Tanong
Ano ang teorya ng JEDP (JEDP Theory)?
Sagot
Sa isang maiksing paliwanag, ang teorya ng JEDP (JEDP theory) ay nagsasaad na ang unang limang aklat ng Bibliya, ang Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio, ay hindi isinulat lahat ni Moises na namatay noong 1451 B.C., kundi isinulat ng iba't ibang manunulat o naglilikom ng kasulatan pagkatapos na mamatay si Moises. Ang teoryang ito ay nabuo dahil sa ginamit ang iba't ibang pangalan ng Diyos sa magkakaibang bahagi ng Pentateuch at kapansin pansin ang pagkakaiba sa istilo ng paggamit ng mga lenguwahe. Ang mga letra sa teorya ng JEDP ay kumakatawan sa apat na pinaniniwalaang manunulat ng Pentateuch: ang manunulat na gumamit ng "Jehovah" para sa pangalan ng Diyos, ang manunulat na gumamit ng "Elohim" para sa pangalan ng Diyos, ang manunulat ng Deuteronomio at ang saserdote na sumulat ng Levitico. Ang teorya ng JEDP ay naniniwala na ang iba't ibang bahagi ng Pentateuch ay inipon diumano ng siang tao na pinaniniwalaang si Ezra noong ika apat na siglo B.C.
Bakit kaya iba't ibang pangalan ng Diyos ang ginamit sa mga aklat na isinulat ng iisang manunulat? Halimbawa, ginamit sa Genesis 1 ang pangalang Elohim habang sa Genesis 2 naman ay ginamit ang YHWH. Ang ganitong istilo ay laging makikita sa buong Pentateuch. Simple lamang ang sagot. Ginagamit ni Moises ang iba ibang pangalan ng Diyos upang bigyang diin ang isang katotohanan. Sa Genesis 1, ang Diyos ay Elohim, ang makapangyarihang Diyos na manlilikha. Sa Genesis 2, Ang Diyos ay si Yahweh, ang personal na Diyos na lumikha at nakipagugnayan sa tao. Hindi ito tumutukoy sa iba't ibang manunulat kundi sa isang manunulat na ginagamit ang iba ibang pangalan ng Diyos upang bigyang diin ang isang katotohanan at ilarawan ang iba-ibang apseto ng Kanyang katangian.
Patungkol sa iba't ibang istilo na ginamit, bakit hindi natin aasahan na gagamit ang manunulat ng iba't ibang istilo kung sumulat siya ng kasaysayan (Genesis), mga usaping legal (Exodo at Deuteronomio) at ng masusing detalye ng sistema sa paghahandog sa Diyos (Levitico)? Ang teorya ng JEDP ay isang inimbentong teorya na walang basehan sa realidad at kasaysayandahil sa paghahangad na ipaliwanag ang mga pagkakaiba iba sa Pentateuch. Walang dokumento na J, E, D, P na natuklasan kahit kailan. Walang sinaunang iskolar na Hudyo o Kristiyano ang nagpahiwatig na may ganitong dokumento na lumabas o natagpuan sa kasaysayan.
Ang pinakamabisang argumento laban sa teorya ng JEDP ay ang Bibliya mismo. Sinabi ni Hesus sa Markos 12:26, "Tungkol naman sa muling pagkabuhay---hindi pa ba ninyo nababasa sa aklat ni Moises ang tungkol sa nagliliyab na mababang punongkahoy? Ganito ang nasusulat na sinabi ng Diyos kay Moises, 'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob." Simpleng sinasabi ni Hesus na si Moises ang sumulat ng kwento sa nasabing talata sa Exodo 3:1-3. Sa Gawa 3:22 naman, nagkomento si Lukas sa Deuteronomio 18:15 at binanggit na si Moises din ang sumulat ng nasabing talata. Sa Roma 10:5, binanggit ni Pablo ang katwiran ni Moises na inilarawan sa Levitico 18:5. Kaya nga si Pablo ay nagpapatunay rin na si Moises ang sumulat ng Levitico. Si Hesus ay nagpapatunay na si Moises ang manunulat ng Exodo, si Lukas naman sa aklat ng mga Gawa ang nagpapatunay na si Moises ang manunulat ng Deuteronomio 18:15 at si Pablo naman ang nagpapatunay na si Moises ang sumulat ng Levitico. Kung totoo ang teorya ng JEDP, magiging sinungaling na lahat si Hesus, Lukas at Pablo o mali ang kanilang pagkaunawa sa Lumang tipan. Ilagak natin ang ating pananampalataya kay Hesus at pagtiwalaan natin ang mga taong pinasulat ng Diyos sa Kanyang Salita sa halip na pagtiwalaan ang walang basehang teorya ng JEDP (2 Timoteo 3:16-17).
English
Ano ang teorya ng JEDP (JEDP Theory)?