settings icon
share icon
Tanong

Ano ang teolohiya ng repormasyon (reformed theology)?

Sagot


Sa isang malawak na paglalarawan, ang Reformed Theology o teolohiya ng repormasyon ay ang anumang sistema ng pananampalataya na nagmula sa repormasyon ng mga Protestante noong ika-labing anim (16) na siglo. Sa katotohanan, tinutunton ng mga repormista ang kanilang doktrina pabalik sa Kasulatan gaya ng ipinapahiwatig ng kanilang kredo na sola scriptura (o Bibliya lamang), kaya nga ang Reformed Theology ay hindi isang ‘bagong paniniwala’ kundi isang paniniwala na naglalayon na ipagpatuloy ang katuruan ng mga apostol.

Sa pangkalahatan, ang Reformed Theology ay nanghahawak sa awtoridad ng Kasulatan, sa soberenya o walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, sa kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ni Hesu Kristo at sa pangangailangan ng ebanghelismo. Karaniwan itong tinatawag na teolohiya ng Tipan na dumating sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Lukas 22:20).

Ang awtoridad ng Kasulatan. Itinuturo ng Reformed theology na ang Bibliya ang kinasihan at ang mapagtitiwalaang Salita ng Diyos, sapat sa lahat ng mga usapin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay Kristiyano.

Walang hanggang kapamahalaan ng Diyos. Itinuturo ng reformed theology na ang Diyos ang naghahari at may ganap na kapamahalaan sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Kanyang itinalaga ang lahat ng mangyayari sa hinaharap at kailanman ay hindi Siya nabigo sa kanyang mga plano. Ang kapamahalaan ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng kalooban ng nilikha o nangangahulugan na ang Diyos ang may akda ng kasalanan.

Kaligtasan sa biyaya. Itinuturo ng Reformed theology na pumili ang Diyos ng mga maliligtas upang tubusin at iligtas mula sa kasalanan at kamatayang walang hanggan dahil sa Kanyang habag at biyaya. Ang doktrina ng kaligtasan ng reformed theology ay karaniwang ipinaliliwanag sa pamamagitan ng akrostik na TULIP (kilala rin sa tawag na limang (5) puntos ng Calvinismo).

T - otal depravity (ganap na pagkamakasalanan ng tao). Ang tao ay ganap na walang kakayahan dahil sa kanyang makasalanang kalagayan, siya ay nasa ilalim ng sumpa ng Diyos at hindi siya makakapagbigay kasiyahan at makagagawa ng anumang gawang katanggap-tanggap sa Diyos. Nangangahulugan din ang katuruang ito na normal na hindi hinahanap ng tao ang Diyos, hanggang ang Diyos sa Kanyang biyaya ang magbigay sa kanya ng pagnanais na gawin iyon (Genesis 6:5; Jeremias 17:9; Roma 3:10-18).

U - nconditional election (walang kundisyong pagpili). Ang Diyos mula sa walang hanggang nakalipas ay pumili na magligtas ng maraming makasalanan na walang sinuman ang makabibilang (Roma 8:29-30; 9:11; Efeso 1:4-6, 11-12).

L - imited atonement (limitadong pagtubos) tinatawag ding "particular redemption" (partikular na pagtubos). Pinagdusahan ni Hesus ang parusa sa kasalanan ng mga hinirang sa Kanyang sarili at dahil dito ay binayaran Niya ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Sa ibang salita, hindi lamang Niya ginawang posible ang kaligtasan, kundi Kanya itong tinapos at ipinagkaloob sa Kanyang mga hinirang (Mateo 1:21; Juan 10:11; 17:9; Mga Gawa 20:28; Roma 8:32; Efeso 5:25).

I - rresistible grace (hindi matatanggihang biyaya). Sa kanyang makasalanang kalagayan, tinatanggihan ng tao ang pag-ibig ng Diyos ngunit ang biyaya ng Diyos ay gumagawa sa puso ng tao at binibigyan sila ng paghahangad na gustuhin ang kanilang dating tinatanggihan. Hindi mabibigo ang Diyos sa pagtawag Niya sa mga hinirang sa pamamagitan ng Kanyang biyaya upang maganap sa kanila ang Kanyang kalooban (Juan 6:37, 44; 10:16).

P - erseverance of the saints (pagtitiyaga ng mga banal). Iniingatan ng Diyos ang Kanyang mga hinirang laban sa pagtalikod; kaya nga ang kaligtasan ay eternal at hindi mawawala kailanman (Juan 10:27-29; Roma 8:29-30; Efeso1:3-14).

Ang pangangailangan ng Ebanghelismo. Itinuturo ng Reformed theology na dapat na humawa ang mga Kristiyano sa mundo sa pamamagitan ng pag-eebanghelyo at sa kanilang sosyedad sa pamamagitan ng banal na pamumuhay at pagtulong sa mga nangangailangan.

Ang iba pang pagkakakilanlan sa Reformed theology sa pangkalahatan ay ang pagsasagawa ng dalawang ordinansa (bawtismo at kumunyon), ang pananaw na tumigil na ang mga pang-apostol na kaloob (apostolic gifts) gaya ng papo-propesiya, paggawa ng himala at pagsasalita sa ibang wika. Kinikilala ng mga iglesyang Reformed ang mga sinulat nina John Calvin, John Knox, Ulrich Zwingli, at Martin Luther. Ang tinatawag na Westminster Confession ang naglalaman ng mga tradisyon at pinaniniwalan ng mga Reformed. Kabilang sa iglesya sa panahon ngayon na nanghahawak sa Reformed theology ay ang Presbyterian, Congregationalist at ilang iglesyang Baptist.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang teolohiya ng repormasyon (reformed theology)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries