Tanong
Ano ang iba’t ibang teorya sa pagkasi o inspirasyon ng Diyos sa Bibliya?
Sagot
Ang doktrina ng inspirasyon ng Diyos sa Bibliya ay ang katuruan na hiningahan ng Diyos ang Bibliya at dahil dito, ang Bibliya ay ang hindi nagkakamali at pinakamataas na pamantayan sa pananampalataya at mga gawa. Kung ang Bibliya ay simpleng nagmula lamang sa imahinasyon ng tao, walang dahilan upang sundin ang pamantayan nito sa doktrina at moralidad. Maliwanag na inaangkin mismo ng Bibliya na ito ay kinasihan ng Diyos: “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (2 Timoteo 3:16-17). Mapapansin natin ang dalawang bagay tungkol sa Kasulatan sa talatang ito: 1) “Kinasihan” ito ng Diyos at 2) “Mapapakinabangan” ito para sa pamumuhay Kristiyano.
May apat na teorya tungkol sa inspirasyon ng Diyos sa Bibliya:
1. Neo-orthodox – Pananaw ng mga liberal na Kristiyano sa pagkasi
2. Dictation theory - Idinikta ng Diyos sa mga manunulat ang kanilang mga isinulat
3. Limited inspiration theory – Limitadong pagkasi ng Diyos sa Kasulatan
4. Plenary verbal inspiration - Panlahatang pagkasi ng Diyos sa bawat salita sa Bibliya
Binibigyang diin ng pananaw na neo-orthodox ang transendensiya (transcendence) ng Diyos (lubos na pagkahiwalay ng Diyos sa tao). Itinuturo ng neo-orthodoxy na bukod ang Diyos sa tao at ang tanging paraan upang makilala ng tao ang Diyos ay sa pamamagitan ng direktang rebelasyon. Tinatanggihan ng pananaw na ito ang konsepto ng natural na teolohiya (na maaaring makilala ang Diyos sa pamamagitan ng sangnilikha). Bukod dito, tinatanggihan ng neo-orthodoxy na ang Bibliya ang mismong Salita ng Diyos. Sa halip, pinaniniwalaan nila na ang Bibliya ay isa lamang saksi, o tagapamagitan sa Salita ng Diyos na si Hesus. Sinasabi ng teoryang ito na hindi Salita ng Diyos ang Bibliya sa halip ito ay mga salitang nagkakamali na isinulat ng mga taong nagkakamali. Ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos dahil minsan, maaari din naman itong gamitin ng Diyos upang mangusap sa indibidwal.
Ang teoryang neo-orthodox ay hindi talaga inspirasyon. Kung ang Bibliya ay produkto lamang ng nagkakamaling mga tao, lalabas na wala itong halaga o kaya ay kapantay lamang ng ibang aklat. Kung ganito rin lamang, maaari din palang magsalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga aklat na kathang isip ng tao.
Pinaniniwalaan naman ng teorya ng “dictation” na ang Diyos ang may-akda ng Kasulatan at umaktong lamang na gaya ng kalihim ang indibidwal na mga tao na Kanyang ginamit sa pagsulat. Nagsalita ang Diyos at itinala ng mga manunulat ang Kanyang sinasabi. May ilang merito ang pananaw na ito dahil may ilang bahagi sa Bibliya na sinasabi ang mga salitang “Isulat mo ito” (halimbawa ang Jeremias 30:2), ngunit hindi lahat ng Kasulatan ay isinulat sa ganitong paraan. Ang Pentateuch, o unang limang aklat ng Bibliya halimbawa ay mga ulat tungkol sa kasaysayan ng Israel bago sila nanirahan sa Lupang Pangako. Habang si Moises ang pangunahing may-akda nito, kinailangan niyang e-edit ang malaking bahagi ng Pentateuch dahil walang duda na inipon niya ang mga naunang tala ng kanilang kasaysayan. Sinabi ni Lukas sa kanyang paunang salita sa Kanyang Ebanghelyo na nagsagawa siya ng maingat na pagsisiyasat sa mga pangyayari sa buhay ni Hesus bago niya isulat ang kanyang aklat (Lukas 1:1-4). Marami sa mga aklat na naglalaman ng mga hula ay talambuhay tulad ng sinulat ng mga propeta. Makikitang kaunting bahagi lamang ng Bibliya ang angkop sa teoryang ito at hindi ang lahat o marami sa mga bahagi nito.
Ang teorya ng limitadong inspirasyon naman ang kasalungat ng pananaw na teorya ng pagdidikta (dictation). Habang pinaniniwalaan ng huli na ang marami sa Kasulatan ay gawa ng Diyos na may kakaunting kontribusyon ng tao, pinaniniwalaan naman ng una na ang Kasulatan ay gawa lamang ng tao na may kakaunti o limitadong tulong mula sa Diyos. Sinasabi ng teoryang ito na ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ngunit hinayaan sila ng Diyos na ipahayag ang kanilang sariling kaisipan at pananaw sa kanilang mga aklat, hanggang sa punto na hinayaan Niya sila na magkamali sa kanilang pagtatala ng katotohanan at kasaysayan. Mabuti na lamang at hinadlangan ng Banal na Espiritu ang mga pagkakamali sa doktrina. Ito ang problema sa ganitong pananaw: kung may pagkakamali sa Bibliya sa mga tala nito sa kasaysayan, paano natin pagtitiwalaan ang mga doktrina nito? Sa teorya ng limitadong inspirasyon, maaaring pagdudahan ang pagiging katiwa-tiwala ng Bibliya. Tila tinatanggihan din ng pananaw na ito ang katotohanan na ang kuwento ng pagtubos mula sa aklat ng Genesis hanggang sa aklat ng Pahayag ay isinulat sa likod ng kasaysayan ng tao – ang mga doktrina nito ay nakatahi sa mismong kasaysayan. Hindi tamang sabihin na may mali sa kasaysayan at pagkatapos ay paniwalaan na nagtataglay pa rin iyon ng mga butil ng katotohanan.
Ang huling pananaw, ang teoryang orthodox ng sinaunang Kristiyanismo ay ang panlahatang pagkasi ng Diyos sa mga salita sa Kasulatan (plenary verbal inspiration). Ang salitang plenary ay nangangahulugang “kumpleto” o “panlahatan,” at ang verbal ay nangangahulugang “mga salita sa Kasulatan.” Kaya ang pananaw na ito ay ang paniniwala na ang bawat indibidwal na salita sa Kasulatan ay ang mismong Salita ng Diyos. Hindi lamang mga ideya o kaisipan ang hiningahan ng Diyos kundi ang mismong mga salita. Ginamit sa 2 Timoteo 3:16-17 ang naiibang salitang Griyegong theopneustos, na literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ang mga salita sa Bibliya ang mismong Salita ng Diyos.
Bilang karagdagan, sinabi ni Pedro, “hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:21). Ipinapaliwanag sa atin sa talatang ito kung paanong kinasihan ng Diyos ang mga taong sumulat ng Bibliya. Nagsalita (o sumulat) ang mga tao “habang kinakasihan sila ng Banal na Espiritu.” Ang salitang “kinasihan” ay katulad ng pagihip ng hangin sa layag ng isang bangka upang patakbuhin ito sa tubig. Nang ilapat ng mga manunulat ang kanilang pansulat sa medyum na susulatan, “kinasihan” sila ng Banal na Espiritu upang ang kanilang isusulat ay mga salitang galing mismo sa Diyos. Kaya, habang nananatili ang personalidad ng mga indibidwal na manunulat sa kanilang mga aklat, maging ang kanilang sariling istilo ng pagsulat (ang istilo ng pagsulat ni Pablo ay kakaiba sa istilo ng pagsulat nina Santiago, Juan, at Pedro), ang mga salitang kanilang isinulat ay eksaktong mga salita na gustong ipasulat sa kanila ng Diyos.
Kaya nga, ang tamang pananaw sa inspirasyon ng Diyos sa Bibliya ay ang sinaunang pananaw ng iglesya -ang panlahatang pagkasi ng Diyos sa bawat salita sa Bibliya o plenary verbal inspiration. English
Ano ang iba’t ibang teorya sa pagkasi o inspirasyon ng Diyos sa Bibliya?