Tanong
Ano ang teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon?
Sagot
Bagama't sinulat ni Moises ang aklat ng Genesis humigit-kumulang 3,400 taon na ang nakalilipas, sa nakalipas lamang na dalawang siglo nagumpisa ang mga seryosong debate patungkol sa kalikasan at sa panahon ng paglikha. Dahil dito, mayroon ngayong ilang teorya kaugnay ng kuwento ng paglikha at isa sa mga ito ay ang tinatawag na teorya ng "araw-mahabang yugto ng panahon." Sa madaling salita ang teoryang ito ay ang paniniwala na ang mga "araw" na binanggit sa unang kabanata ng Genesis ay magkakasunod na mahabang yugto ng panahon at hindi literal na isang araw na may dalawampu't apat na oras. Kaya nga, ang bawat araw ay kumakatawan sa isang mas mahaba ngunit hindi tiyak na yugto ng panahon na maaaring milyong taon o mas mahaba pa. Sa Esensya, ito ay isang pagtatangka na pagkasunduin ang Kasulatan at ang makadiyos na pananaw sa ebolusyon, o ang konsepto ng isang "matandang mundo"(old age theory).
Hindi kailanman napabulaanan ng siyensya ang kahit isang salita sa Bibliya. Ang Bibliya ang pinakamataas na pamantayan ng katotohanan at dapat na ito ang pamantayan upang suriin ang mga teorya ng siyensya. Sa ilang mga pagkakataon, ang layunin ng mga alternatibong teorya ay intensyonal na alisin ang Diyos sa larawan. Hindi naman tinatangka ng teorya ng mahabang yugto ng panahon na alisin ang Diyos sa larawan, sa halip tinatangka nila na pagkasunduin ang tradisyonal na pananaw ng Bibliya sa makabagong saloobin ng mga tao sa siyensya. Ngunit dapat na bantayan at ingatan ang nasabing uri ng pagtalakay sa isyung ito. Ang pinakamalalang resulta ng pagdududa sa katotohanan at inspirasyon ng Banal na Espiritu sa aklat ng Genesis ay nagbubunga sa pagdududa sa bawat bahagi ng Salita ng Diyos na hindi sumasangayon sa ating mga pananaw. Ang lahat ng itinuturo ng Kasulatan patungkol sa kasalanan at kamatayan ay nangangailangan ng kawalan ng pagkakamali sa mga unang tatlong kabanata ng aklat ng Genesis. Muli nating balikan ang ilan sa mga argumento ng mga nagsusulong ng teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon.
Ikinakatwiran ng mga tagasuporta ng teoryang ito na ang salitang Hebreong "yom" para sa salitang "araw" ay minsang tumutukoy sa mahabang yugto ng panahon at hindi sa isang literal na araw na may dalawampu't apat na oras. Ang isang talata na malimit nilang ginagamit na pangsuporta sa argumentong ito ay ang 2 Pedro 3:8, "..Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang." Tunay na ipinapalala sa atin ng talatang ito na hindi sakop ng panahon ang Diyos at hindi natin dapat pagdudahan ang katuparan ng mga hula patungkol sa mga mangyayari sa hinaharap ayon sa sinasabi ng Kasulatan (ang konteksto ng talata ay ang muling pagbabalik ng Panginoong Jesu Kristo) dahilan lamang sa napakahabang panahon na ang lumipas para sa atin dahil sa ating limitadong perspektibo. Ayon sa mga katunggali ng mga naniniwala sa teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon, walang kinalaman ang 2 Pedro 3:8 sa haba ng panahon ng paglikha sa Genesis 1.
Inilarawan ang bawat araw sa Genesis 1 na may isang gabi at isang umaga. Tunay na ang dalawang salitang ito—gabi at umaga—ay laging ginagamit sa Lumang Tipan at sa maraming pagkakataon, ang mga ito ay tumutukoy sa normal na araw. Gamit ang katwiran mula sa perspektibo ng wika, sinasabi ng mga katunggali ng teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon na kung ang ibig sabihin ni Moises ay isang mahabang yugto ng panahon, ginamit sana niya ang mas maliwanag na terminolohiya gaya ng olam o qedem sa halip na yom.
Ang isa pang dahilan sa pagpapakahulugan sa hindi literal na araw ay ang katwiran na nilikha lamang ng Diyos ang araw sa ikaapat na araw. Ikinakatwiran nila na paanong magkakaroon ng araw na may dalawampu't apat na oras bago likhain ang araw? Sinasagot ito ng mga hindi naniniwala sa teoryang ito na hindi naman kinakailangan ang araw mismo para magkaroon ng araw at gabi, Ang kinakailangan ay liwanag at paginog ng mundo. Ipinapahiwatig ng mga salitang "gabi" at "umaga" na umiinog ang mundo at kung ang paguusapan ay ang liwanag, ang pinakaunang utos ng Diyos ay "magkaroon ng liwanag" at nagkaroon nga ng liwanag (Genesis 1:3), bago pa likhain ang araw. Ang pinakaunang ginawa ng Manlilikha ay ang pagbubukod sa liwanag at dilim.
Sinasabi din ng mga katunggali ng nga maniniwala sa teoryang ito na sa Pahayag 21:23, makikita na hindi nangangailangan ang Bagong Jerusalem ng araw at buwan, dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagsisilbing liwanag doon. Sa pasimula ng paglikha, ang liwanag ng Diyos ay sapat upang liwanagan ang kalawakan bago likhain ang mga tala pagkatapos ng tatlong araw.
Bilang karagdagan, sa nakararaming interpretasyon ng teorya ng "araw-mahabang yugto ng panahon," mayroon ng pagdurusa, sakit at kamatayan bago ang pagbagsak ng tao sa kasalanan. Malinaw na sinasabi sa Kasulatan na, "Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala" (Roma 5:12). Wala pang kamatayan bago sumuway si Adan sa Diyos sa hardin ng Eden o gaya ng sinasabi ng mga hindi naniniwala sa teorya ng "araw-mahabang yugto ng panahon" na hindi pa nakakaranas ng kamatayan ang tao bago ang pagkakasala ni Adan. Depende sa kung paano iuugnay ang "teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon" sa pinagmulan ng tao, maaari nitong pabulaanan ang doktrina ng pagbagsak ng tao sa kasalanan. Pawawalang bisa din nito ang doktrina ng pagtubos ni Kristo, dahil kung walang pagbagsak sa kasalanan, bakit pa tayo mangangailangan ng isang Manunubos mula sa kasalanan?
English
Ano ang teorya ng araw-mahabang yugto ng panahon?