settings icon
share icon
Tanong

Ano ang documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo?

Sagot


Sa esensya, ang documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo ay isang pagtatangka na alisin ang mga supernatural o mga hindi pangkaraniwan mula sa unang limang aklat ng Lumang Tipan (Pentateuch) at pagtanggi kay Moises bilang manunulat ng mga aklat na ito. Ang tala tungkol sa paghati sa Dagat na Pula, ang pag-ulan ng manna sa ilang, ang paglabas ng tubig mula sa isang bato, at iba pa ay itinuturing na mga sabi-sabi lamang ng tao at produkto lamang ang mga ito ng imahinasyon ng mga nagkuwento sa halip na mga aktwal na pangyayari na itinala ng mga mismong nakasaksi. Tinututulan ng documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo, maging ng teoryang JEDP na si Moises ang sumulat ng Pentateuch at sa halip, sinasabi na ang pinagmulan nito ay ang apat (o higit pa) na iba't ibang may akda / editor sa loob ng daan-daang taon. Ang documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo ay isang pagtatangka ng liberal na teolohiya upang pagdudahan ang katotohanan ng mga pangyayaring itinala sa unang limang aklat ng Lumang Tipan (Pentateuch).

Sinasabi ng mga nagsusulong ng teoryang ito na isinulat ang Pentateuch humigit kumulang 400 BC, may 1,000 taon pagkatapos ng kamatayan ni Moises (na namatay noong humigit kumulang 1400 BC). Sinasabi nila na kahit buong katapatang ipapasa sa iba ang isang tala na may edad na 1,000 taon, tiyak na mababago ang mga tala ng mga orihinal na pangyayari. Dapat alalahanin na isinusulat pa rin ang Pentateuch habang naglalakbay ang mga Israeilta sa ilang dahil sa kanilang paglaban sa Diyos. Kung isusulat sa huli ang tala ng paglalakbay na ito may 1,000 taon pagkatapos itong maganap, magiging daan ito sa pagdududa sa katotohanan ng orihinal na paglalakbay. Sa pagdaan ng mga taon, sinikap ng mga liberal na teologo na pahinain ang katotohanan ng Salita ng Diyos at isa sa mga paraang kanilang ginagamit ay ang paglikha ng pagdududa sa isip ng tao patungkol sa katotohanan at sa pagkakakilanlan sa may akda ng Pentateuch.

Ang katanungan ay kung may basehan ba ang pananaw na ito ng mga liberal na teologo. Kung isinulat ang Pentateuch sa pasimula ng 400 BC pagkatapos ng pagkabihag ng Israel sa Babilonia gaya ng inaangkin ng mga nagsusulong ng documentary hypothesis, lalabas ngayon na hindi nga si Moises ang manunulat. Gayunman, sinabi ni Jesus sa Markos 12:26, "Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, 'Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob?" Malinaw na sinasabi ni Jesus na si Moises ang sumulat ng tala tungkol sa nagliliyab na puno sa Exodo 3. Ang pagsasabi na isinulat ang Pentateuch may 1,000 taon pagkatapos na mamatay si Moises ay pagtanggi sa mga salita ni Jesus dahil tinukoy Niya na ang Exodo ay bahagi ng mga "Aklat ni Moises."

May malakas na ebidensya na si Moises din ang sumulat ng iba pang mga aklat ng Pentateuch na nagpapabulaan sa documentary hypothesis. Sa Gawa 3:22, nagkomento si Pedro tungkol sa Deuteronomio 18:15 at sinabi na si Moises ang manunulat ng talata. Sa Roma 10:5, sinabi ni Pablo, "Ganito ang isinulat ni Moises" at pagkatapos ay nagpatuloy sa pagbanggit sa Levitico 18:5.

Pinagdududahan din ng mga nagsusulong sa documentary hypothesis ang mga patotoo ni Jesus, ni Pedro, at ni Pablo, dahil nagpatotoo silang lahat na si Moises ang sumulat ng tatlo sa mga aklat ng Pentateuch. Pinaniniwalaan din ng mga Hudyo at ng tradisyon na si Moises ang sumulat ng Pentateuch at hindi nila tinatanggap ang documentary hypothesis. Ang documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo ay isa lamang teorya; hindi pa ito napapatunayan kahit na gaano pa karami ang mga liberal na teologo ang nagangkin nito sa pagdaan ng panahon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang documentary hypothesis / teoryang dokumentaryo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries