Tanong
Ano ang nangyari sa Tore ng Babel?
Sagot
Inilarawan sa Genesis 11:1-9 ang Tore ng Babel. Pagkatapos ng Baha, inutusan ng Diyos ang sangkatauhan na “magparami at punuin ang mundo” (Genesis 9:1). Ngunit nagdesisyon ang sangkatauhan na gawin ang salungat dito: “Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig” (Genesis 11:4). Nagdesisyon ang sangkatauhan na magtayo ng isang malaking siyudad at manatili doon. Nagpasya din sila na magtayo ng isang higanteng tore bilang simbolo ng kanilang kapangyarihan, at upang gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili (Genesis 11:4). Ang toreng ito ay nakikilala bilang Tore ng Babel.
Bilang tugon, ginulo ng Diyos ang wika ng sangkatuhan upang hindi nila magawang makipagusap sa isa’t isa (Genesis 11:7). Ang resulta ay nakisama ang mga tao sa iba na ang wika ay kapareho ng kanilang wika at kumalat sila at nanirahan sa iba’t ibang panig ng mundo (Genesis 11:8-9). Ginulo ng Diyos ang wika sa Tore ng Babel upang ipatupad ang Kanyang utos na kumalat sila sa buong mundo.
May ilang nagtuturo ng Bibliya na naniniwala na nilikha ng Diyos ang iba’t ibang lahi ng sangkatauhan sa Tore ng Babel. Posible ito, ngunit hindi ito itinuturo sa teksto. Tila mas kapanipaniwala na ang iba’t ibang lahi ay naroon na bago pa ang pagtatayo ng Tore ng Babel at ginulo ng Diyos ang kanilang wika base sa kani-kanilang lahi. Mula sa Tore ng Babel, nahati ang sangkatauhan ayon sa kani-kanilang wika (at posibleng ayon sa kanilang lahi) at nanirahan sila sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inilarawan sa Genesis 10:5, 20 at 31 ang lahi ni Noe na kumalat sa sanlibutan “sa kanilang lahi at wika, sa kanilang teritoryo at bansa.” Paano ito nangyari gayong hindi pa ginugulo ng Diyos ang wika ng sangkatauhan bago itinayo ang Tore ng Babel sa kabanata 11 ng Genesis? Inilista sa Genesis 10 ang mga lahing nanggaling kay Noe mula sa kanyang tatlong anak na sina: Shem, Ham, at Jafet. Inilista din dito ang kanilang lahi sa ilang henerasyon. Dahil sa haba ng kanilang buhay ng panahong iyon, (tingnan ang Genesis 11:10-25), ang talaan ng angkan sa Genesis 10 ay posibleng nasasakop ang may ilang daang taon. Ang salaysay tungkol sa Tore ng Babel na itinala sa Genesis 11:1-9 ang nagbibigay ng detalye tungkol sa panahon kung kailan ginulo ng Diyos ang wika ng tao. Makikita natin ang iba’t ibang wika sa Genesis 10. Ipinapakita naman sa Genesis 11 kung paano nagumpisa ang iba’t ibang wika.
English
Ano ang nangyari sa Tore ng Babel?