Tanong
Posible ba ang teorya ng Pangea?
Sagot
Ang Pangea ay ang konsepto na ang lahat ng lupa sa mundo ay dating magkakadugtong sa isang yugto ng panahon sa nakalipas bilang isang higanteng kontinente. Sa mapa ng mundo, ang ilan sa mga kontinente ay tila mukhang piraso ng isang higanteng puzzle (Halimbawa ay ang Africa at South America). Binabanggit ba sa Bibliya ang Pangea? Hindi napakalinaw, ngunit posible. Itinala sa Genesis 1:9, "Sinabi ng Diyos: "Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa." At nangyari nga ito." Kung ang lahat ng tubig ay "magsasama-sama sa iisang lugar," ang tuyong lupa ay magsasama-sama din sa iisang lugar. Binabanggit sa Genesis 10:25, "… ang pangalan ng una'y Peleg; sapagka't sa mga araw niya'y nahati ang lupa…" May ilan na ginagamit ang Genesis 10:25 bilang ebidensya na ang mundo ay nahati pagkatapos ng baha noong panahon ni Noe.
Habang posible ang pananaw na ito, hindi ito ang pananaw na pinaniniwalaan ng nakararaming Kristiyano. May ilan na nagsasabi na ang Genesis 10:25 ay tumutukoy sa pagkakahiwa-hiwalay ng tao na naganap sa tore ng Babel, hindi ang paghihiwalay ng mga kontinente sa pamamagitan ng tinatawag na "continental drift." May ilan din na kinokontra ang paghihiwalay ng mga kontinente pagakatapos ng baha ni Noe dahil sa katotohanan na sa kasalukuyang antas ng pagkilos ng mga kontinente palayo sa isa't isa sa, hindi posible na maghiwalay sila ng napakalayo sa isa't isa sa loob ng panahong lumipas mula ng magkaroon ng baha noong panahon ni Noe. Gayunman, hindi maaaring mapatunayan na ang mga kontinente ay laging humihiwalay sa isa't isa sa magkaparehong bilis. Bukod pa rito, kaya ng Diyos na pabilisin ang proseso ng pag-anod ng mga kontinente palayo sa isa't isa upang ganapin ang Kanyang layunin na paghiwa-hiwalayin ang sangkatauhan (Genesis 11:8). Muli, hindi malinaw na binabanggit sa Bibliya ang Pangea o itinuturo man ng malinaw kung kailan naghiwalay ang mga kontinente.
Maaaring maipaliwanag sa pamamagitan ng Pangea pagkatapos ng baha noong panahon ni Noe kung paanong ang mga tao at mga hayop ay nakapaglakbay sa iba't ibang kontinente. Paano nakarating ang mga kangaroo sa Australia pagkatapos ng baha kung ang mga kontinente ay dati ng magkakahiwalay? Kasama sa mga alternatibong teorya ng mga naniniwala sa batang mundo kapalit ng teorya ng continental drift ang tinatawag na Catastrophist Plate Tectonics Theory (tingnan ang http://www.answersingenesis.org/tj/v16/i1/plate_tectonics.asp) at ang Hydroplate Theory (tingnan ang http://www.creationscience.com/onlinebook/HydroplateOverview2.html). Inilalagay ng dalawang teoryang ito ang mabilis na paghihiwalay ng mga kontinente sa konteksto ng baha noong panahon ni Noe.
Gayunman, may isa pa ring paliwanag ang iniaalok ng mga Kristiyanong siyentipiko na hindi nangangailangan ng Pangea pagkatapos ng baha ni Noe. Ayon sa pananaw na ito, maaaring nagsimula ang paglalakbay ng mga tao at hayop sa ibang panig ng mundo habang mababa pa ang tubig dagat sa bago at pagkatapos ng baha sa panahon ng ice age kung kailan ang tubig ay nakakulong pa sa mga yelo sa north at south poles. Dahil sa mababang lebel ng tubig sa dagat, nakalitaw pa ang mga matataas na bahagi ng mga continent na nagdudugtong sa lahat ng pangunahing kalupaan sa pamamagitan ng lupa na nagsisilbing tulay patungo sa ibang panig ng mundo.
Mayroon (o nagkaroon) ng mababaw na bahagi ng dagat na nagsisilbing tulay na nagkokonekta sa lahat ng mga pangunahing kontinente. Nakadugtong na lahat sa kontinente ng Asya ang North America, Southeast Asia, at Australia. Nakadugtong naman ang Britanya sa kontinente ng Europa. Sa ilang mga lugar, ang mga tulay na lupang ito ay makikita ng ilang daang talampakan sa ilalim ng ating kasalukuyang antas ng lalim ng dagat. Maaaring buudin ang alternatibong teoryang ito gaya ng sumusunod: (1) Pagkatapos ng pandaigdigang baha, nagkaroon ng panahon ng tag-yelo (ice age). (2) Ang malaking bahagi ng tubig na naging yelo ay nagresulta sa pagbaba ng antas ng tubig sa dagat na napakababa kumpara sa antas ng tubig sa dagat ngayon. (3) Nagresulta ang mababang antas ng tubig sa dagat ng mga lupa na nagsilbing tulay na nagdudugtong sa mga kontinente. (4) Naglakbay patungo sa ibang panig ng mundo ang mga tao at hayop sa pamamagitan ng mga lupang ito na nagsisilbing tulay. (5) Nagwakas ang panahon ng yelo, natunaw ang mga yelo at tumaas ang tubig sa dagat na siyang dahilan ng paglubog ng mga tulay na lupa sa ilalim ng dagat.
Kaya nga habang hindi malinaw na binabanggit ang Pangea sa Bibliya, ipinapahiwatig ng Bibliya ang posibilidad ng pagkakaroon nito. Anuman ang kaso, ang mga pananaw sa itaas ay nagbibigay ng makatuwirang paliwanag kung paanong nakapaglakbay ang mga tao at mga hayop sa mga kontinente na ngayon ay pinaghihiwalay ng malawak na karagatan.
English
Posible ba ang teorya ng Pangea?