Tanong
Ano ang Tipan ng Diyos kay Moises?
Sagot
Ang Tipan ng Diyos kay Moises ay isang may kundisyong tipan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel sa bundok ng Sinai (Exodo 19—24). Minsan, tinatawag din itong Tipan sa Sinai ngunit mas kadalasan itong itinutukoy na Tipan ng Diyos kay Moises dahil si Moises ang piniling mamuno sa Israel ng panahong iyon. Ang kaayusan ng Tipan kay Moises ay halos kapareho ng iba pang sinaunang kasunduan dahil ginawa ito sa pagitan ng makapangyarihang hari (Diyos) at ng Kanyang bayan (Israel). Sa panahon ng kasunduan, ipinaalala ng Diyos sa Kanyang bayan ang kanilang obligasyon sa pamamagitan ng Kautusan (Exodo 19:5), at sumang-ayon ang mga tao sa kasunduan ng kanilang sabihin, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon!” (Exodo 19:8). Ang Tipang ito ang magsisilbing palatandaan ng bansang Israel upang maging bukod tangi sila sa ibang bansa bilang bansang pinili ng Diyos at kapareho ang bisa sa walang kundisyong tipan ng Diyos kay Abraham dahil ito ay isa ring tipan ng dugo. Mahalagang tipan ang Tipan ng Diyos kay Moises sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos at sa kasaysayan ng bansang Israel na siyang pinili ng Diyos upang pagpalain ang buong mundo sa pamamagitan ng Kanyang nasulat na Salita at ang buhay na Salita ng Diyos, ang Panginoong Hesu Kristo.
Nakasentro ang Tipan ng Diyos kay Moises sa pagbibigay ng Kanyang mga utos sa bundok ng Sinai. Sa pangunawa sa iba’t ibang tipan sa Bibliya at sa kanilang relasyon sa bawat isa, mahalagang maunawaan na ang Tipan ng Diyos kay Moises ay kakaiba sa Tipan ng Diyos kay Abraham at kalaunan ay sa iba pang tipan sa Bibliya dahil ito ay may kundisyon na kung susunod ang Israel sa mga utos ng Diyos, pagpapalain sila ng Diyos, ngunit kung susuway sila sa utos ng Diyos, parurusahan Niya sila. Sa madaling salita, ang tagumpay ng tipang ito ay nakasalalay sa pagsunod ng Israel sa mga utos ng Diyos. Ang detalye tungkol sa mga pagpapala at mga sumpa na kalakip ng tipang ito ay matatagpuan sa Deuteronomio 28. Sa Diyos lamang nakasalalay ang tagumpay ng iba pang mga tipan na makikita sa Bibliya kung saan ipinangako ng Diyos na Kanyang gaganapin ang Kanyang tipan, anuman ang gawin ng Kanyang pinangakuan. Sa isang banda naman, ang Tipan ng Diyos kay Moises ay isang kasunduan kung saan nakasalalay ang tagumpay sa dalawang panig, sa Diyos at sa Israel at nakapaloob sa Tipan ang mga obligasyon ng magkabilang panig..
Napakahalaga ng Tipan ng Diyos kay Moises dahil sa pamamagitan nito ipinangako ng Diyos na gagawin Niya ang Israel na “isang kaharian ng mga saserdote at isang bansang banal” (Exodo 19:6). Ang Israel ang magiging ilaw sa madilim na mundo sa kanilang paligid. Magiging bukod tangi sila at isang bansang tinawag ng Diyos upang makilala ng lahat ng bansa sa kanilang palibot na sinasamba nila si Yahweh, ang Diyos na tumutupad sa Kanyang mga pangako. Mahalaga ito dahil sa pamamagitan ng tipang ito, tinanggap ng Israel ang Kautusan ni Moises na siyang tagapagturo na magtuturo sa kanila sa paparating na Kristo - ang Tagapagligtas (Galacia 3:24-25). Ipinapakita ng Kautusan ni Moises sa mga tao ang kanilang kasamaan at ang kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas, at ang Kautusan ni Moises ang tinutukoy ni Hesus ng Kanyang sabihin na hindi Niya pinawawalang bisa bagkus ay Kanyang gaganapin. Ito ay isang mahalagang puntos dahil may mga tao na naniniwala na naliligtas ang mga tao sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ngunit malinaw na itinuturo ng Bibliya ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya at ang pangako ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya ay ginawa ng Diyos kay Abraham bilang bahagi ng Kanyang tipan at patuloy pa ring umiiral (Galacia 3:16-18).
Gayundin, hindi talaga nagaalis ng kasalanan ang sistema ng paghahandog sa ilalim ng Tipan ng Diyos kay Moises (Hebreo 10:1-4); ito ay isa lamang simpleng anino ng pagtubos sa kasalanan ng tao, sa pamamagitan ni Kristo - ang perpektong Punong saserdote na Siya ring naging perpektong handog para sa katubusan ng kasalanan (Hebreo 9:11-28). Kaya nga, sa kanyang sarili, hindi makakapagligtas ang Tipan ng Diyos kay Moises, maging ang mga detalyadong kautusang nakapaloob dito. Hindi dahil may pagkukulang ang mismong Kautusan dahil ang Kautusan ay ganap at ibinigay ng isang Banal na Diyos kundi dahil walang kapangyarihan ang Kautusan ni Moises na magbigay sa mga tao ng bagong buhay upang perpektong masunod ang kalooban ng Diyos (Galacia 3:21).
Tinutukoy din ang Tipan ng Diyos kay Moises na Lumang Tipan (2 Corinto 3:14; Hebreo 8:6, 13) at pinalitan na ito ng Bagong Tipan ni Kristo (Lukas 22:20; 1 Corinto 11:25; 2 Corinto 3:6; Hebreo 8:8, 13; 9:15; 12:24). Ang Bagong Tipan ni Kristo ay higit na mabuti kaysa sa Lumang Tipan ng Diyos kay Moises. Pinalitan ng Bagong Tipan ang Lumang Tipan dahil tinupad na ng Bagong Tipan ang mga pangako na ginawa ng Diyos sa Jeremias 31:31-34, na tinutukoy sa Hebreo 8. English
Ano ang Tipan ng Diyos kay Moises?