Tanong
Ano ang teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology)?
Sagot
Sa isang simpleng kahulugan, ang teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology) ay isang kilusan na nagtatangkang ipaliwanag ang Banal na Kasulatan sa lente ng kalagayan ng mahihirap. Ayon sa teolohiya ng pagpapalaya, dapat na gawin ng mga tunay na tagasunod ni Kristo ang lahat ng kanilang makakaya upang magkaroon ng makatarungang sosyedad, pagbabago sa pulitika at ibilang ang kanilang sarili sa hanay ng mga uring manggagawa. Si Hesus, na naging kabilang rin sa hanay ng mahihirap, ay ginugol ang Kanyang buhay para sa mga maralita at mga naaapi sa lipunan kaya’t ang isang lehitimong Iglesya ng Diyos ay magbibigay din ng atensyon sa mga pinagkakaitan ng karapatang pantao at sa mga hindi pinapansin sa lipunan. Ang lahat ng doktrina ng iglesya ay nararapat na inuunawa sa perspektibo ng mahihirap. Ang pagtatanggol sa karapatang pantao ng mahihirap ang nakikitang sentrong aspeto ng Ebanghelyo.
Ito ang isang halimbawa kung paano inuunawa ng teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology) ang Kasulatan sa lente ng mahihirap at nangangailangan: sa Lukas 1:52–53, pinuri ni Maria ang Panginoon at sinabi, “Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.” Ayon sa teolohiya ng pagpapalaya, ipinahahayag ni Maria ang kanyang kagalakan dahil pinalaya ng Diyos ang mga mahihirap sa materyal na bagay at pinakain ang mga nagugutom sa espiritwal habang ibinagsak naman ang mga mayayaman sa materyal na bagay. Siya ay isang Diyos, sa ibang salita, na pinapaboran ang mga nangangailangan ng higit kaysa sa mga mayayaman.
Ang teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology) ay nag-ugat sa Romano Katolisismo ng Latin Amerika. Ang pagsikat nito ay isang tugon sa malawakang pagmamaltrato sa malaking pangkat sa sosyedad ng Latin America. Ang isang maimpluwensyang aklat na may pamagat na “A Theology of Liberation” (1971) na ipinakalat ang konseptong ito ng teolohiya ng pagpapalaya ay isinulat ni Fr. Gustavo Gutiérrez.
Ang mga nagtataguyod at nagpapalaganap ng teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology) ay umaapela sa mga propeta ng Lumang Tipan para sa suporta. Halimbawa, nagbabala si Propeta Malakias sa Malakias 3:5 na darating ang hatol ng Diyos sa mga nagmamalupit sa mga manggagawa: “Sinasabi ni Yahweh, "Ako'y biglang darating upang hatulan ang mga salamangkero…., ang mga naninikil sa kanilang mga manggagawa, ang mga nandadaya sa mga babaing balo, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga walang pitagan sa akin" (tingnan din ang Isaias 58:6–7; Jeremias 7:6; Zacarias 7:10). Gayundin, ang mga pananalita ni Hesus sa Lukas 4:18 ay nagpapakita ng pagkahabag sa mga sinisiil: "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil” (Isaias 61:1).
Ginagamit din ng mga teologo ng paniniwalang ito ang mga pananalita ni Hesus sa Mateo 10:34 upang palaganapin ang ideya na dapat na makilahok ang Iglesya sa aktibismo: "Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan.” Ayon sa teolohiyang ito, itinutulak ni Hesus ang kaguluhan sa sosyedad sa halip na ang pagkakaisa.
Inihahanay ng mga kritiko ang teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology) sa kumunismo at itinuturing ito na isang uri ng relihiyon ng mga bigong polisiya ng sosyalismo. Binatikos ang teolohiyang ito ng mga opisyal ng Vatican, kasama ng ilang mga Papa. Ang dahilan sa oposisyon ng Romano Katolisismo ay ang pagbibigay diin nito sa praktikal na pamumuhay sa halip na sa mga doktrina at sa pagtanggi nito sa istruktura ng herarkiya ng Simbahang Katoliko – sa halip isinusulong ng teolohiyang ito ang mga ‘himpilang komunidad’ na nagtitipon na labas sa apat na sulok ng simbahan, at sa gayon ay binabalewala ang mga lider ng Simbahang Katoliko.
Kumalat ang kilusang ito sa labas ng mga mahihirap na magsasaka sa Hilaga at Sentral Amerika. Naging lugar rin ng teolohiyang ito ang Haiti at South Africa. Sa Estados Unidos, ang teolohiyang ito ay ipinangangaral sa mga iglesya ng mga negro gaya ng Trinity United Church of Christ ni Jeremiah Wright. Isang sangay ng kilusang ito ng teolohiya ang teolohiya ng pagpapalaya para sa mga kababaihan, na nakikita ang mga babae na mga sinisisil na miyembro ng sosyedad na dapat mapalaya.
Totoong itinuturo ng Bibliya na dapat na kalingain ng mga tagasunod ni Kristo ang mga mahihirap (Galacia 2:10; Santiago 2:15–16; 1 Juan 3:17), at dapat tayong magsalita laban sa kawalan ng katarungan. Totoo rin na paulit-ulit tayong binababalaan ng Bibliya laban sa tukso ng kayamanan (Markos 4:19). Gayunman, nagkamali ang teolohiya ng pagpapalaya sa dalawang lugar. Una, inilalagay ng teolohiyang ito ang mga gawaing sosyal (social action) na kapantay ng mensahe ng Ebanghelyo. Gaano man kahalaga ang pagpapakain sa mga nagugutom, hindi nito maaaring tapatan o palitan ang kahalagahan ng mensahe ng Ebanghelyo (tingnan ang Aklat ng mga Gawa 3:6). Ang pangunahing pangangailangan ng sangkatauhan ay espiritwal, hindi sosyal. Gayundin, ang Ebanghelyo ay para sa lahat ng tao, kasama ang mayayaman (Lukas 2:10). Kabilang sa mga panauhin ng sanggol na Kristo ang mga pastol at ang mayayamang pantas. Parehong tinanggap ni Kristo ang dalawang grupong ito. Ang bigyan ng espesyal na lugar ang alinmang grupo na natatangi para sa Diyos ay maituturing na isang diskriminasyon, isang bagay na hindi kailanman gagawin ng Diyos (Gawa 10:34-35). Nagdadala si Kristo ng pagkakaisa sa Iglesya, hindi ng pagkakabaha-bahagi sa linya ng sosyedad, ekonomiya, lahi, o kasarian (Efeso 4:15).
Ano ang teolohiya ng pagpapalaya (liberation theology)?