Tanong
Ano ang transubstantiation?
Sagot
Ang transubstantiation ay isang doktrina ng Simbahang Katoliko. Ito ang pakahulugan ng Simbahang Katoliko sa pangkat 1376 ng kanilang Katekismo sa doktrinang ito:
ilagom ng konseho ng Trent ang pananampalatayang Romano Katoliko sa deklarasyong ito: “Dahil sinabi ng ating Manunubos na si Hesu Kristo na tunay na ang Kanyang katawan ang Kanyang inihahandog sa anyo ng tinapay, at laging ito ang kumbiksyon at pinaniniwalaan ng Iglesya ng Diyos, at muling idinedeklara ng konsehong ito ngayon, na sa pagpapaging banal ng tinapay at ng alak, may nangyayaring pagbabago sa buong elemento ng tinapay at nagiging tunay itong katawan ni Kristo na ating Panginoon at gayundin, ang buong elemento ng alak ay nagiging tunay Niyang dugo.” Ang pagbabagong ito ay tinatawag ng Simbahang Romano Katoliko na "transubstantiation."
Sa ibang salita, itinuturo ng simbahan na kung ipapanalangin ng isang pari ang tinapay tuwing Huling hapunan sa pagdaraos ng misa, ang tinapay ay nagiging tunay na laman ni Kristo (bagamat ang hitsura, amoy at lasa ng tinapay ay hindi nagbabago); at sa tuwing pagpapalain o ipapanalangin niya ang alak, ito'y nagiging tunay na dugo ni Kristo (bagamat nananatili ang anyo, amoy at lasa ng alak). Ang konseptong ito ba ay Biblikal? May ilang mga talata na kung iintindihin ng literal ay magbubunga sa doktrina ng "tunay na presensya" ni Kristo sa tinapay at alak. Ang mga halimbawa ng mga talatang ito ay ang Juan 6:32-58; Mateo 26:26; Lukas 22:17-23; at 1 Corinto 11:24-25. Ang talata na malimit ginagamit ay ang Juan 6:32-58 lalo na ang mga talatang 53-57, "Sinabi nga sa kanila ni Hesus, katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y bubuhayin ko sa huling araw. Sapagkat ang Aking laman ay tunay na pagkain, at ang Aking dugo ay tunay na inumin."
Literal ang pagkaunawa ng Simbahang Katoliko Romano sa mga talatang ito at inilalapat ang unawang ito sa mensahe ng Huling hapunan ng Panginoon na kanilang binigyan ng titulo na "Eukaristiya" o "Banal na Misa." Ang mga tinatanggihan ang katuruan ng transubstatiation ay hindi literal ang unawa sa mga salita ni Hesus sa Juan 6:53-57 kundi simbolikal. Paano natin matitiyak kung aling pangunawa ang tama? Salamat na ginawang malinaw ng Panginoong Hesus mismo ang Kanyang ibig sabihin. Idineklara Niya sa Juan 6:33, "Ang Espiritu nga ang bumubuhay, sa laman ay walang anumang pinakikinabang; ang mga salitang sinabi Ko sa inyo ay pawang espiritu at buhay." Partikular na tinukoy ni Hesus na ang Kanyang mga salita ay espiritu. Ginagamit ni Hesus ang mga pisikal na konsepto ng pagkain at paginom upang magturo ng espiritwal na katotohanan. Gaya na kung paanong ang pagkain at paginom ang nagbibigay kalakasan sa ating pisikal na katawan, gayon din naman, ang ating espiritwal na buhay ay naliligtas at napalalakas sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesus sa espiritwal sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagkain ng laman ni Hesus at paginom ng Kanyang dugo ay simbolo ng buong puso at kumpletong pagtanggap sa Kanya sa ating mga buhay.
Idineklara ng Kasulatan na ang Huling Hapunan ng Panginoon ay pagalaala sa Kanyang katawan at dugo (Lukas 22:19; 1 Corinto 11:24-25), hindi ang aktwal na pagkain ng Kanyang pisikal na laman at dugo. Sa Juan kabanata 6, hindi pa Siya kumakain ng Huling Hapunan kasama ng Kanyang mga alagad kung saan Niya itinatag ang ordinansa ng Huling Hapunan. Ang unawain ang Huling Hapunan o kumunyong Kristiyano sa kabanata 6 ng Juan sa literal na paraan ay hindi tama. Para sa mas kumpletong diskusyon sa isyung ito, pakibasahin din ang aming artikulo na may pamagat na "Banal na Eukaristiya."
Ang pinakaseryosong dahilan upang tanggihan ang doktrina ng transubstantiation ay sa dahilang ang pakahulugan dito ng Simbahang Katoliko ay "muling paghahandog ni Kristo" para sa ating mga kasalanan o “representasyon ng Kanyang muling paghahandog sa ating mga kasalanan “Ito ay direktang salungat sa sinasabi ng Bibliya na si Hesus ay namatay ng minsan para sa lahat at iyon ay sapat na. Hindi na kailangan pang ihandog o mamatay na muli ni Kristo (Hebreo 10:10; 1 Pedro 3:18). Idineklara sa Hebreo 7:27, "na hindi nangangailangan araw araw na maghandog ng hain na gaya niyaong mga dakilang saserdote una una'y patungkol sa kanyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagkat ito'y ginawa Niyang minsan magpakailanman, ng Kanyang ihandog ang Kanyang sarili."
English
Ano ang transubstantiation?