settings icon
share icon
Tanong

Ano ang traducianism?

Sagot


Ang traducianism ay ang paniniwala na sa panahon ng pagdadalang tao, ang katawan at ang kaluluwa o espiritu ng mga magulang ay naipapasa sa kanila. Sa ibang salita, namamana ng bata ang materyal at imateryal na aspeto ng kanyang pagkatao mula sa kanyang ama at ina.

Ang kasalungat na pananaw ay ang creationism, o ang paniniwala na nililikha ng Diyos mula sa wala ang kaluluwa ng bawat batang ipinagbubuntis. Parehong may kahinaan at kalakasan ang creationism at traducianism at pareho silang pinanghahawakan ng iba’t ibang mga teologo sa nakalipas. May pangatlong pananaw na hindi sinusuportahan ng Bibliya na nagsasaad na nilikha ng Diyos ng sabay-sabay ang lahat na kaluluwa ng mga tao bago likhain si Adan sa Genesis 1. Sa panahon ng pagbubuntis, inilalagay diumano ng Diyos ang kaluluwa sa katawan ng bata.

May ilang ginagamit na pangsuporta sa traducianism ang kuwento tungkol sa paglikha. Sinasabi sa Genesis 2:7, “Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.” Sinasabi sa atin dito na si Adan ay hindi lamang isang pisikal na nilikha na may katawan, kundi mayroon din siyang imateryal na bahagi na nilikha ayon sa wangis ng Diyos—mayroon din siyang isang espiritu at personalidad. Hindi binabanggit saanman sa Kasulatan na ginawa itong muli ng Diyos. Sa katotohanan, ipinapahiwatig sa Genesis 2:2–3 na tumigil ang Diyos sa Kanyang paglikha. Kalaunan, nagkaroon si Adan ng anak “ayon sa kanyang sariling anyo, ayon sa kanyang wangis” (Genesis 5:3)—ang pananalita ay kapareho ng mga salitang ginamit sa paglikha kay Adan sa Genesis 1:26. At, gaya ni Adan, si Set ay mayroon ding katawan at kaluluwa.

Sinasabi sa Awit 51:5, “Ako'y masama na buhat nang isilang, makasalanan na nang ako'y iluwal.” Mula sa sandaling siya ay ipinaglihi ng kanyang ina, si David ay mayroon ng makasalanang kalikasan. Pansinin ang salitang “ako;” nagpapahiwatig ito na itinuturing ni David ang kanyang sarili na isang buong persona (katawan at espiritu) noong siya ay ipagbuntis ng kanyang ina. Tinutulungan tayong ipaliwanag ng traducianism kung paanong nagtataglay si David ng isang makasalanang kalikasan sa tiyan ng kanyang ina—ang kanyang espiritu/kaluluwa ay kanyang minana sa kanyang ama na nagmana din ng kanyang espiritu/kaluluwa mula sa kanyang ama hanggang sa kanyang mga ninuno pabalik kay Adan.

Ang isa pang sitas sa Bibliya na sumusuporta sa traducianism ay ang Hebreo 7:9–10 kung saan mababasa, “Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.” Itinuring na si Levi ay “nasa katawan” ng kanyang mga ninuno, bago pa siya ipaglihi ng kanyang ina. Sa ganitong paraan, nagikapu si Levi kay Melquisedec sa pamamagitan ng kanyang lolong si Abraham.

Karaniwang mas madaling sugsugin ang pinanggalingan ng pulang buhok o pikas sa balat sa pamamagitan ng isang ina o ama. Maaaring hindi lumabas ang isang pisikal na katangian sa isang henerasyon, pero lalabas din iyon sa ibang henerasyon. Ganito rin ang ating masasabi sa personalidad o paguugali ng tao. “O hindi! mayroon siyang minanang masamang ugali”; “May disposisyon siyang kagaya ng kanyang ama,” “may pagmamahal siya sa mga hayop gaya ng kanyang ina.” May isang gene na ating maituturo na makakapagpaliwanag sa kaluluwa, ngunit karaniwan nating nakikita ang ebidensya sa personalidad o ugali na namana sa mga magulang. Ito ba’y maaaring resulta ng pagpasa ng mga magulang ng kaluluwa at ng katawan sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagdadalantao? Hindi kinukumpirma o itinatanggi ng Kasulatan ang pananaw na traducianism.

English





Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang traducianism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries