settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Tipan ng Diyos kay David?

Sagot


Ang Tipan ng Diyos kay David ay tumutukoy sa pangako ng Diyos kay David sa pamamagitan ng propetang si Natan at matatagpuan sa 2 Samuel at lumaon ay binuod sa 1 Cronica 17:11–14 at 2 Cronica 6:16. Ito ay isang walang kundisyong Tipan na ginawa sa pagitan ng Diyos at ni David kung kailan ipinangako ng Diyos kay haring David at sa Israel na magmumula ang Mesiyas (Tagapagligtas) mula sa lahi ni David at maghahari Siya sa lipi ni Juda at itatatag ang isang kaharian na mananatili magpakailanman. Ang katuparan ng pangakong ito ay tanging nakasalalay sa katapatan ng Diyos at hindi nakasalalay sa pagsunod ni David o ng Bansang Israel.

Nakasentro ang tipan ng Diyos kay David sa ilang mga susing pangako para kay David. Una, muling tiniyak ng Diyos ang Kanyang pangakong lupain para sa Israel na una sa Kanyang dalawang pangako para sa bansang Israel (ang Tipan ng Diyos kay Abraham at Palestina). Ang pangakong ito ay makikita sa 2 Samuel 7:10, “At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayan na Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y magsitahan sa kanilang sariling dako, at huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una.” Pagkatapos, ipinangako ng Diyos kay David na isa sa kanyang mga anak ang hahalili sa kanya bilang hari ng Israel at ang kanyang anak na ito (Solomon) ang magtatayo ng templo. Makikita ang pangakong ito sa 2 Samuel 7:12–13, "Pagka ang iyong mga araw ay naganap, at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong tiyan, at aking itatatag ang kaniyang kaharian. Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man.”

Ngunit ipinagpatuloy at pinalawak ng Diyos ang pangako: “…at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man” (2 Samuel 7:13), at “ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man” (talata 16). Ang inumpisahan bilang pangako ng Diyos na pagpapalain Niya ang kanyang anak na si Solomon at ito ang magtatayo ng templo para sa Kanya ay pinalawak pa - may pangako para sa isang walang hanggang kaharian. Isa pang anak ni David ang maghahari ng walang hanggan at magtatayo ng isang tahanang hindi magwawakas. Ito ay pagtukoy sa Mesiyas, ang Panginoong Hesu Kristo, na tinatawag na “Anak ni David” sa Mateo 21:19.

Ang pangako na mananatili ang “bahay,” “kaharian,” at “trono” ni David ay napakahalaga dahil ipinapakita nito na magmumula ang Mesiyas sa lahi ni David at itatatag Niya ang Kanyang kaharian kung saan Siya maghahari. Ang tipang ito ay binuod sa pamamagitan ng mga salitang “bahay,” na ipinapangako ang isang dinastiya mula sa lahi ni David; “ang kaharian” naman ay tumutukoy sa isang grupo ng tao o bansa na pamamahalaan ng hari; ang “trono” naman ay nagbibigay diin sa awtoridad ng pamahalaan ng hari; at ang salitang “magpakailanman,” ay nagbibigay diin sa walang hanggan at walang kundisyong kalikasan ng pangakong ito ng Diyos kay David at sa Israel.

Ang iba pang pagtukoy sa Tipan ng Diyos kay David ay matatagpuan sa Jeremias 23:5; 30:9; Isaias 9:7; 11:1; Lukas 1:32, 69; Gawa 13:34; at Pahayag 3:7. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Tipan ng Diyos kay David?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries