusan ng pitong taon ng paghihirap at magiging handa ang Israel sa pagtanggap sa Kanya. Ang lahat ng natira sa Israel na nakaligtas sa pitong taon ng paghihirap ay maliligtas at itatatag ng Panginoon ang Kanyang kaharian dito sa lupa at ang Jerusalem ang siyang magiging kabisera. Kasama ni Kristo bilang kanilang hari, ang Israel ang magiging pangunahing bansa at ang mga kinatawan ng lahat ng bansa ay pupunta sa Jerusalem upang parangalan at sambahin ang Hari - ang Panginoong Hesu Kristo. Ang iglesya ay magbabalik kasama ni Kristo at maghaharing kasama Niya sa lupa sa loob ng literal na isanlibong taon (Pahayag 20:1-5).

Ang Luma at Bagong Tipan ay parehong sumusuporta sa pang-unawang premillenial/dispensational na siyang plano ng Diyos para sa Israel. Kaya nga ang pinakamalakas na suporta para sa premillenialism ay matatagpuan ng malinaw sa Pahayag 20:1-7 kung saan binanggit ng 6 na beses na ang kaharian ni Kristo ay magtatagal sa loob ng isanlibong taon. Pagkatapos ng dakilang kapighatian o pitong taon ng paghihirap, babalik si Kristo upang itatag ang kanyang Kaharian sa bansang Israel at maghahari Siya sa lahat ng bansa sa mundo at ang Israel ang magiging pangunahin sa lahat ng mga bansa. Ang iglesya ay kasamang maghahari ni Kristo sa literal na isanlibong taon. Hindi pinalitan ng iglesya ang Israel sa plano ng Diyos. Habang pangunahing pinagtutuunan ng Diyos ng atensyon ang iglesya sa panahong ito ng biyaya, hindi kinalimutan ng Diyos ang Israel at ang Kanyang itinalagang papel para sa kanila bilang Kanyang bayang hinirang (Roma 11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang teolohiya ng pagpalit (replacement theology)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries