Tanong
Tinutukso ba tayo ng Diyos para magkasala?
Sagot
Sa Genesis 22:1, ang salitang Hebreo na “tukso” ay “nacah” na nangangahulugan na “subukin, sukatin, patunayan, tuksuhin, at patunayan.” Dahil napakarami nitong kasing kahulugan, dapat nating tingnan ang konteksto at ikumpara ito sa ibang mga talata ng Bibliya. Kapag binasa natin ang salaysay sa Genesis 22, mapapansin natin na hindi intensyon ng Diyos na ituloy ni Abraham ang paghahandog kay Isaac. Gayunman, hindi ito alam ni Abraham at handa siyang sumunod sa utos ng Diyos, at alam niya na kung totoong ito ang gusto ng Diyos, kaya Niyang buhayin si Isaac mula sa mga patay (Hebreo 11:17-19). Ang talatang ito sa Aklat ng Hebreo ay mas angkop na isalin na “sinubok ng Diyos si Abraham” sa halip na “tinukso ng Diyos si Abraham.” Kaya ang konklusyon sa Genesis 22:1, ang salitang Hebreo na isinalin sa wikang Tagalog na “tinukso” ay may kinalaman sa pagsubok o pagsukat sa isang bagay.
Ibinigay sa Santiago 1:13 ang isang prinsipyo na maaaring gawing gabay sa bagay na ito: walang sinuman ang may karapatan na sabihin na siya ay tinutukso ng Diyos. Ang tukso ay hindi nanggagaling sa Diyos. Sinabi ni Santiago na “ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man.”
Ang isa pang mahalagang salita na dapat pag-aralan ay matatagpuan sa Santiago 1:3-4, “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso; yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.” Ang salitang Griyego na isinalin sa wikang tagalog na “pagsubok” ay nangangahulugan ng kahirapan, o isang bagay na nakasisira ng kapayapaan, kasiyahan, at kagalakan sa buhay ng isang tao. Ang pandiwa ng salitang ito ay nangangahulugan na “subukin ang isang tao o isang bagay,” sa layunin na matuklasan ang kalidad ng tao o bagay na iyon. Ibinibigay ng Diyos ang mga pagsubok upang hubugin at palakasin ang pananampalataya ng isang tao at patunayan ang kadalisayan nito (talata 2-12). Kaya, ayon kay Santiago, kung humaharap tayo sa mga tukso, ang layunin ng Diyos ay subukin ang ating pananampaltaya at hubugin ang ating karakter. Ito ay isang maganda, mabuti at marangal na motibo.
May mga tukso ba na idinisenyo upang tayo ay mabigo? Oo, ngunit ang mga iyon ay hindi galing sa Diyos kundi galing kay Satanas (Mateo 4:1), at sa kanyang mga diyablo (Efeso 6:12), o kaya ay galing sa ating sariling kalooban (Roma 13:14; Galacia 5:13). Pinahihintulutan ng Diyos na maranasan natin ang mga kabiguan para sa ating ikabubuti. Inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog si Isaac , isang tuksong ibinigay ng Diyos hindi para magkasala si Abraham, kundi upang subukin at dalisayin ang kanyang pananampalataya.
English
Tinutukso ba tayo ng Diyos para magkasala?