Tanong
Ano ang teorya ng panghihimatay o Swoon Theory? Nakaligtas ba si Hesus sa pagkakapako sa Krus?
Sagot
Ang teorya ng panghihimatay o Swoon Theory ay ang paniniwala na hindi talaga namatay si Hesus sa pagkakapako sa krus kundi nawalan lamang Siya ng malay ng ilibing Siya at nagkamalay Siya sa libingan. Ayon sa teorya, ang Kanyang mga pagpapakita pagkatapos ng ikatlong araw ay hindi totoo at pagpapalagay lamang. May mga dahilan kung bakit hindi katanggap tanggap ang teoryang ito at madaling patunayan na mali ito. May tatlong grupo ng mga tao na sangkot sa pagpapapako kay Hesus ang nasiyahang lahat tungkol sa Kanyang kamatayan sa krus. Sila ang mga sundalong Romano, si Pilato at ang Sanedrin.
Ang mga sundalong Romano - May dalawang magkahiwalay na grupo ng mga sundalong Romano ang binigyan ng trabaho upang tiyakin ang kamatayan ni Hesus: ang mga berdugo at ang mga bantay libingan. Ang mga sundalo na naatasang ipako si Hesus ay mga espesyalista sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus at ito ang isa sa pinakabrutal na paraan ng parusang kamatayan sa kasaysayan ng mundo. Ipinako sa krus si Hesus pagkatapos na magdusa mula sa kahindik hindik na pagpalo ng mga sundalong ito. Ang kanilang trabaho ay tiyakin ang tamang proseso ng paglalapat ng pagpaparusa. Hindi maaaring nakaligtas si Hesus sa pagkakapako sa krus dahil titniyak ng mga sundalong ito na patay na Siya bago ibaba sa krus. Lubusan silang nasiyahan dahil natiyak nilang patay na si Hesus. Ang ikalawang grupo ng mga sundalo ay inatasan na bantayan ang libingan ni Hesus dahil sa kahilingan ng Sanedrin kay Pilato. Sinasabi sa Mateo 27:62-66, “Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.” Kaya pumaroon nga sila at nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa mga kawal.” Tiniyak ng mga sundalong ito na hindi mapapakialaman ng sinuman ang libingan at nakasalalay ang kanilang buhay sa kanilang misyon. Tanging ang pagkabuhay lamang na mag-uli ng Anak ng Diyos ang makapipigil sa kanilang misyon.
Si Pilato – Si Pilato ang nagbigay ng utos na ipako sa krus si Hesus at ipinagkatiwala ang gawaing ito sa isang sentruyong Romano, isang pinagkakatiwalan at subok na kumander ng 100 sundalong Romano. Pagkatapos ng pagpako kay Hesus sa krus, hiniling ni Jose na taga Arimatea ang katawan ni Hesus upang mailibing ang Kanyang katawan sa kanyang sariling libingan sa di-kalayuan. Ibinigay ni Pilato ang pahintulot na makuha ni Jose ang bangkay ni Hesus pagkatapos lamang na matiyak na patay na si Hesus. Markos 15:42-45: “Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Sanedrin. Siya rin ay naghihintay na maghari ang Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay.” Tiniyak ni Pilato na patay na si Hesus.
Ang Sanedrin – Ang Sanedrin ang ang konsehong namumuno sa mga Hudyo at kanilang hiniling na ibaba sa krus ang katawan ng mga ipinako sa krus kasama ang katawan ni Hesus dahil sa Araw na ng Sabbath kinabukasan. Juan 19:31-37: “Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, Walang mababali isa man sa kanyang mga buto. At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.’” Ang mga Hudyo na humiling kay Pilato na ipako si Hesus sa krus at nagparatang na pamumunuan Niya ang isang rebelyon laban sa Roma kung hindi Siya ipapako sa krus ay hindi papayag na alisin Siya sa krus kung hindi pa Siya totoong patay. Ang mga taong ito ay nasiyahan at napatunayan na si Hesus ay totoong patay na.
May iba pang ebidensya sa kamalian ng teorya ng panghihimatay ni Hesus gaya ng kalagayan ng Kanyang katawan pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Sa lahat ng Kanyang pagpapakita, ipinakita ni Hesus ang maluwalhating kalagayan ng Kanyang katawan at ang tanging natirang marka ay ang mga tanda ng pagpapako sa Kanya sa krus na kanyang ipinahipo kay Tomas bilang katibayan ng katotohanan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Ang sinuman na nakaranas ng hirap na gaya ng dinanas ni Hesus ay nangangailangan ng ilang buwan upang muling magbalik ang dating lakas. Ang natirang marka sa katawan ni Hesus ay ang mga marka lamang ng pako sa Kanyang paa at kamay. Ang paraan sa paglilibing sa katawan ni Hesus ay isa pang ebidensya ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Kung nahimatay lamang si Hesus, imposible Siyang makatakas sa telang nakabalot sa Kanyang buong katawan, kung Siya ay isa lamang karaniwang tao. Ang paraan din kung paanong nais ng mga babaeng makita ang Kanyang katawan ay katibayan din ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Pumunta sila sa libingan sa unang araw ng sanlinggo upang pahiran ang Kanyang katawan ng mga pabangong pangembalsamo dahil kakaunti lamang ang kanilang naging panahon upang ihanda ang Kanyang katawan sa paglilibing dahil araw na noon ng Sabbath ng Siya’y ilibing. Kung nahimatay lamang si Hesus gaya ng ipinagpapalagay ng swoon theory, ang dadalhin ng mga babae ay mga gamot upang makatulong sa pagbabalik ng Kanyang ulirat hindi mga gamit para sa pageembalsamo ng patay.
Ang layunin ng teoryang ito ay hindi upang pabulaanan ang kamatayan ni Hesus, sa halip, sinisikap nito na pabulaanan ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Hesus hindi Siya tunay na Diyos. Kung tunay na namatay si Hesus at nabuhay na mag-uli mula sa mga patay, ang Kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan ang nagpapatunay na Siya ang Anak ng Diyos at tunay na Diyos. Ang mga ebidensya ay nangangailangan ng hatol: tunay na namatay si Hesus sa krus at tunay Siyang nabuhay na mag-uli mula sa mga patay.
English
Ano ang teorya ng panghihimatay o Swoon Theory? Nakaligtas ba si Hesus sa pagkakapako sa Krus?