Tanong
Totoo ba si Jesus?
Sagot
Si Jesus ay isang tunay na tao. Siya ang isa sa mga pinakumplikado, pinaka-tinatalakay, at iginagalang na pigura sa kasaysayan. Mas nakararaming iskolar, Kristiyano man o hindi o sa sekular man ang naniniwala na nagkaroon ng isang Jesus sa kasaysayan. Napakarami ng mga ebidensya. Tinalakay o binanggit si Jesus ng mga mananalaysay noong unang panahon, kabilang sina Josephus at Tacitus. Mula sa pananaw ng kasaysayan, napakabihira ang nagtatanong ng ganito: Mayroon ba talagang isang tao na nagngangalang Jesus na nabuhay sa Israel noong unang siglo?
Hinulaan sa Lumang Tipan ang tungkol sa pagdating ng isang Mesiyas, isang tunay na tao na magpapalaya sa Israel sa kanilang mga kaaway. Ang Mesiyas na ito ay isisilang sa Bethlehem (Mikas 5:2), mula sa lahi ni David (Genesis 49:10). Siya ay magiging isang propeta na katulad ni Moises (Deuteronomio 18:18), isang tagapagdala ng Mabuting Balita (Isaias 61:1), at magpapagaling ng mga karamdaman (Isaias 35:5–6). Ang Mesiyas ay magiging isang makadiyos na alipin na magdudusa muna bago maluluwalhati (Isaias 53). Si Jesus ay isang tunay na tao na tunay na ginanap ang mga hulang ito.
Naglalaman ang Bagong Tipan ng mga daan-daang pagbanggit kay Jesu Cristo bilang isang tunay na tao. Ang pinakaunang Ebanghelyo ay maaaring nasulat sa loob ng sampung taon pagkatapos na Siya ay mamatay. Ang pinakauna sa mga sulat ni Pablo ay isinulat mga 25 taon pagkatapos na mamatay ni Jesus. Ito ay mahalaga dahil nangangahulugan ito na habang kumakalat ang Ebanghelyo, maraming mga saksi na nabubuhay pa ang maaaring magpatunay sa katotohanan ng salaysay ng Ebanghelyo (tingnan ang 1 Corinto 15:6).
Napakarami ng mga manuskrito ng ebidensya para sa katotohanan ng Bagong Tipan: May mga 25 libo ng mga sinaunang manuskrito ng Bagong Tipan. Bilang paghahambing, ang Gallic Wars na isinulat ni Caesar noong unang siglo ay mayroon lamang 10 sinaunang manuskrito na umiiral pa rin—at ang pinakauna sa mga isinulat na ito ay isinulat 1,000 taon pagkatapos na maisulat ang orihinal. Gayundin, ang Poetics ni Aristotle ay mayroon lamang 5 manuskrito na isinulat 1,400 taon pagkatapos na maisulat ang orihinal. Ang mga nagdududa tungkol sa pagiging totoong tao ni Jesus ay dapat ding pagdudahan ang pagkakaroon ng isang Julius Caesar at Aristotle.
Labas sa Biblia, binanggit si Jesus sa Quran at sa mga sulat ng Judaismo, Gnostisismo, at Hinduismo. Itinuturing ng mga sinaunang mananalaysay na si Jesus ay totoo. Ang mananalaysay na si Tacitus na nabuhay noong unang siglo ay bumanggit tungkol sa mga tagasunod ni Cristo. Binanggit si Cristo ng isang sinaunang Hudyong mananalaysay na nagngangalang Flavius Josephus sa kanyang Antiquities of the Jews. Binanggit din ang paglitaw ni Jesus sa kasysayan sa mga sinulat nina Suetonius, pangunahing kalihim ni Emperador Hadrian; ni Julius Africanus, na inulit ang salaysay ni Thallus; ni Lucian ng Samosata, isang mananaysay na Griego noong ikalawang siglo; ni Pliny the Younger; at ni Mara Bar-Serapion.
Walang ibang pigura sa kasaysayan ang may mas malaking naiambag sa sangkatauhan na gaya ni Jesu Cristo. Kahit gamitin ang BC (Bago si Cristo) o BCE (bago ang Common Era), sinusukat ang mga taon mula sa isang kaganapan sa kasaysayan: ang pagsilang ni Jesus, isang tunay na tao. Sa pangalan ni Jesus, itinatag ang hindi mabilang na mga ampunan, ospital, klinika, unibersidad, paaralan, ahensya na nagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan, at mga institusyon sa pagkakawanggawa. Milyun-milyong tao ang makakapagbigay ng personal na patotoo sa nagpapatuloy na gawain ni Cristo sa kanilang mga buhay.
May hindi mabilang na ebidensya na nagpapatunay na si Jesus ay totoong nabuhay sa kasaysayan, sa kasaysayan ng mundo at ng Biblia. Maaaring ang pinakadakilang ebidensya na nagkaroon ng isang Jesus sa kasaysayan ay ang patotoo ng unang iglesya. Literal na libu-libong mga Kristiyano noong unang siglo kabilang ang labindalawang apostol, ang nagbuwis ng kanilang mga buhay bilang mga martir para sa Ebanghelyo ni Jesu Cristo. Mamamatay ang mga tao para sa isang bagay na kanilang pinaniniwalaang totoo, pero walang mamamatay para sa isang kasinungalingan.
Tinawag tayo para sumampalataya—hindi isang bulag na pananampalataya sa isang kathang isip na kuwento—kundi sa isang tunay na pananampalataya sa isang tunay na Tao na nabuhay sa isang tunay na lugar sa isang tunay na panahon sa kasaysayan ng mundo. Ang Taong ito, na pinatunayan ang Kanyang pagiging Diyos sa pamamagitan ng mga tanda na Kanyang ginawa at sa mga hula na Kanyang ginanap, ay namatay sa isang krus ng mga Romano, inilibing sa isang libingan ng Judio, at nabuhay na mag-uli para sa ating pagpapaging-ganap. Si Jesus ay totoo. "Sinabi sa kanya ni Jesus, "Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala" (Juan 20:29).
English
Totoo ba si Jesus?