Tanong
Totoo ba si Satanas?
Sagot
Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya ang tungkol sa pagiral at pagiging totoo ni Satanas. Ilan sa paglalarawan sa kanya ng Bibliya ang pagiging ‘kalaban ng sangkatauhan’ (Genesis 3:15), ‘ama ng kasinungalingan’ (Juan 8:44b), at ‘taga-usig’ (Pahayag 12:10). Ang mismong pangalang “Satanas” ay nangangahulugang “kalaban.” Ipinaliwanag sa Isaias 14:12-17 na si Satanas ay isang dating banal na anghel, ngunit nagpasya siyang agawin ang karangalan at pagsamba na para lamang sa Diyos. Kaya’t itinapon siya ng Diyos palabas sa langit (tingnan din ang Ezekiel 28:11-17).
Mula ng patalsikin siya sa langit (kasama ang mga anghel na piniling magrebelde laban sa Diyos), ang layunin na ni Satanas ay labanan ang Diyos at pangunahan ang mga tao sa lupa sa pagaaklas laban sa Kanya. Pansamantalang binigyan si Satanas ng Diyos ng kapamahalaan sa mundong ito; tinatawag siyang ‘diyos ng sanlibutang ito’ (2 Corinto 4:4) at “prinsipe ng kapangyarihan sa himpapawid’ (Efeso 2:2). “Kaya nga dapat tayong maging handa at mapagbantay. Ang diyablo ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8).
Ang isang mabisang kaparaanan ni Satanas upang manggulo sa ating mga buhay ay sa pamamagitan ng pandaraya. Sa tuwing nadadaya tayo ni Satanas sa kung sino ang Diyos, kung ano ang sinasabi ng Diyos kung sino tayo, at kung sino siya, nagkakaroon siya ng kapangyarihan at kapamahalaan sa ating mga buhay. Ang paniniwala na hindi umiiral si Satanas o hindi totoo si Satanas ang isa sa pinakamapaminsalang kasinungalingan ni Satanas.
Sa paglikha, binigyan ng Diyos ng kapamahalaan ang tao sa mundo (Genesis 1:28). Nang kusang sumuway sina Adan at Eba sa Diyos, isinuko nila ang ilan sa kanilang kapamahalaan. Sa pakikinig sa kasinungalingan ni Satanas, ipinailalim nila ang kanilang sarili sa Diyablo. Ngunit, doon sa krus, hinubaran ni Hesus si Satanas ng kanyang kapamahalaan: “Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito” (Juan 12:31). “Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 Juan 3:8). Wala ng anumang kapamahalaan si Satanas sa mga na kay Kristo, maliban sa tuwing binibigyan nila si Satanas ng karapatan sa tuwing makikinig at maniniwala sila sa kanyang kasinungalingan.
Ang napakaraming maling impormasyon tungkol kay Satanas ay nanggagaling sa Hollywood at iba pang depektibong pinagmumulan ng impormasyon. Nararapat na kumuha tayo ng impormasyon sa Bibliya para sa katotohanan sa bagay na ito at sa iba pang mga bagay tungkol sa Diyos at sa pananampalataya. Malinaw na itinuturo sa atin ng Bibliya na totoong umiiral si Satanas at binibigyan tayo ng Bibliya ng ideya kung paano siya kumikilos. Walang dahilan upang matakot tayo kay Satanas, dahil ang kanyang kapangyarihan ay napakaliit kumpara sa kapangyarihan ng Diyos. Ngunit itinuturo sa atin ng Bibliya na hindi tayo dapat maging kampante sa ating pakikibakang espiritwal (Efeso 6:10-18). Ang susi ay ang pagpapasakop sa Diyos at paglaban sa Diyablo (Santiago 4:7), na nalalaman natin na tinalo ng ganap ni Hesus sa krus at ang kanyang wakas – ang walang hanggang hatol ng Diyos – ay tiyak na tiyak (Pahayag 19:20).
English
Totoo ba si Satanas?