Tanong
Paano nakakaimpluwensya ang mga paniniwala tungkol sa paglikha sa iba pang mga teolohiya?
Sagot
Walang tigil ang debate tungkol sa paglikha at ebolusyon. Kagaya ng dalawang magkalabang panig, napakarami ang naghihiyawan kahit na wala naman talagang nakikinig sa mga ito. Inaakusahan ng bawat grupo ang isa't isa – sinasabi ng mga tagasunod ng ebolusyon na binabalewala ng mga naniniwala sa paglikha ang siyensya. Sa kabilang dako, sinasabi naman ng mga naniniwala sa paglikha na gumagamit ang mga tagasunod ng ebolusyon ng mga mapanlinlang na sabwatan para mapatahimik ang kanilang panig. Kakaunti lamang ang nangyayaring tapat na pag-uusap sa giyera ng mga salitang ito.
Maraming Kristiyano ang nagsasabing hindi pangunahing bagay ang debate tungkol sa paglikha at ebolusyon. Wala daw itong kinalaman sa pagkakaayos ng relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo. Tama rin naman ang kaisipang ito. Masyado tayong nagiging seryoso sa debateng ito at nakakalimutan na natin minsan ang mga pangunahing bagay—ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo. Gayun pa man, kagaya ng ibang hindi pangunahing bagay, may mahalagang kinalaman sa kabuuan ng teolohiya at sa mismong Ebanghelyo ang pananaw natin tungkol sa paglikha.
May iba't-ibang pananaw tungkol sa doktrina ng paglikha sa loob ng Kristiyanismo:
1. Literal na 24x6 na paglikha – Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa loob ng anim na araw na may tig-24 na oras.
2. Pananaw na Araw-Panahon – Naganap ang mga pangyayari sa paglikha kagaya ng nakasaad sa Genesis 1, ngunit imbes na mga “araw” na may 24-oras, simbolo lamang ito ng hindi masukat o walang hangganang sukat ng panahon.
3. Pananaw na Balangkas – Ang mga araw sa Genesis 1 ay kumakatawan sa balangkas ng teolohiya na nagsasalaysay ng pagkalikha ng lahat ng mga bagay.
Sa halos pangkalahatan ng kasaysayan ng Iglesia, hanggang sa huling 150 taon, nangibabaw sa Iglesia ang 24x6 na pananaw sa paglikha. Hindi natin pinaniniwalaan ang isang bagay dahil lamang isa itong tradisyon at bahagi ng kasaysayan, kasama na dito ang 24x6 na pananaw sa paglikha. Naniniwala tayo sa isang doktrina dahil sinusuportahan ito ng Banal na Kasulatan. Sa kasong ito, naniniwala ang maraming konserbatibong teologo na ang pananaw na 24x6 ang may pinakamalakas na suporta mula sa Bibliya. Una, ito ang natural na pananaw na makikita mula sa simpleng pagbasa sa Bibliya. Idagdag pa dito, laging ang 24-oras na araw ang tinutukoy sa Hebreo kapag ang salitang “araw” (Yom) ay sinundan ng bilang (halimbawa, apat na araw) o kumbinasyon ng “umaga at gabi” (kagaya sa Genesis 1). Panghuli, nakabatay ang isang linggo natin sa pitong-araw na gaya ng nakasaad sa kwento ng paglikha (Exodo 20:8-11).
Mula ng dumating ang modernong agham, lalong iniwan ng mga Kristiyano ang pananaw na 24x6. Ang pangunahing rason sa pagtanggi sa pananaw na 24x6 ay ang pagkasaad ng mababang edad ng mundo dito sa sansinukob (nasa pagitan ng 6,000 hanggang 30,000 na taon), at ang sikat na pananaw ng agham na ang sansinukob ay bilyun-bilyong taon na. Ang pananaw naman na Araw-Panahon (tinatawag rin minsan na progresibong paglikha) ay isang pagtatangka na pagsalubungin ang Kwento ng paglikha sa Genesis at ang pananaw tungkol sa matandang edad ng mundo. Tandaan na kinikilala pa rin ng pananaw na Araw-Panahon ang Diyos bilang lumikha sa lahat ng mga bagay at itinatanggi pa rin nito ang ebolusyong Darwinian. Hindi sana maipagpapalit sa “ebolusyong teismo” ang pananaw na tama ang ebolusyong Darwinian ngunit ang Diyos ang pumatnubay dito imbes na ang bulag na pagkakataon. Ang mismong kamay ng Diyos ang gumabay dito. Gayun pa man, habang sinasabi ng mga naniniwala sa pananaw na Araw-Panahon na pinagsasalubong nila ang agham at kwento sa Bibliya, sinasabi naman ng mga katunggali nila na isa itong pagtanggi sa kawastuhan ng Salita ng Diyos.
Dahil nabibilang ang debate sa pagitan ng paglikha at ebolusyon sa mga hindi pangunahing bagay, kaunti lamang o wala itong pakialam sa epektong teolohikal ng pagtanggi sa pananaw na paglikha ayon sa Bibliya (kahit ano pang pananaw ang pipiliin). Sa pangkaraniwang pag-iisip, wala namang pagbabago kung totoo man o hindi ang ebolusyon. Mukhang hindi nauugnay ang doktrina ng paglikha sa ibang mensahe ng Kristiyanismo. Gayun pa man, sa katotohanan, mahalaga ang pananaw ng isang tao tungkol sa paglikha dahil nauugnay ito sa pagkawalang-mali, pagiging tapat, at kapangyarihan ng Banal na Kasulatan. Kapag hindi mapagkakatiwalaan ang unang dalawang kabanata ng Bibliya, bakit pa pagkakatiwalaan ang ibang bahagi nito? Pangkaraniwang iniuukol ng mga kritiko ng Bibliya ang kanilang pansin sa unang labing isang kabanata ng Genesis (lalo na sa kwento ng paglikha). Itatanong natin, bakit? Nasa unang labing isang kabanata ng Genesis ang pundasyon ng lahat ng kwento sa Bibliya. Hindi mo maiintindihan ang mga Kwento sa Banal na Kasulatan kung wala ang Genesis 1-11. Napakaraming mahahalagang bagay sa mga kabanatang ito ang tinutukoy sa ibang bahagi ng Bibliya—halimbawa, ang paglikha, pagkakasala, kasalanan, ang katiyakan ng paghuhukom, ang pangangailangan ng Tagapagligtas, at ang pagpapakilala sa Ebanghelyo. Ang pagtanggi sa mga mahahalagang doktrinang ito ay pagsasabi na walang ibig sabihin at walang pakinabang na libro ang Bibliya.
Ngunit gusto ng mga kritiko ng Bibliya at ng mga naniniwalang mas makapangyarihan ang agham kaysa sa Bibliya na gawin ang mga pangunahing kabanata ng Genesis bilang mga Hebreong alamat imbes na isang luma at makatotohanang kasaysayan. Sa katotohanan, ang mga kwento sa Genesis ay mas malapit sa kasaysayan kaysa sa alamat kung ihahambing ito sa mga kwento ng paglikha ng ibang mga kultura. Karamihan sa mga lumang literatura, ang paglikha ay isang labanan sa pagitan ng mga diyos. Ipinapakita sa karamihan ng mga alamat tungkol dito ang kultura bilang sentro ng mga relihiyon sa sansinukob. Sa kwento ng Genesis, kahit na marami itong pagkakahawig sa ibang kwento ng paglikha, naiiba pa rin ito dahil ipinakikita dito ang Diyos bilang pinakamataas sa lahat (hindi lamang siya isa sa maraming diyos) at ang tao ang pinakamataas sa mga nilikha Niya at ito ang Kanyang tagapangasiwa sa Kanyang mga nilalang. May mga tanong na hindi masagot sa mga kwento sa Genesis, kagaya ng eksaktong petsa ng paglikha, ngunit ang layunin ng kwento sa Genesis ay hindi para magbigay ng kumpletong kwento ng kasaysayan para masiyahan ang mga modernong mananalaysay. Ang Genesis ay paunang kwento ng mga Hudyo habang naghahanda silang pumasok sa Lupang Pangako; kailangan nilang malaman kung sino sila at saan sila nanggaling.
Isa pang bagay na dapat tingnan ay ang pagkakabatay ng karamihan ng teolohiyang Kristiyano sa kwento ng Genesis. Ang konsepto ng pag-aasawa ay direktang nanggaling sa kwento ng paglikha (Genesis 2:24) at tinukoy ito ni Hesus sa tatlong sinoptikong Ebanghelyo. Kinilala mismo ng Panginoon na “sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae” (Mateo 19:4). Para maging makabuluhan, nakasalalay ang mga pagtukoy na ito sa katumpakan ng kwento ng paglikha mula sa Genesis. Pinakamahalaga sa lahat, nakasalalay din ang doktrina natin ng kaligtasan sa doktrina ng paglikha at sa pagkabuhay ng literal na taong si Adan. Dalawang beses na iniugnay ni Pablo sa kanyang mga sulat (Roma 5 at 1 Corinto 15) ang kaligtasan natin kay Cristo sa kaugnayan natin kay Adan. Mababasa natin sa 1 Corinto 15:21-22, “Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo.” Ang buong sangkatauhan ay makasalanan dahil nakaugnay tayo “kay Adan” sa pamamagitan ng pisikal na kapanganakan. Sa parehong paraan, naligtas din ang mga pinili ng Diyos dahil sa pagkakaugnay natin “kay Cristo” sa pamamagitan ng espiritwal na kapanganakan. Mahalaga ang pagkakaiba ng “kay Adan/kay Cristo” para sa tamang pagkaintindi ng Kristiyano sa doktrina ng kaligtasan, at walang kabuluhan ang pagkakaibang ito kung walang literal na Adan na pinanggalingan ng sangkatauhan.
Ito rin ang sinasabi ni Pablo sa Roma 5:12-21. Pero natatangi ang talatang ito dahil sa direktang pagbanggit niya na, “Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala” (Roma 5:12). Mahalaga ang talatang ito sa argumento para sa ganap na kasamaan, at kagaya ng talata sa 1 Corinto, nakasalalay din ito sa pagkabuhay ng literal na Adan para maging makabuluhan. Kapag walang literal na Adan, wala ring literal na kasalanan at wala ring pangangailangan para sa literal na Tagapagligtas.
Kahit anong pananaw ang piliin ng isang tao para sa doktrina ng paglikha (pananaw na 24x6, pananaw na Araw-Panahon, o pananaw na balangkas), may isang bagay na maliwanag: Nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. Habang naniniwala tayo na ang pananaw na 24x6 ang may pinakamalakas na argumento ayon sa Bibliya, katanggap-tanggap pa rin naman ang dalawang pananaw sa loob ng tamang Kristiyanong paniniwala. Dapat bigyang diin na hindi itinuturo ng Bibliya (direkta man o hindi) ang pananaw na ebolusyong Darwinian. Kaya ang pagsasabi na hindi mahalaga ang debate tungkol sa paglikha at ebolusyon ay pagpapakita ng mababang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Kung hindi natin mapagkakatiwalaan ang Bibliya tungkol sa paglikha, bakit natin ito pagkakatiwalaan tungkol sa kaligtasan? Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pananaw natin tungkol sa paglikha para sa iba pang sangay ng teolohiya.
English
Paano nakakaimpluwensya ang mga paniniwala tungkol sa paglikha sa iba pang mga teolohiya?