settings icon
share icon
Tanong

Ano ang teolohiya ng pagpapalaya sa mga itim/negro?

Sagot


Ang teolohiya ng pagpapalaya sa mga itim/negro ay nagmula sa teolohiya ng pagpapalaya sa Hilagang Amerika, na nakasentro sa tao ang aplikasyon sa pangkalahatan at tinatangkang ilapat ang teolohiyang Kristiyano sa kalagayan ng mahihirap. Ang teolohiyang ito ay nakatuon sa mga Aprikano sa pangkalahatan at sa mga Aprikanong-Amerikano sa partikular at sa pagpapalaya sa kanila mula sa lahat ng uri ng pang-aalipin at kawalang katarungan, sa aspetong sosyal, sa pulitika, sa ekonomiya at sa relihiyon.

Ang layunin ng teolohiyang ito at “ay gawing totoo ang Kristiyanismo para sa mga itim/negro.” Ang pangunahing kamalian sa teolohiyang ito ay ang pinagtutuunan nito ng pansin. Tinatangka ng teolohiyang ito na ituon ang pansin ng Kristiyanismo sa pagpapalaya sa tao mula sa kawalang katarungan sa nakaraan at sa kasalukuyan sa halip na sa kabilang buhay sa hinaharap. Itinuro ni Hesus ang eksaktong kasalungat ng teolohiyang ito: “Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian” (Juan 18:36). Pinagmalupitan at minaltrato ba ang mga negro lalo na ang mga aprikanong amerikano sa kasaysayan? Oo! Ang isa ba sa mga resulta ng Ebanghelyo ay ang pagtuldok sa rasismo, diskriminasyon, pagkiling at kawalan ng katarungan? Muli Oo, dapat lamang (Galacia 3:28)! Ang pagpapalaya ba sa kawalan ng hustisya sa lupa ang dapat na maging pangunahing prinsipyo ng Ebanghelyo? Hindi.

Ito ang mensahe ng Ebanghelyo: Lahat tayo ay nagkasala (Roma 3:23). Tayong lahat ay nararapat lamang na mahiwalay sa Diyos ng walang hanggan (Roma 6:23). Namatay si Hesus sa Krus at pinagdusahan ang kaparusahan na nararapat para sa atin (1 Corinto 5:21; 1 Juan 2:2), upang sa gayon ay maipagkaloob ang ating kaligtasan. Pagkatapos, nabuhay siyang muli upang ipakita na tunay na ang Kanyang kamatayan ay sapat na pambayad para sa kaparusahan ng ating mga kasalanan (1 Corinto 15:1-4). Kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala kay Hesus bilang ating Tagapagligtas, patatawarin Niya ang lahat nating mga kasalanan at pagkakalooban Niya tayo ng buhay na walang hanggan sa langit (Juan 3:16). Ito ang Ebanghelyo. Hindi ang pagpapalaya mula sa pangaalipin sa lupa ang dapat nating pagtuunan ng pansin. Hindi ito ang tunay na lunas sa kabulukan ng sangkatauhan.

Kung tinanggap ng isang tao si Kristo bilang Tagapagligtas, siya ay isa ng bagong nilalang (2 Corinto 5:17), at ang Banal na Espiritu na nananahan sa Kanya ang magpapasimulang baguhin siya upang maging kawangis ni Kristo (Roma 12:1-2). Sa pamamagitan lamang ng espiritwal na pagbabagong ito tunay na mapagtatagumpayan ang rasismo. Nabigo ang teolohiya ng pagpapalaya dahil inaatake nito ang mga sintomas ngunit hindi talaga ginagamot ang tunay na sakit. Ang kasalanan ang sakit; ang rasismo ay isa lamang sa maraming mga sintomas. Ang mensahe ng Ebanghelyo ay ang pagtubos sa atin ni Kristo mula sa ating mga kasalanan at ang kaligtasan ay makakamtan sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang wakas ng rasismo ay resulta lamang ng tunay na pagtanggap kay Kristo bilang Tagapaglitas ngunit hindi binigyang pansin ang rasismo sa mismong mensahe ng Ebanghelyo.

Dahil sa labis na pagbibigay diin sa isyu ng lahi, ang isang negatibong resulta ng teolohiyang ito ay ang paghihiwalay sa pagitan ng mga itim at puting komunidad ng mga Iglesya at ito ay hindi naaayon sa Bibliya. Nagtungo si Hesus sa lupa upang pagisahin ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya sa isang tinatawag na pangkalahatang Iglesya, ang Kanyang katawan, kung saan Siya ang ulo (Efeso 1:22-23). Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay may iisang layunin kasama ng ibang Kristiyano anuman ang kanilang pinanggalingang lahi, kulay o bansa, “upang hindi magkaroon ng inggitan at sa halip, ang lahat ay magmalasakitan” (1 Corinto 12:25). Dapat na maging isa ang ating pagiisip, taglay ang isipan ni Kristo at may iisang layunin, ang luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ni Kristo na “humayo sa buong mundo,” at ipahayag ang tungkol sa Kanya at ipangaral ang Mabuting Balita ng Ebanghelyo at turuan ang iba na sumunod sa Kanyang mga ipinaguutos (Mateo 28:19-20). Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang dalawa sa Kanyang dakilang utos na ibigin ang Diyos ng higit sa lahat at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, anuman ang kanilang kulay, anyo o lahi (Mateo 22:36-40).



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang teolohiya ng pagpapalaya sa mga itim/negro?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries