Tanong
Ano ang Tipan ng Diyos kay Abraham?
Sagot
Ang Tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng dalawang panig. May dalawang pangunahing uri ng Tipan: Ang tipan na may kundisyon at tipan na walang kundisyon. Ang tipan na may kundisyon o “bilateral” ay kasunduan na nakasalalay ang tagumpay sa parehong partido. Dapat na pumayag ang dalawang partido sa mga nakasaad sa kasunduan. Kung mabigo ang isang partido sa pagganap sa mga kundisyon ng kabilang partido, masisira ang kasunduan at hindi magaganap ang layunin ng kasunduan. Ang Tipan na walang kundisyon o “unilateral” ay isang kasunduan sa pagitan ng dalawang partido, ngunit tanging ang isa lamang sa dalawang partido ang gagawa para sa katuparan ng layunin ng kasunduan. Walang hinihinging kundisyon ang isang partido sa kabilang partido.
Ang Tipan ng Diyos kay Abraham ay isang kasunduan na walang kundisyon. Nangako ang Diyos kay Abraham, at wala siyang hininging kapalit o anumang kundisyon kay Abraham. Inilalarawan sa Genesis 15:18–21 ang isang bahagi ng Tipan ng Diyos kay Abraham, partikular ang lawak ng lupain na Kanyang ipinangakong ipagkakaloob kay Abraham at sa kanyang angkan.
Ang aktwal na Tipan ng Diyos kay Abraham ay makikita sa Genesis 12:1–3. Ipinahihiwatig ng seremonya na nakatala sa Genesis 15 ang walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito. Ang tanging pagkakataon na dumadaan ang parehong partido sa hinating katawan ng isang hayop ay kung ang tagumpay ng Tipan ay nakasalalay sa pagtupad ng magkabilang partido sa mga kundisyon ng Tipan. Patungkol sa kaganapan sa Genesis 15, mababasa na isang hurnong umuusok, at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng hinating katawan ng mga hayop. Nangangahulugan ito na tanging sa Diyos lamang nakasalalay ang kaganapan ng Kanyang Tipan kay Abraham. Sa kasong ito, walang duda na tanging sa Diyos lamang nakasalalay ang tagumpay ng Kanyang pangako kay Abraham. Itinalaga ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang Tipan kay Abraham. Pinatulog ng Diyos si Abraham upang hindi ito dumaan sa pagitan ng hinating katawan ng mga hayop. Kaya nga, malinaw ang mensaheng ipinapakita sa mga talata, na tanging sa Diyos lamang nakasalalay ang katuparan ng Kanyang Tipan kay Abraham.
Kalaunan, ibinigay ng Diyos ang pagtutuli bilang isang partikular na tanda ng Kanyang Tipan kay Abraham (Genesis 17:9–14). Ang lahat ng lalaki na manggagaling sa lahi ni Abraham ay tutuliin at tataglayin habang buhay ang tandang ito sa kanilang katawan bilang simbolo na bahagi sila ng pisikal na pagpapala ng Diyos sa mundo. Ang sinumang galing sa lahi ni Abraham na hindi magpapatuli ay nagdedeklara na wala siyang bahagi sa Tipan ng Diyos. Ito ang dahilan ng pagkagalit ng Diyos kay Moises ng hindi nito tuliin ang kanyang anak (Exodo 4:24–26).
Ninais ng Diyos na tumawag ng isang espesyal na lahi ng tao para sa Kanyang sarili at sa pamamagitan ng lahing ito, pagpapalain Niya ang lahat ng bansa sa mundo. Napakahalaga ng tamang pangunawa sa Tipan ng Diyos kay Abraham sa pagkakaroon ng tamang pangunawa sa konsepto ng kaharian ng Diyos at ito ang pundasyon sa teolohiya ng Lumang Tipan. Ang mga sumusunod ang inilalarawan ng tipan ng Diyos kay Abraham sa Genesis 12:1-3: (1) Ito ay isang walang kundisyong Tipan. Walang kundisyon na nakalakip dito (walang salitang “kung” na ginamit sa mga pangunugsap na nagpapahiwatig na ang kaganapan nito ay nakasalalay sa tao). (2) Ito ay isang literal na Tipan at dapat na unawain sa literal na paraan. Ang salitang “lupain” ay dapat na unawain bilang literal na “lupain,” hindi isang simbolo para sa langit. (3) Ito ay walang hanggang Tipan. Ang pangako ng Diyos para sa bansang Israel ay walang hanggan.
Ito ang tatlong pangunahing nilalaman ng Tipan ng Diyos kay Abraham:
1. Ang pangako para sa isang lupain (Genesis 12:1). Tinawag ng Diyos si Abraham mula sa Ur, Caldea patungo sa isang lupain na Kanyang ibibigay sa kanya (Genesis 12:1). Inulit ang pangakong ito sa Genesis 13:14–18; ibinigay ang lawak at hangganan nito sa Genesis 15:18–21 (na sumasalungat sa teorya na ang pangakong ito ay matutupad sa langit). Ang lupain, na isang aspeto ng Tipan ng Diyos kay Abraham, ay pinalawak sa Deuteronomio 30:1–10, na tinatawag na Tipan ng Diyos sa Palestina.
2. Ang pangako para sa isang lahi (Genesis 12:2). Ipinangako ng Diyos kay Abraham na manggagaling sa kanya ang isang malaking bansa. Nang ipangako ito ng Diyos kay Abraham, 75 taon na siya noon at wala pang anak (Genesis 12:4). Binigyang diin ng Diyos ang pangakong ito sa Genesis 17:6 kung saan ipinangako ng Diyos na maraming bansa at mga hari ang manggagaling kay Abraham. Ang pangakong ito (na pinalawak sa Tipan ng Diyos kay David sa 2 Samuel 7:12–16) ay magkakaroon ng ganap na katuparan sa paghahari ng Mesiyas o Tagapagligtas na uupo sa trono ni David at maghahari sa Israel at sa lahat ng bansa sa mundo.
3. Ang pangako ng pagpapala at katubusan (Genesis 12:3). Ipinangako ng Diyos na sa pamamagitan ni Abraham, Kanyang pagpapalain ang lahat ng pamilya sa buong mundo. Pinalawak pa ang pangakong ito sa Bagong Tipan, (Jeremias 31:31–34; tingnan din ang Hebreo 8:6–13) at may kinalaman ito sa katubusan at espiritwal na pagpapala sa bansang Israel. Binanggit din sa Jeremias 31:34 ang pagpapatawad ng Diyos sa mga kasalanan. Ang walang kundisyon at walang hanggang kalikasan ng Tipang ito ay tiniyak ng Diyos kay Isaac (Genesis 21:12; 26:3–4). Ang salitang “gagawin ko” ay nagpapahiwatig sa walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito. Kalaunan, kinumpirmang muli ng Diyos ang Tipang ito kay Jacob (Genesis 28:14–15). Mahalagang pansinin na paulit ulit na kinumpirma ng Diyos ang Kanyang mga pangakong ito sa gitna ng pagkakasala ng mga ninuno ng Israel, na nagbibigay diin sa walang kundisyong kalikasan ng Tipang ito.
Literal ang pamamaraan sa pagsasakatuparan ng Diyos sa Kanyang Tipan kay Abraham, gaya ng mga sumusunod na pangyayari sa kasaysayan: Pinagpala ng Diyos si Abraham sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya isang lupain (Genesis 13:14–17) at, ilang siglo ang lumipas, tinirhan ng mga anak ni Abraham ang lupaing ito, “Sa gayo'y ibinigay ng Panginoon sa Israel ang boong lupain na kaniyang isinumpa na ibibigay sa kanilang mga magulang: at kanilang inari at tumahan doon” (Josue 21:43). Pinagpala din ng Diyos si Abraham sa espiritwal (Genesis 13:8, 18; 14:22–23; 21:22); pinagkalooban siya ng Diyos ng napakaraming inapo (Genesis 22:17; 49:3–28). Gayunman, ang isang mahalagang elemento ng Tipan ng Diyos kay Abraham ay ang paghahari ng Mesiyas sa darating na kaharian sa hinaharap:
(1) Bilang isang bansa, maaangkin ng Israel ang buong lupain sa hinaharap. Maraming mga talata sa Lumang Tipan ang tumutukoy sa pagpapala ng Diyos sa Israel sa hinaharap at ang pagangkin nito sa buong lupain bilang katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham. Hinulaan ni propeta Ezekiel ang darating na panahon kung kailan ibabalik ng Diyos ang lahat ng mga Israelita sa Lupang Pangako (Ezekiel 20:33–37, 40–42; 36:1—37:28).
(2) Bilang isang bansa tatanggapin si Hesus ng Israel bilang kanilang Mesiyas at patatawarin sila at papanumbalikin ng Diyos sa Kanyang sarili (Roma 11:25–27).
(3) Magsisisi ang bansang Israel at tatanggapin ang kapatawaran ng Diyos sa hinaharap (Zacarias 12:10–14). Magkakaroon ng ganap na katuparan ang Tipan ng Diyos kay Abraham sa koneksyon nito sa pagbabalik ng Mesiyas upang iligtas at pagpalain ang Kanyang bayang Israel. Ang bansang Israel ang gagamitin ng Diyos upang pagpalain ang lahat ng mga bansa sa mundo gaya ng Kanyang ipinangako sa Genesis 12:1–3. Ang ganap na katuparan ng Tipan ng Diyos kay Abraham ay ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang maluwalhating paghahari ng Mesiyas, ni Hesu Kristo, dito sa mundo. English
Ano ang Tipan ng Diyos kay Abraham?