settings icon
share icon
Tanong

Ano ang iba't ibang mga teorya sa pagtubos/katubusan (atonement)?

Sagot


Sa buong kasaysayan ng iglesya, may iba't ibang teorya tungkol sa katubusan/pagtubos, ang iba ay totoo, ang iba naman ay palso na isinulong ng maraming indibidwal o mga denominasyon. Ang isa sa mga dahilan sa iba't ibang pananaw ay dahilan sa maraming katotohanan ang ipinakikita tungkol sa ginawang pagtubos ni Kristo sa Luma at Bagong Tipan kaya't mahirap kung hindi man imposible na magkaroon ng isang teorya lamang upang ilarawan ang kayamanan ng kahulugan ng pagtubos o atonement. Ating matutuklasan, sa patuloy nating pagaaral ng Kasulatan ang mayaman at maraming paglalarawan ng pagtubos dahil sa maraming magkakaugnay na katotohanan ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa natapos na pagtubos ni Kristo. Ang isa pang dahilan sa pagkakaroon ng maraming teorya tungkol sa paksang ito ay sa dahilang ang napakarami nating dapat matutunan tungkol sa pagtubos o atonement ay kailangang maunawaan sa karanasan at perspektibo ng mga Israelita sa ilalim ng sistema ng paghahandog sa Lumang Tipan.

Ang pagtubos ni Kristo, ang layunin nito at kung ano ang nagawa nito ay isang napakayamang paksa at napakarami ng aklat ang nasulat tungkol dito. Ang artikulong ito ay layong ibigay ang isang maiksing paglalahad sa iba't ibang teorya na isinulong ng mga indibidwal at mga denominasyon sa buong panahon ng iglesya. Sa pagtuklas sa iba't ibang pananaw tungkol sa paksang ito, tandaan natin na ang pananaw na hindi kinikilala ang pagiging makasalanan ng tao o ang kalikasan ng pagtubos bilang paghalili sa makasalanan ay maling katuruan.

Bayad kay Satanas (Ransom to Satan Theory): Tinitingnan ng teoryang ito ang pagtubos ni Kristo bilang pambayad kay Satanas upang bilhin ang kalayaan ng mga tao at palayain sila bilang alipin ni Satanas. Ito ay base sa paniniwala na ang espiritwal na kundisyon ng tao ay mga alipin ni Satanas at ang kahulugan ng kamatayan ni Kristo ay upang tiyakin ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas. Ang teoryang ito ay may napaka-kaunti o walang kahit anong suporta sa Bibliya at konti lamang ang sumuporta sa teoryang ito sa kasaysayan ng iglesya. Hindi ayon sa Bibliya na paniwalaan na si Satanas at hindi ang Diyos ang nangangailangan ng pambayad para sa kasalanan. Kaya ipinagwawalang bahala ng teoryang ito ang paghingi ng Diyos ng hustisya na makikita sa buong kasulatan. Mayroon din itong mataas na pagkilala kay Satanas na parang si Satanas ay may malaking kapangyarihan na higit sa sinasabi ng Bibliya. Walang katibayan mula sa Bibliya na ang mga makasalanan ay may utang kay Satanas, ngunit sa buong Kasulatan makikita natin na ang Diyos ang naniningil ng kabayaran, hindi si Satanas.

Teorya ng Paglalagom (Recapitulation Theory): Ang teoryang ito ay nagsasaad na binaliktad ng pagtubos ni Kristo ang kasaysayan ng sangkatauhan mula sa pagiging masuwayin patungo sa pagiging masunurin sa Diyos. Ang teoryang ito ay naniniwala na ang buhay ni Kristo ang naglagom ng lahat ng aspeto ng buhay ng tao at dahil dito binago Niya ang mga ginawa ng Satanas sa buhay ng tao at ginawang masunurin ang tao sa Diyos. Ang teoryang ito ay hindi sinusuportahan ng Bibliya.

Teoryang Dramatiko (Dramatic Theory): Ayon sa teoryang ito, ang pagtubos ni Kristo ang tumiyak ng tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan at siyang nagpalaya sa tao sa pagakaalipin kay Satanas. Ang kahulugan ng kamatayan ni Kristo ay ang kaganapan ng tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan at ang pagbibigay ng daan upang tubusin ang mundo sa pagkaalipin nito kay Satanas.

Teoryang Mistikal (Mystical Theory): Inilalarawan ng teoryang ito na ang pagtubos ni Kristo ay ang kanyang tagumpay sa Kanyang sariling makasalanang kalikasan sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang mga nanghahawak sa teoryang ito ay naniniwala na ang kaalaman sa kaloobang ito ng Diyos ang gigising sa kanyang ‘kamalayan sa Diyos.’ Naniniwala rin sila na ang espiritwal na kundisyon ng tao ay hindi bunga ng kasalanan kundi simpleng kawalan lamang ng ‘kamalayan sa Diyos.’ Malinaw na ang teoryang ito ay hindi ayon sa Bibliya. Upang paniwalaan ang teoryang ito, kailangang paniwalaan na si Kristo ay nagkaroon ng makasalanang kalikasan samantalang sinasabi ng Kasulatan na si Hesus ay ang banal na Diyos na nagkatawang tao, at banal sa lahat ng aspeto ng Kanyang kalikasan (Hebreo 4:15).

Impluwensyang Moral (Moral Influence Theory): Ang teoryang ito ay nanghahawak na ang pagtubos ni Kristo ang demonstrasyon ng pag-ibig ng Diyos na naging dahilan ng paglambot ng puso ng tao at ng kanilang pagsisisi. Ang mga nanghahawak sa teoryang ito ay naniniwala na ang tao ay may sakit sa espiritwal at nangangailangan ng tulong at may kakayahan siya na tanggapin ang kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ng kaalaman sa pag-ibig ng Diyos. Habang totoo na ang pagtubos ni Kristo ang pinakamataas na halimbawa ng pag-ibig ng Diyos sa tao, ang teoryang ito ay hindi ayon sa Bibliya dahil tinatanggihan nito ang tunay na espiritwal na kundisyon ng tao na patay sa kasalanan at pagsuway (Efeso 2:1) at tinatanggihan din na ang Diyos ang naniningil ng kabayaran para sa kasalanan. Iniiwan ng pananaw na ito ang sangkatauhan sa kawalan ng tunay na handog o kabayaran sa kasalanan.

Teorya ng halimbawa (Example Theory): Tinitingnan ng pananaw na ito ang pagtubos ni Kristo na isang simpleng pagbibigay ng halimbawa ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos upang pukawin ang tao na maging masunurin din sa Diyos. Ang mga nanghahawak sa pananaw na ito ay naniniwala na ang tao ay buhay sa espiritu at ang pagtubos ni Kristo ay simpleng halimbawa ng tunay na pananampalataya at pagsunod sa Diyos at nagsisilbing inspirasyon sa tao na mamuhay na katulad ni Hesus. Ito, maging ang teorya ng impluwensyang moral ay parehong tinatanggihan na ang hustisya ng Diyos ang nangangailangan ng kabayaran sa kasalanan at ang kamatayan ni Kristo sa krus ang siyang kabayaran. Ang teorya ng impluwensyang moral ay naniniwala na ang kamatayan ni Hesus ang nagtuturo kung gaano iniibig ng Diyos ang tao samantalang ang teorya ng halimbawa ay nagsasabi na tinuturuan tayo ng kamatayan ni Kristo kung paano mamuhay. Totoo na tinuruan tayo ni kristo ng halimbawa na dapat nating tularan maging ng Kanyang kamatayan ngunit binabalewala ng teoryang ito ang tunay na espiritwal na kalagayan ng tao at ang pangangailangan ng Diyos ng hustisya at kabayaran para sa kasalanan ng tao.

Teoryang Komersyal (Commercial Theory): Ang pananaw na ito ay nagsasabi na ang pagtubos ni Kristo ang nagbigay ng walang hanggang karangalan sa Diyos. Nagbunga ito sa pagbibigay Niya ng gantimpala kay Kristo na hindi Niya kailangan kaya't ibinigay ito ni Kristo sa tao. Ang mga nanghahawak sa pananaw na ito ay naniniwala na ang espiritwal na kalagayan ng tao ay hindi nakakapagbigay ng karalangan sa Diyos kaya ang kamatayan ni Kristo ang nagbigay ng walang hangang karangalan sa Diyos at maiilapat ito sa kaligtasan ng makasalanan. Ang teoryang ito gaya ng iba pa sa itaas ay binabalewala ang totoong kalagayan ng mga makasalanan at ang kanilang pangangailangan ng bagong kalikasan na makakamtan lamang kay Kristo (2 Corinto 5:17).

Teorya ng pamamahala (Governmental Theory): Inihahayag ng teoryang ito na ang pagtubos ni Kristo ang naglalarawan ng mataas na pagtingin ng Diyos sa Kanyang kautusan at ang Kanyang pananaw sa kasalanan. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, may dahilan ang Diyos na patawarin ang kasalanan ng mga magsisisi at tatanggap sa paghalili ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Ang mga nanghahawak sa paniniwalang ito ay naniniwala na ang espiritwal na kundisyon ng tao ay paglabag sa moral na kautusan ng Diyos at ang kahulugan ng kamatayan ni Kristo ay paghalili bilang kabayaran ng kasalanan. Dahil binayaran ni Hesus ang kabayaran ng kasalanan, posible na para sa Diyos na legal na patawarin ang mga tatanggap kay Kristo bilang kanilang kahalili. Ang teoryang ito ay kapos dahil sa hindi nito itinuturo na aktwal na binayaran ni Hesus ang kabayaran ng aktwal na kasalanan ng sinuman, sa halip ipinapakita lamang ng Kanyang paghihirap sa sangkatauhan na lumabag sila sa kautusan ng Diyos at may parusang pinagbayaran si Hesus.

Teorya ng Kaparusahan dahil sa Paghalili (Penal Substitution Theory): Ang teoryang ito ay tinitingnan ang kamatayan ni Kristo para sa iba at isang sakripisyo bilang paghalili sa makasalanan upang bigyang kasiyahan ang hustisyang hinihingi ng Diyos. Sa kanyang paghahandog ng buhay, binayaran ni Hesus ang kabayaran ng kasalanan ng tao na siyang dahilan ng pagpapatawad ng Diyos at paglilipat ng Kanyang katwiran sa Kanyang mga tinubos at ipinakipagkasundo sila sa Kanyang sarili. Ang mga nanghahawak sa pananaw na ito ay naniniwala na ang lahat ng aspeto ng tao - ang kanyang isip, kalooban at emosyon – ay narumihan ng kasalanan at walang kakayahan ang sinuman na magbigay lugod sa Diyos dahil siya ay patay sa kasalanan. Pinanghahawakan ng teoryang ito na ang kamatayan ni Kristo ang kabayaran sa kaparusahan ng kasalanan at sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, makakamtan ng tao ang kapatawaran sa kanyang mga kasalanan. Ang pananaw na ito ng pagtubos ang pinaka-naaayon sa itinuturo ng Kasulatan sa pananaw nito sa kasalanan, kalikasan ng tao at sa bunga ng kamatayan ni Kristo sa krus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang iba't ibang mga teorya sa pagtubos/katubusan (atonement)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries